Hindi nagsasabi ng "Thank you" si Ricky Lee—Creative Manager ng ABS-CBN, Creative Consultant ng Cinema One, sikat na screenwriter at ngayo'y nobelista na rin—malibansa mahabang listahan niya lagi pag tumatanggap ng award.
Pero bongga ang kanyang pasasalamat pag ginagawa niya ito. Hindi media-covered fiesta sa isang five-star venue, kundi potluck party na dinadagsa ng kanyang mga kaibigan sa entertainment industry.
Katulad noong Lunes, December 29, sa kanyang inuupahang bahay sa Xavierville, Loyola Heights, Quezon City. A month after the successful launching of his first novel Para Kay B (O kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin), he threw a thanksgiving party.
Aniya, isa pang dahilan ng party ay ang pagiging bestseller ng Para Kay B. Unang araw pa lang na naka-display sa Powerbooks, sold out na ito, hanggang buong linggo. Napakaraming tumulong—personalities and celebs in film and TV, teachers, workshoppers, at iba't iba pang kaibigan—para sa tagumpay ng unang nobela niya.
Mula alas siyete hanggang umalis kami, bandang midnight, sinasalubong niya ang mga bisita. Ilan sa early birds ang kanyang mga kamag-anak. "Napapa-Chinese tuloy ako," tawa niya habang nakikipagtsikahan.
On time din si Direk Maryo delos Santos, actresses Chanda Romero and Malou de Guzman, at ang Philippine-culture icons, National Artist Dr. Bienvenido Lumbera at Danton Remoto. Excited na nakipag-photo op si Chanda kay Doc Bien.
Sabi ni Doc Bien kay Ricky, "Mag-text daw ako sa anak ko kapag dumating si ___ (hot matinee idol)."
Ricky (nakatawa): "Mga pinaka-close lang talaga sa akin ang inimbita ko, e."
Pero hindi nakarating sina Mel Chionglo, Direk Joel Lamangan na nagti-taping, Gil Portes na nasa N.Y., kapwa screenwriter Pete Lacaba na nilalagnat noon, at YES!-PEP editor-in-chief Jo-Ann Maglipon at Karina Bolasco, publisher ng Para Kay B, na parehong may iba pang commitment.
Uminit ang party bandang alas nuwebe. Napuno ang bakuran kung saan naroon ang main buffet table ng mechado, breaded fish, chicken dishes, kanin siyempre, pancit Malabon, buko at fruit salads, at sangkatutak na desserts. Lahat ay potluck na karaniwan kapag nagpa-party si Ricky.
Siksikan din ang loob ng bahay at nakita namin si Direk Joyce Bernal na tumambay roon, kasama ang UP barkada nila ni Ricky, tulad nina Raymond Lee, indie producer at co-writer ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros at Endo, at Direk Cathy Garcia-Molina.
Sa labas ay ‘andoon na rin si Gina Alajar (kaibigan ni Ricky mula pa noong ‘80s nang gumanap siya sa Moral, Brutal, at Salome na sinulat ni Ricky); director-screenwriter Raquel Villavicencio, camera pro Romy Vitug, Boy Villasanta, Armando "Bing" Lao, ABS-CBN teleserye director Jerome Pobocan, Ryan Carlos, at Cinema 1 head Ronald Arguelles.
Galing si Direk Gina Alajar sa story conference ng bagong teleserye ni Judy Ann Santos. Excited si Gina dahil may Kapamilya show na rin siya; mas madalas siyang nagdidirek sa GMA-7 at nagbibigay rin ng acting workshops.
Si Direk Jerome Pobocan ang co-director with Marilou Diaz-Abaya ng book launching program ng Para Kay B noong November 30.
Si Ryan Carlos na dating scriptwriting student ni Ricky sa UP ang director ng Florinda, ang upcoming teleserye ni Maricel Soriano.
Malakas ang presence ng mga indie-film directors—Sig Sanchez, Dante Mendoza, John Torres, Ato Bautista, Nilo Paz, Bong Ramos, at Cris Pablo, "Amateur Porn Director" (nakasulat in yellow sa suot niyang black t-shirt).
Karamihan sa mga guests ay mga workshoppers at ang mga loyal fans ni Ricky mula sa 16 batches of free workshops na personal project niya mula noong 1982. Sina Bing Lao at Linda Casimiro ay first-batch workshoppers ni Ricky. Naroon din ang latest batch ng 2005-2006 ABS-CBN at Channel 5 workshoppers, pati yung mga lumipat na sa GMA-7.
Nakatutuwang incident noong nasa table namin si Ricky ang paglapit ng dalawang Noranians: Teo Antazo (15 times niyang pinanood ang Himala) at Marites Rivera. Miyembro sila ng International Circle of Online Noranians (ICON). Excited na pagbabalita ni Teo: Sold out na ang $100 at $250 tickets ng U.S. concert ni Ate Guy, Sa ‘Yong sa ‘Yo Pa Rin. Balik-bayan si Nora next year dahil may offer sa kanya ang indie director na si Lav Diaz.
Habang nagtsisibugan-tsikahan ang lahat, tumutugtog ang CD ng mga paboritong ‘70s music ni Ricky, The Free Design (the complete discography) Para Kay R (O kung paamo dinevastate ng sounds ang 4 out of 5 a atin). Regalo ito ng makatang si Lourd de Veyra na lead singer din ng Radioactive Project Sago at DJ sa NURock.
At walang pagod na nag-table-hopping ang celebrator, nakipag-photo op sa mga sunud-sunod na humingi ng pose, pinagbigyan ang ilang interviewers, at déjà vu, muling nag-autograph ng santambak na librong Para Kay B.
Hindi pa siya kumakain sa sariling party. Nahuli namin siyang nagsasandok ng buko salad sa buffet nang magpaalam kami, maghahating-gabi na. Latecomers sina Ricky Davao at indie film director Dado Lumibao, head writer ng Maalaala Mo Kaya.
Sa darating na taon, tututukan ni Ricky at mga kaibigan ang Writers Foundation, ang proyektong tutulong sa mga struggling writers, lalo na sa mga may pangangailangan sa kalusugan at kabuhayan.
Blocked off na rin sa 2009 calendar ni Ricky ang kanyang unang digital film directed by Joel Lamangan, Fuchsia, tungkol sa pagkamulat ng isang 83-year old (played by Ms. Gloria Romero). Kasama sa cast sina Armida Siguion-Reyna, Eddie Garcia, Robert Arevalo at Celia Rodriguez.
Magiging busy rin si Ricky Lee sa mga upcoming teleserye ng ABS-CBN: Piolo Pascual-KC Concepcion's Lovers in Paris, Jericho Rosales-Kristine Hermosa comeback project, Angel Locsin-Diether Ocampo-Sam Milby teleserye, at ang soap ni Lorna Tolentino na wala ring final title pa.
For Ricky Lee, the directors and scriptwriters who "graduated" from his workshops, and his countless friends and fans—the party is far from over.