Sa kabila ng maraming tagumpay na tinanggap ng pamilya Gutierrez sa taong 2008, sa huling quarter naman ng taon ay naharap sa pagsubok ang pamilya dahil kapwa sumailalim sa maselang operasyon ang haligi at ilaw ng kanilang tahanan na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama. Pero matagumpay nga rin nilang pinagdaanan ito dahil kapwa nasa magandang kalagayan na ngayon ang showbiz couple.
Sa live guesting nina Eddie at Annabelle sa The Buzz kahapon, December 28, bilang huling guests sa segment na "Tough Ten," matapang at matapat nilang sinagot ang sampung matitinding tanong ng The Buzz host na si Boy Abunda.
Tough Ten Question No. 10: Ano ang isang bagay na pinakaayaw n'yo sa isa't isa at bakit?
Unang sumagot si Eddie, "Ako, ang unang ayoko kay Annabelle ay yung nagseselos siya sa mga bagay na hindi nangyayari. Nag-i-imagine siya na may nangyayari, pero wala pang nangyayari. Yun."
"Alam mo Boy, ang lalaki never naman talagang umamin, di ba?" hirit naman ni Annabelle. "Maski nahuli mo na, hindi pa rin totoo yun. Ang ayoko lang sa kanya yung pag gabi na laging pinapatay ang cell phone. Hindi ko siya makontak. Lately lang ‘yan, ha. Hindi ko siya makontak. Tapos pagdating sa bahay, siya pa ang galit. Itatapon ang cell phone, tapos sasabihin, ‘E, sira naman ang cell phone na binibigay mo sa akin, e!' Samantalang bago siya umalis, hindi naman sira."
Tough Ten Question No. 9: Para kay Eddie, bukod kay Annabelle at kay Ruffa, sino ang pinakaseksing babae dito sa Pilipinas para sa iyo?
Hindi pa nakakasagot si Eddie ay nagpauna na si Annabelle ng, "Tell the truth!"
"Pinakaseksi dito sa Pilipinas... ngayon o noon?"
Ngayon...
"Ang pinakaseksi ay si a.... Ewan ko, wala akong... Lately, hindi kasi ako tumitingin sa mga seksing babae, e."
O noon...
"Kung noon, si Annabelle Rama."
At hindi nakatiis sumabat ni Annabelle, "Bukod sa akin, sino, Eduardo?"
"Wala na!" sagot ni Eddie at nagtawanan na silang tatlo.
Tough Ten Question No. 8: Para kay Eddie, ano ang isang bagay na ginawa ni Annabelle na nagpatunay sa iyo kung gaano ka niya kamahal?
"When I got sick, 24 hours siyang nasa tabi ko. Iyon, doon ko nakita na talagang mahal na mahal ako ni Annabelle."
At kinorek pa ni Annabelle si Eddie, "Mali ka, darling, hindi 24 hours. Four days hindi ako umuwi ng bahay. Nasa iyo lang ako."
Tough Ten Question No. 7: Para kay Annabelle, sa lahat ng babaeng na-link kay Eddie, sino ang pinakapinagselosan mo at bakit?
"Lahat naman sila pinagselosan ko," sagot ni Annabelle. "At yung pinakagrabe yung sinabunutan ko sa Greenhills. Ang masama pa, hindi siya sikat, starlet. Kaya I cannot mention her name. At saka halos lahat naman sa showbiz noong araw, naging girlfriend naman ni Eddie, halos lahat. Kaya lahat sila pinagseselosan ko."
Tough Ten Question No. 6: Para kay Eddie, ano ang pinakamalalang nagawa ni Annabelle dahil sa pagseselos sa iyo?
"Yun nga yung binanggit niya na nakipag-away siya sa may Greenhills. Nakita ko gumugulung-gulong sila sa sidewalk. Nakikipagsabunutan... nagsisipaan... nagtatadyakan sila. Yun ang isa na sa pinakagrabeng nakita ko sa kanya."
Kasabay ng mga reaksyon ng mga tao sa studio sa revelation na ito ni Eddie ay muling sumingit si Annabelle. Aniya, "Actually, Boy, nagsisisi nga ako kung bakit ko ginawa yun. Kasi hindi pala worth it. Nasisira ang pangalan ko, e."
Tough Ten Question No. 5: Sino ang pinakamayaman sa inyong mga anak?
Matagal bago nakasagot ang mag-asawa hanggang sa mauna nang magsalita si Eddie, "Well, actually, lahat sila meron silang kanya-kanyang katangian. Si Ruffa, she has been working since she was 13 years old. So, marami rin siyang naipon at marami rin siyang investments. At ngayon naman si Richard dahil maganda ang naging takbo ng career niya..."
At itinuloy na ni Annabelle, "Masipag naman ‘yan, Boy, e. Lahat ng mga anak ko masipag. Nagmana kay Eddie, workaholic lahat sila. Ayaw tumigil, maski umaga na, sige pa rin. Kaya sila nakapag-ipon kasi marunong sila. Hindi naman sila makunat. Marunong silang mag-ano sa mga pera nila. Kaya lahat sila mayaman."
Tough Ten Question No. 4: Ano ang pinakamatinding problemang hinarap ninyo na muntikan n'yo nang ikahiwalay at bakit?
"Alam mo, Boy, madalas kaming maghiwalay ni Annabelle, e," ani Eddie. "Minsan maliit na bagay naghihiwalay kami. Pero palagay ko, yung tindi ng selos niya na madalas na nagihiwalay kami. Pero after a while, nag-uusap kami. Hindi yung katulad ng ibang naghihiwalay na forever na. Kami, naghihiwalay kami pero sometimes we sleep in the same house. Yun lang, minsan doon siya natutulog sa salas, at ako naman sa kuwarto."
