Isang nurse ang character na ginampanan ni JC de Vera sa entry ng Regal Films this year, Shake, Rattle & Roll X. Nasa "Emergency" episode siya kung saan makakapareha niya si Roxanne Guinoo sa unang pagkakataon.
"Isa akong nurse rito na emotionally disturbed dahil kay Roxanne. Parang siya ang ex-girlfriend ko na hiniwalayan niya ko for some reason. From there, kami ang unang nakatagpo sa aswang at ako rin ang unang nagdala sa aswang sa hospital," ang bungad ni JC noong nakapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng SRRX noong ika-16 ng Disyembre sa Imperial Palace Suites.
Nang usisain siya tungkol sa work niya with Roxanne, aniya, "Okey naman. Magaan naman siyang katrabaho."
Pero binigyang-diin niya na hanggang professional level lang sila ng Kapamiya actress. "Well, alam naman ng lahat na maganda siya," ang sabi ni JC, "pero, hanggang doon lang."
Biglang nagliwanag ang mukha ni JC nang banggitin ang pangalan ni Rhian Ramos, ang leading lady niya sa primetime series ng GMA-7 na La Lola. Kumusta na nga ba silang dalawa?
"Okey naman...mas okey kami sa ine-expect ko," nakangiti niyang sabi.
Aminado si JC na noong una ay nag-alinlangan siya sa desisyon ng GMA-7 na ipareha siya kay Rhian.
"Actually, hindi naman worry talaga, it's more on takot," natatawa niyang pag-amin "Unang-una, hindi ko naman kasi siya ganoon kakilala. Hindi kami nag-uusap nang madalas. Hindi ko talaga alam ang personality niya at dito ko lang siya nakilala talaga sa La Lola. At noong nag-start kami, hindi rin kami masyadong nakakapag-usap talaga. Yun ang time na ang dami kong work, so, medyo haggard talaga. Pero ngayon, medyo relax na. Mas kumportable ako ngayon kesa sa ine-expect ko dati."
Ano na nga ba ang estado ng kanilang friendship ngayon? Sila na ba?
"Hindi..." medyo matagal niyang sagot. "Puwede rin M.U."
Pero may commitment?
"Hindi ko po alam," nakangiti niyang sabi. "Well, ayoko lang siyang pag-usapan hanggang hindi ako...hindi ko alam...ayoko lang siyang pag-usapan talaga. Feeling ko, hindi pa talaga ito ang right time para pag-usapan siya."
Maingat sa pagsagot si JC, pero hindi niya maitago na meron siyang respeto at espesyal na pagtingin sa kapareha.
"Now, okey kami. Okey yung trabaho namin at maganda naman ang ratings namin. So, nagiging masaya lang siguro kami. Although, aaminin ko, masaya 'ko kapag nandiyan siya. Hindi makukumpleto ang araw ko na hindi siya nakikita. So, yun..."
Nang tanungin siya kung kelan biglang nagbago ang ihip ng hangin, "Hindi ko alam," ang matipid niyang sagot. Pero dagdag niya, "Hindi naman kasi pinaplano yun. Like ako, hindi ko plinano yun. Naging spontaneous lang. Naging spontaneous lang siyang lumabas. Nakakapag-usap nang maayos, yun..."
Paano niya ikukumpara ang closeness na meron siya ngayon kay Rhian sa dati niyang ka-love team na si Yasmien Kurdi?
"Bawal mag-compare...Hahaha!"
Pero dugtong din niya, "Iba...iba naman kasi ang ginagawa namin ni Rhian, eh. Iba rin yung ginawa namin ni Yas kaya mahirap mag-compare."
Masasabi ba niyang mas tunay ang nararamdaman nila ni Rhian ngayon?
"Para naman akong 16 years old...Hahaha! Pa-tweetums," natatawa niyang sabi, na obviously, halatang kinikilig.
Umapela ang alaga ni Annabelle Rama, "Hindi...ayoko lang siyang pag-usapan talaga."
MARKY'S DEATH. Sa kabilang banda, isa si JC sa mga huling artistang nakasama ni Marky sa trabaho dahil magkasama sila sa La Lola. May balitang nag-iiyakan daw halos ang staff at cast sa first taping nila na wala nang darating na Marky.
"Hindi kasi ako kasama noong umaga ng taping. Pero yung first night ni Marky sa wake, nandoon ako. Pumunta ‘ko...At siyempre, hindi pa namin naa-absorb talaga kasi, first night, eh.
"The next day, noon lang namin na-absorb na wala na...wala na si Marky. Nalungkot kami lalo, kasi itong week na tine-tape namin for La Lola, yun na ang time na pumapasok yung story niya, yung character. Doon na lalabas yung, kasi malaki ang character niya. Pero mapapanood pa rin nila si Marky, kasi advanced kami kaya marami na kaming na-tape."
Anu-ano na ang magiging pagbabago?
"Maraming iniba... Nahirapan yung mga writers kasi, yun nga, yung week na ‘to, para kay Marky lahat na ito. So, ewan ko..."
May napansin ba siyang kakaiba kay Marky bago ito namatay?
"Meron...merong mga napansin na medyo bothered siya. Medyo ganoon... Nakasama kasi namin siya last Thursday, yung huling taping niya for La Lola."
Wala bang naikuwento si Marky sa kanya?
"Well, ako, personally, hindi ko kilala si Marky na nagkukuwento ng mga bagay-bagay. Kasi palagi lang yung nakangiti. Palagi lang yung mabait sa lahat. Marespeto, tahimik. So, hindi talaga siya magkukuwento kung anuman ang iniisip niya noon. So, kami, hindi namin alam."
Aniya pa, "Ako, ayoko na rin pag-usapan. Ayoko na rin magdagdag ng kuwento kasi, hanggang ngayon nga, marami pa rin kuwestiyon. So, hayaan na lang natin ang family ni Marky na magsalita. Kung ayaw man nilang magsalita, respeto na lang para privacy na rin nila yun."
Personally, naapektuhan din daw siya sa ni Marky...
"Hanggang ngayon nga, hindi ko ma-absorb talaga. Parang marami pa rin akong gustong malaman. Marami pa rin akong gustong itanong. Pero sabi ko nga, hindi ko na lang gustong magtanong. Hahayaan ko na lang kung anuman ang marinig ko," pagwawakas ni JC.
