"Basta ako, ready ako kahit anong imbestigasyon. Wala nga akong napagpaliwanagan. Hindi ko naman akalain na gagawin nila sa akin ‘yan," says Rose Flaminiano about the complaint filed against her by entertainment columnist Aster Amoyo and actresses Ara Mina, Aubrey Miles, and Maui Taylor.

Photo: Noel Orsal

Mahigit isang buwan pagkatapos maghain ng reklamo ang entertainment columnist na si Aster Amoyo at ang mga aktres na sina Ara Mina, Aubrey Miles, at Maui Taylor kay Vice President Noli de Castro, nagbigay naman ng kanyang panig ang controversial talent manager-businesswoman na si Mrs. Rose Flaminiano.

Ito ay kaugnay ng reklamo nina Aster at ng mga nabanggit na aktres tungkol sa pagkakautang nila sa Pag-IBIG Fund dahil sa mga bahay sa Rosmont Executive Villa sa Tarlac City na hindi naman daw nila napakinabangan.

Sina Ara, Aubrey, at Maui ay endorsers noon ng Rosmont Executive Villa, samantalang si Aster naman ay kumuha ng unit kay Mrs. Flaminiano pero nagdesisyong huwag na lang itong ituloy. Ang Rosmont Executive Villa ay dinevelop ng RALF Realty and Management Corporation na pagmamay-ari ni Mrs. Flaminiano. (Click HERE to read related story.)

"WALANG KATOTOHANAN." Ayon kay Mrs. Flaminiano, ang kasunduan daw nila ay wala siyang ibabayad para sa endorsement ng mga nabanggit na aktres. Pero may mga naka-stipulate daw sa kontrata na kailangan tuparin nila bago mapasakanila ang naturang bahay.

Nabasa raw ng kanyang anak na nasa Amerika ang isyung ito rito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at naalarma ito. Ito ang dahilan kung kaya't nagdesisyon na si Mrs. Flaminiano na ibigay ang kanyang panig.

"Ang reaksiyon ko sa reklamo nila, walang katotohanan lahat. Wala akong makitang katotohanan diyan," panimula ni Mrs. Flaminiano.

Patuloy niya, "Paano mo ibibigay sa kanila ang titulo? May mga stipulations sa contract na hindi nila nasunod tulad ng three international performances para mag-promote sa abroad dahil OFW [Overseas Filipino workers] naman ang buyers ko. Never na nangyari yun mula 2004 hanggang sa taong ito.

"Pangalawa, full-length movie sa FLT [Films] dahil mahal yung bahay, e! Pero hindi naman nila nabigyan ng oras dahil may nagpabuntis [referring to Aubrey Miles]. Nung time na yun, sikat sila, wala silang time na magawa yun. Siguro ngayon, may time na sila kaya nila kine-claim. Paano naman ang magiging investment ko?

"Ano pa ang gusto nilang gawin ko? Ano pa ang gusto nila? Siguro, puwede silang gumawa ng pelikula ngayon. Paano naman ang investment ko sa ngayon? Nung time na yun, active pa ako sa pagpo-produce pero sila naman ang hindi puwede," saad ng dating producer ng FLT Films.

Ano ang balak gawin ni Mrs. Flaminiano ngayong inireklamo siya dahil lumabas na may utang sina Ara, Aubrey, Maui, at Aster sa Pag-IBIG Fund nang hindi nila alam?

"May buy-back nga ako, e," sagot ni Mrs. Flaminiano. "Pag nag-default ang buyer ng payment, ako ang bibili ulit sa Pag-IBIG. Ako na ang magmamay-ari ulit. Ako na ang sasagot sa Pag-IBIG.

"Ang Pag-IBIG ay napakalinis at napakagandang ahensiya, huwag nilang idinadamay. Binigyan nila ako sa Tarlac City ng 45 million, nabayaran ko po yun. Yung kabila [isa pang subdivision niya sa Tarlac], hindi po ako nangutang, buo yun na akin. Sa Paoay [Ilocos Norte], meron akong balanse 39 million [pesos] plus interest. That's it!" paliwanag niya.

Ano naman ang reaksiyon ni Mrs. Flaminiano sa sinasabi ng mga nagreklamo sa kanya na ayaw nilang masira ang kanilang record sa Pag-IBIG?

"Yung mga bahay nila, e, di bibilhin ko ulit. E, ano pa ang record nila? Malilinis ko ang  utang nila. Mawawalan sila ng utang. Kakausapin ko ang Pag-IBIG na nabayaran na yun. Clear ang record nila.

"Actually, malapit nang i-buy back ng isang ahensyia ng isang bangko. Ang pagkakamali ko lang, hindi ko inayos nang maaga. Pero normal na proseso yun sa isang developer na merong buy-back," aniya.