Ilang oras pagkatapos durugin ni Manny Pacquiao si Oscar de la Hoya sa kanilang boxing match kahapon, December 7 (December 6, U.S. time), ay nakausap via phone patch ni John "Sweet" Lapus si Karylle sa Showbiz Central. Si Karylle ang umawit ng Philippine national anthem sa Pacquiao-De La Hoya match na ginanap sa MGM Theater sa Las Vegas, Nevada.
Halata sa tono ng boses ni Karylle ang nararamdamang kaligayahan habang kausap niya si Sweet. Pero marami rin ang nakapansin na may tensiyon si Karylle habang kumakanta at hindi naman niya ito itinanggi.
"Hay, grabe, nakakanerbiyos pala talaga!" sambit niya. "Pero ang maganda dun, after ng match, talagang ang daming lumapit sa akin na mga Filipino at mga Mexicano, at pati Amerikano na nag-congratulate sila sa akin. Nagulat talaga ako kasi ang dami talaga! Tapos, nagpa-picture pa silang lahat!"
Nakausap ba ni Karylle si Manny bago ang laban nito?
"Oo, magkasama kaming lahat sa kuwarto niya. Kasi parang may mass doon. Traditionally, may misa. Tapos, nag-uusap sila, nagtatawanan," lahad ni Karylle.
Mukha bang kabado si Manny before the game?
"Hindi, relaxed na relaxed siya. At ang maganda pa, nagpapatawa nga kasi magbi-birthday nga raw siya [on December 17]. And he's turning 22 daw. So, Ate Karylle pa nga yata ako ni Manny!" natatawang kuwento niya.
May mensahe bang sinabi sa kanya si Manny bago siya kumanta sa harapan ng napakaraming tao sa MGM Theater?
"Wala," sagot ng singer-actress. "Basta sabi niya, pinili niya ako dahil alam niyang kaya ko. So, konting salita lang na ganoon, talagang nakakataba ng puso. Parang it gave me the strength and the courage to do what I have to do."
Pagkatapos nito ay tinanong naman ni Sweet si Karylle kung nakita niya sa loob ng MGM Theater ang ex-boyfriend niya na si Dingdong Dantes, na nanood din ng boxing match.
"Ang nakita ko rito, si Tita Imelda Papin!" natatawang sabi ni Karylle. "Si Tita Anabelle Rama, Tito Eddie Gutierrez, so hindi ko alam kung siya yung nakita ko. Parang nakasalubong ko siya, pero hindi ko sure. Kasi yun ang time na paakyat na ko sa ring."
Sa huli, hiningan ni Sweet si Karylle ng mensahe para sa mga taong pumuri sa pagkanta niya ng Pambansang Awit.
"Siyempre, gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng nag-pray for me. Sa lahat ng mga Filipino na nakilala ko rito. At saka yung mga Filipino rin diyan. Alam mo, nakita ko sila and when they saw them there, talagang sinabi nila, good luck. Na-feel ko yung importance na gagawin ko. I just want to thank everyone."