Bumira naman si Annabelle ng: "Pasalamat ka, mahal na mahal kita. Kung hindi matagal na akong nawala sa ‘yo!"
Tough Ten Question No. 3: Para kay Annabelle, sa lahat ng na-link at nakarelasyon nina Ruffa at Richard, kanino ka pinakaboto at bakit?
"Actually, sayang nga wala pang relasyon ngayon, si KC [Concepcion], e. Si KC yung nakikita kong babae na pangarap ko para kay Richard. Unang-una, masipag, maganda, workaholic katulad ni Richard at saka marunong sa buhay. Yun talaga ang babaeng gusto ko para mapangasawa ni Richard. Si KC, nagmana siya sa nanay niyang [Sharon Cuneta] mabait. At hindi plastic. Yun ang gusto ko.
"Kay Ruffa naman," patuloy ni Annabelle, "yung pinapangarap ko sa kanya, sana ‘yon na si Yilmaz [Bektas]. Ang problema lang kay Yilmaz nananakit, yun lang yun. Pero nakita ko... Si Yilmaz kasi, ano siya as a father, as a husband, yun ano... very protective siya kay Ruffa. Talagang magaling siya para kay Ruffa. Maliban doon, kung hindi lang sana siya nananakit, perfect sana siya para kay Ruffa."
Tough Ten Question No. 2: Sino sa inyong mga anak ang pinakapaborito ninyo at bakit?
"Ang paborito ko, siyempre si Ruffa," matapat na pag-amin ni Eddie na ikina-react ng audience sa studio, especially si Ruffa, na nakikinig at pinapanood din ang interview sa kanyang mga magulang. "Kasi she's the only girl in the family. At siyempre, siya ang eldest sa mga anak ko kay Annabelle. So, talagang si Ruffa ang paborito ko."
Sagot naman ni Annabelle: "Actually, ang malambing sa akin si Richard. Yun talaga ang ano...yun talaga ang nakikita ko noong magkasakit ako. Doon siya natutulog at saka worried na worried siya sa akin. Maya't maya text nang text. Malambing siya. Pero mahal ko rin si Elvis. Kasi si Elvis, mabait din katulad din ng daddy niya. Ang kaibahan lang kay Elvis, kulang sa lambing. Talo siya ni Richard. Si Richard ang pinakamalambing at pinakamabait sa mga anak ko."
Tough Ten Question No. 1: Ngayong taon, kapwa kayo nalagay sa kritikal na kondisyon. If today is the last day of your lives, ano ang bagay na ihihingi n'yo ng tawad sa isa't isa?
Si Eddie ang unang sumagot. Aniya, "Well, ako noong araw, inaamin ko na marami akong naging girlfriend noong kasal kami ni Annabelle. Yun ang ihihingi ko ng tawad kay Annabelle."
Sumunod na agad si Annabelle. "Ako naman, ang ihihingi ko ng tawad sa kanya, sabi ko, ‘Patawarin mo ang bunganga ko, maingay, at lagi akong nagseselos sa ‘yo. E kasi kung hindi kita mahal, hindi ako magseselos sa iyo.' Basta lahat ng nakasakit sa aming dalawa, lahat napag-usapan na namin. Nagawa na namin ‘yon."
Papasok na tayo sa bagong taon, bagong buhay... ano ang nais n'yong sabihin sa isa't isa? Mensahe ng pagmamahal sa isa't isa?
"Basta ako, habang buhay kitang mamahalin, sweetheart," sabi ni Annabelle. "Hindi na ako titingin sa ibang mga lalaki. Maski minsan nagseselos ka sa akin. Wala yun. Ikaw lang talaga sa buhay ko, hanggang mamatay na ako, hanggang tumanda na ako, ikaw pa rin."
At nagbigay na rin ng mensahe si Eddie. "Ako naman, masaya ako na si Annabelle ang naging asawa ko dahil nakita ko sa kanya ang pagmamahal sa akin at sa mga anak namin. At I'm very happy na ang mga anak namin are all healthy. They're all doing well. Kaya masaya ako na si Annabelle ang naging asawa ko."
Do you want to renew your vows?
"Lagi kong sinasabi sa kanya ‘yan," sagot ni Annabelle. "Kasi sabi ko, ‘Eduardo, more than 25 years na tayo, kaya dapat tayo nagpakasal na tayo ng...silver ba yun?' Sabi niya, ‘Basta mahal kita, kahit saan pang simbahan puwede.' Pero lagi namang ma-postpone nang ma-postpone. Kaya sabi ko, baka may pumipigil sa asawa ko kasi laging postpone nang postpone. Excited na akong mag-ayos sa kasal, lagi namang napo-postpone.
"Bakit ba, Daddy?" tanong ni Annabelle kay Eddie.
Ani Eddie, "Actually, nagplano kami niyan siguro mga five years ago. We plan to get married again kasi nagpakasal kami sa Amerika. At ang flower girl namin was Ruffa, at ang ring bearer namin was Rocky. Yun nga, gusto sana naming magpakasal ulit, so maybe in the future."
Nagpasalamat na si Boy kina Eddie at Annabelle, pero may ipinahabol pa si Annabelle na message. "Mon, I love you. Mahal ko rin ‘yang si Raymond."
Na sinegundahan naman ni Eddie, "Mahal namin ang lahat ng mga anak namin."
"Mahal namin ang mga anak namin. Pero kasi iba yung naglalambing sa iyo, di ba? Kaya mas maano talaga si Richard, kasi sobrang lambing talaga niya sa akin," ayon pa kay Annabelle.
"Ako ganun din, si Richard malambing din sa akin. Lahat naman ng mga anak ko, mahal na mahal ko silang lahat. At I always pray na they will always be healthy and successful," huling sabi ni Eddie.