Maganda, maayos, ngunit maliit ang bahay nina Marky. Sa sala inilagak ang kabaong na diretso sa pinto kung kaya't hindi puwedeng magsabay-sabay ang papasok. Sa dami ng naghihintay sa pagdating ng mga labi ni Marky, kahit kalahati nito, hindi makakapasok sa bahay nang sabay-sabay.
Alas-dos ng madaling-araw, December 8, na dumating ang karwaheng kinalalagyan ng kabaong ni Marky. Puting-puti ito na may silver at gold trimmings sa mga handle. Inayos muna muli ni Rommel Gacho si Marky bago binuksan ang pinto. Nagpahabol pa ng isang rosary ang ina ni Marky na inilagay sa kaliwang kamay nito.
Maayos ang pagkaka-makeup ng mga labi ni Marky. Suot niya ang kanyang suit na ginamit noon sa grand finals ng kanyang StarStruck season. Kapansin-pansing napakataas ng saradong kuwelyo ni Marky na takip ang kanyang leeg.
Ang unang grupong artista na pumasok sa bahay ay sina Rainier, Mike, at Ryza. Dito, hindi na napigilan ni Mike ang umiyak nang todo. Isa sa closest friends ni Marky si Mike na kasamahan din sa Station 168, ang Internet shop sa Tomas Morato kung saan sila regular na naglalaro ng online games. Sa iyak ni Mike, nagsimula na ring humagulgol ang mga nakapilang artista hindi pa man nila nakikita si Marky.
Halos wala nang iluha si LJ, na sa funeral parlor pa lang ay napansin na naming mugtong-mugto na ang mata at naduduwal na.
Sa pagpasok nina Jennica at Mart, si Mart naman ang humagulgol nang todo. Isa pang malapit kay Marky si Mart at nakakasama rin sa Station 168.
Malalakas ang naging iyak nina Kris, Lovi, at Yasmien, mga nakatambal ni Marky sa mga ginawa nitong projects para sa GMA-7.
Kahit sa paglabas nila, hindi mapiligan ang pag-iyak nina Mike, Mart, at Kris. Inilayo muna ni Rainier si Mike. Si Kris, yumakap na lang sa kanyang ina habang humahagulgol. Si Mart naman ay niyakap ang kasintahang si Jennica.
Walang pumapasok na artista sa bahay na tuyo pa ang mga mata na hindi lalabas nang hindi umiiyak. Si JC, minabuti na lang lumayo muna kasama ng dalawang EP na sina Edlyn at Helen dahil hindi raw nila makayanan.
Hanggang sa isinusulat namin ito, hindi pa makapagdesisyon ang ina ni Marky kung ilang araw ibuburol sa bahay ang anak bago ito ilipad sa Bontoc, Mountain Province. Ang sabi, dalawang araw lang daw ito sa bahay ngunit baka raw mag-tatlo at sa Miyerkules, December 10, na ito dalhin sa probinsiya para doon ilibing.
May ilang StarStruck graduates na ring nangibang-bakod ng TV network, pero si Marky ang kauna-unahang namaalam nang tuluyan.
GMA-7 OFFICIAL STATEMENT. Ito ang inilabas na statement ng GMA-7 kaugnay ng pagpanaw ni Marky kahapon:
"Bandang alas-diyes kaninang umaga [December 7] sa Antipolo Doctors Hospital ay idinireklarang DOA [dead on arrival] ang young actor at StarStruck Nationwide Invasion Sole Survivor na si Marky Cielo.
"Ayon sa paunang salaysay ng kaniyang ina na si Mildred Cielo, natagpuan niyang nakahandusay ang kanyang panganay na anak sa kanilang tahanan sa Antipolo, Rizal, at agad itong sinugod sa ospital. Sa ngayon ay hinihintay nila ang resulta ng imbestigasyon ng sanhi ng pagpanaw ni Marky Cielo bago magbigay ng opisyal na pahayag ang kaniyang pamilya.
"Tubong Mt. Province at may lahing Igorot si Marky Cielo, ang itinanghal sa Sole Survivor sa Season 3 ng StarStruck. Hinahangaan siya sa kanyang maamong mukha, pati na rin sa kanyang husay sa pag-arte at pagsayaw.




