Kung impact din lang ang pag-uusapan, walang dudang magkasing-lakas ng dating ang balitang pagbabalik-pelikula ng nag-iisang Star for All Seasons na si Vilma Santos at ang balitang pagtanggap ng role ng anak nitong si Luis Manzano bilang anak din nito sa pelikula. Hindi lang kasi bilang isang anak ang role ni Luis sa pelikula, pinag-uusapan din ang role niya bilang isang bading lover ng isa pang bidang lalaki sa pelikula, si John Lloyd Cruz.
At mas nakadagdag-ingay pa ang isyung magkakaroon daw ng kissing scene sina Luis at John Lloyd sa pelikula.
Hindi nga naging madali para kay Luis na tanggapin ang role. In fact, sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa ama nitong si Edu Manzano, nalaman ng PEP na pinag-usapan talagang mabuti ng mag-ama ang tungkol sa pagtanggap ng role na ito.
Ayon sa nakatatandang Manzano, panahon na raw para sa anak niya na tumanggap naman ng masasabing "off-beat roles." Paniwala kasi ni Edu, nasa tamang-edad na rin naman si Luis at alam niyang kahit na anong role pa ang ipaganap sa anak ay mabibigyang-hustisya nito, dahil na rin sa tunay na dugong-artistang nananalaytay sa kanyang dugo.
"Pinag-usapan namin ang nasabing eksena. Napaka-integral part kasi nito sa istorya, at nasabi ko na lang sa kanya, kapag malapit na, pumikit siya at dapat gandahan niya. Kasi siyempre, maiilang 'yan, e. Lalaki ang kahalikan mo, e," simula ni Edu sa panayam ng PEP sa kanya.
NO ANSWER TO ANOTHER KIND OF PIRACY. Samantala, abala naman at aminadong doble-doble ang pagtatrabaho ni Edu bilang chairman ng OMB (Optical Media Board) para sa nalalapit Metro Manila Film Festival. Nais kasi ni Edu na masiguradong walang mapipiratang mga pelikulang kalahok sa festival.
Ngunit sa kabila nito, aminado rin siya na wala naman silang masyadong magagawa sa isa pang paraan ng pagpipirata ng mga pelikula at musika—ang Internet downloading.
"Ngayon naman, ang magiging problema natin, ay hindi na yung bilog [discs] na nabibili natin, kundi yung downloading. Kasi everybody can do it, at wala pa tayong batas doon. Lahat—software, music, pati pelikula. Punta ka lang sa YouTube, may TV shows ka na. Ang daming naa-access sa Internet," sentimyento ni Edu.
VOTE FOR THE MOST COMPETENT. Sa
usaping pulitika naman, nagpahayag si Edu na may interes pa rin naman siyang
mahalal sa isang posisyon sa gobyerno. May mga naniniwala pa rin kasing matapos
na maging bise-alkalde noon sa Makati City, kaya ni Edu na humawak ng mas
mataas na posisyon sa gobyerno.
Ngunit ayon kay Edu, hindi naman daw siya nagmamadaling tumakbo sa kahit na anong posisyon. Gusto raw muna niyang ipakita sa mga mamamayan kung ano ang mga kaya niyang gawin bilang isang pinuno.
"Alam kasi ninyo, as a matter of fact, mas nauna pa ako kay Vi sa pulitika. So, yun ang isang bagay na hindi dapat madaliin, e. Lalo na sa panahon ngayon, we should look for the most competent, pinaka-credible na tao na tatakbo. Hindi lang porke, sasabihin natin, ating kumpare o kapitbahay o kaibigan, iboboto na.
"Sa
dami ng mga problema na kinakaharap ng Pilipino ngayon, we should vote for the
most qualified. Kaya nga, ibalik natin ang mga debate upang malaman natin kung
sino ang mga karapat-dapat na ilagay sa posisyon."