Nanawagan si Niño Muhlach sa Startalk kahapon, December 6, kung matutulungan daw siya ng media this time sa paghahanap sa kanyang anak na si Alessandro, anak niya sa dating asawang si Edith Millare na apat na taon nang hiwalay sa kanya.
Ayon kay Niño, matagal na raw niyang hindi nakikita ang anak dahil nga matagal na silang hiwalay ng ina nito.
"She's already with someone. She's happily married again. So, yun...siyempre, nauna naman siya. So, siguro, it's my turn to be happy rin."
May special someone na rin ba siya?
"Oh, yeah, yeah, of course! Of course," nakangiting pahayag ni Niño. "She's one month and two weeks pregnant," ang pagbibigay-impormasyon pa niya.
Hindi naman daw ang pagkakaroon ng ibang karelasyon na ni Edith ang ipinagsisintir ni Niño kung hindi ang pagkakawalay niya sa pitong taong gulang na anak na si Alessandro na hindi raw niya nakikita ng may dalawang taon na.
"Gusto ko rin manawagan. Gusto ko rin manawagan na sana, sana huwag mo namang itago sa akin ang anak ko. Na sana ay ipakita mo naman sa akin. I don't care if you're living with someone. Hindi naman ako magdedemanda. Pero sana, huwag mo namang idamay ang anak ko. Sana ipakita mo naman sa akin ang anak ko. Alam ko na napakasakit din sa kanya na lumalaki na siya na hindi niya nakikita ang sarili niyang tatay."
Dugtong pa ni Niño, "Siguro naman, kahit kanino natin itanong, karapatan ko rin naman bilang tatay na makita ko ang anak ko, di ba?"
Kuwento pa ni Niño, simula raw nang makakita ng bagong karelasyon ang asawa, itinago na raw nito ang anak sa kanya.
"I think kasi, nabuntis siya. So, siguro, natakot siya na baka magdemanda ako. Wala naman na kong pakialam dun. Gusto ko lang naman makita ang anak ko. Buti sana kung hindi ko nakasama yung baby ko. Nakasama ko, e.
"In my house right now, yung kuwarto niya, nakaayos yun. Lahat ng laruan niya nandoon. Spoiled na spoiled yun. Siyempre, first baby ko yun. Minsan naiiyak ako kapag nandoon ako sa kuwarto niya. Nami-miss ko siya ng sobra."
At dahil magpa-Pasko na nga, nakikiusap si Niño na baka puwede raw na ibalato na lang sa kanya ang chance na makitang muli ang anak na si Alessandro.
"It will be the best Christmas gift that I will ever receive in my whole life. Gusto lang talaga kitang makita. Mahal na mahal kita. Kung puwede n'yo lang talaga kong tulungan sa media. If you can find my son for me, that would really be the best gift.
"Kung puwede ko lang talagang ibigay ang number ko publicly, gagawin ko. Pero Alessandro, you know where I live, El Nino Apartelle. I love you so much, son."





