"Koy, alam ko nandiyan ka pa. Ikaw na lang ang bahalang magpalakas sa amin, matanggap lang namin ang ginawa...kalagayan mo ngayon. Tulungan mo kami na matatag na harapin na wala ka. Koy, sana masaya ka kung saan ka ngayon," says Mrs. Mildred Cadaweng when asked for a message to her son.

Photo: Noel Orsal & Screen grab from 24 Oras

Wala na sigurong mas sasakit pa sa damdamin ng isang ina na nawalan ng isang anak. At ito ngayon ang nararamdaman ng ina ng pumanaw na young actor na si Marky Cielo—si Mrs. Mildred Cadaweng.

 

Matatandaang noong umaga ng December 7, Linggo, ay natagpuan ni Mrs. Cadaweng ang kanyang anak na nakahandusay sa kuwarto ng young actor sa kanilang tahanan sa Mission Hills, Antipolo City. Bagamat nagawa pa nilang dalhin si Marky sa Antipolo Doctors Hospital ay idineklara nang dead on arrival (DOA) si Marky bandang alas-diyes ng umaga.

 

Kahapon, December 8, sa programang SiS ng GMA-7 ay nakapanayam ni Carmina Villarroel si Mrs. Cadaweng sa kanilang tahanan, kung saan din nakahimlay ang bangkay ni Marky. Naging madamdamin ang panayam na ito ni Carmina sa ina ni Marky, na damang-dama talaga ang hinagpis sa pagkawala ng kanyang panganay na anak.

 

Si Carmina ay nakatrabaho ni Marky sa Codename: Asero. Ang mister naman ng aktres na si Zoren Legaspi ang naging direktor ni Marky sa Fantastikids.

 

Ani Carmina, "Wala po talaga akong masasabi sa kanya [Marky]. Napakabait na bata, napaka-talented, napaka-professional. Lahat po ng kapwa artista na nakatrabaho ni Marky, wala pong masamang masasabi kay Marky. Napakabait na tao, napakabait na anak, napakabait na kapatid."

 

Tinanong ni Carmina si Mrs. Cadaweng kung ano ang plano ng kanilang pamilya pagkatapos ng dalawang araw na burol sa bahay nila sa Mission Hills. Sinabi ni Mrs. Cadaweng na dadalhin nila ang bangkay ni Marky sa bahay ng lolo niya sa Bauko, Mountain Province, ng madaling-araw bukas, December 10. Doon na ihahatid sa kanyang huling hantungan si Marky.

 

Humingi rin ng pag-unawa si Mrs. Cadaweng sa desisyon nilang gawing pribado ang burol ni Marky.

 

"Kasi talagang sinadya namin na...medyo konting oras lang with him. So, pasensiya talaga sa ibang hindi makakapasok," saad ng ina ni Marky.

 

Tinanong naman ni Carmina si Mrs. Cadaweng kung ano ang hindi niya makakalimutan tungkol kay Marky.

 

"Mapagmahal siya na anak. Kaya siya mabait kasi nagmamahal siya sa amin," at dito ay hindi na napigilan ni Mrs. Cadaweng na umiyak.

 

Dagdag nito, "Hindi siya gumagawa ng kalokohan, kasi nagmamahal siya sa amin. Mapagmahal siya."

 

Ito po bang mga past few days, wala po ba siyang premonitions o wala po ba kayong napansin na kakaibang kilos po, o wala ba siyang sinabi?

 

"Alam ko lang, pagod siya. Pagod siya, hindi physically. Pero alam ko stressed siya," sagot ni Mrs. Cadaweng, na hiwalay na sa ama ni Marky na si Mr. Bobby Cielo.

 

Is it because of work or meron pang ibang dahilan?

 

"Siguro meron din siyang personal problems," pag-amin ni Mrs. Cadaweng.

 

Si Marky po ba hindi madalas mag-open up sa inyo, yung typical na lalake?

 

"Open siya, open siya talaga. Maliban lang kung... Pero kung alam niyang mamomroblema ako, kung alam niyang magwo-worry ako, hindi niya sinasabi. Inaako na lang niya," naiiyak na sabi ni Mrs. Cadaweng.

 

Kailan po ang huling usap ninyo ni Marky?

 

"Alas dose y medya ng gabi, the other night [December 7] pag-uwi niya."

 

Ano po ang pinag-usapan ninyo?

 

"'Yon, meron siyang isinusumbong na kasalanan daw niya. Sabi ko, ‘Desisyon mo ‘yan?'"

 

Kasalanan po sa trabaho po o personal na lang po?

 

"Oo... Sabi ko, ‘Harapin mo kung anong consequence. Kasi kung gusto mo na mature ka na lalake, responsibilidad mo kung ano ang implications ng action mo.' Maayos naman yung pag-uusap namin," lahad ng ina ni Marky.

 

Hiningan ni Carmina ng mensahe si Mrs. Cadaweng para sa lahat ng taong nagmamahal kay Marky.

 

"Salamat sa inyong pagmamahal kay Marky. Alam ko kung gaano ninyo siya inalagaan, hindi lang sa mga kasama niya na artista, sa mga crew, sa staff... Naramdaman ko kung paano n'yo minahal si Marky. Sa kanyang mga fans, salamat, salamat.

 

"Sana sa maiksing panahon na nakatrabaho n'yo siya, na napanood n'yo siya, sana nakapag-iwan siya ng magandang loob, magandang-aral. Sana nakabigay siya ng inspiration... Lalo na sa mga nakatrabaho niyang mga artista, mga fans niya," pahayag ni Mrs. Cadaweng.

 

Damang-dama naman ang lungkot at pangungulila sa tinig ni Mrs. Cadaweng nang hingan siya ng mensahe para sa pumanaw na anak.

 

"Koy, alam ko nandiyan ka pa. Ikaw na lang ang bahalang magpalakas sa amin, matanggap lang namin ang ginawa...kalagayan mo ngayon. Tulungan mo kami na matatag na harapin na wala ka. Koy, sana masaya ka kung saan ka ngayon," ang panaghoy ng ina ni Marky.

 

Pagkatapos nito ay hindi na rin napigilan ni Carmina ang kanyang emosyon habang pinapasalamat ang ina ni Marky sa pagpapaunlak nito ng interview.

 

"Alam ko po, mahirap po ang mga panahon ito para sa inyo," sabi ni Carmina. "We really appreciate it. Katulad po ng sinabi ni Mommy, Marky, wherever you are, we will really miss you. Sa lahat ng mga nakasama mo sa Codename: Asero, sa La Lola, sa Fantastikids... Lahat ng mga nakatrabaho mong direktor, napakabait mong tao, very professional, very talented... Tita, kahit sa sandaling panahon, marami pong na-touched si Marky.

 

"Sa mga fans, sana ipagpatuloy n'yo lang yung ginagawa ninyo kahit wala na si Marky. I'm sure matutuwa siya na ipagpapatuloy n'yo yung ginagawa ninyo yearly. Kung kailangan n'yo ako, go ako diyan."

 

Si Marky ang itinanghal na Ultimate Male Survivor at Ultimate Sole Survivor sa Batch 3 ng StarStruck, ang reality-based artista search ng GMA-7. Siya ay namatay sa murang edad na 20.