"Hindi naman po yun dahil sa isang problema lang. Ang dami na rin problema. May showbiz. May family. Problema namin ni Vicki. Problema namin ng mga kaibigan ko. Ang nangyari po kasi, may pumasok ng condo ko at kinuha na yung mga gamit. Kinuha yung hard drives ko, kinuha yung mga journals ko," says Hayden Kho in his interview in Startalk when asked about his breakup with Dra. Vicki Belo.

Photo: Noel Orsal

"She's no longer connected," ang sabi ng sumagot sa telepono nang tumawag kaninang hapon, January 5, ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Belo Medical Office sa Medical Plaza Building, Makati City, para hanapin si Princess Velasco.

Si Princess Velasco ang "missing piece" sa puzzling breakup nina Dra. Vicki Belo at Dr. Hayden Kho. Si Princess ay dating manager sa Belo Medical Clinic at girlfriend siya ng best friend na doktor ni Hayden.

Lumitaw ang pangalan ni Princess dahil sa mga impormasyon na natanggap ng PEP matapos ipalabas ng Startalk noong Sabado, January 3, ang kanilang exclusive interview kay Hayden. Nadamay ang pangalan ni Princess dahil na rin sa mga pahayag ni Hayden at sa rebelasyon ni Butch Francisco sa Startalk na sangkot din sa breakup nina Dra. Belo at Hayden ang girlfriend ng isang doktor.

Ito ang pahayag ni Hayden sa Startalk na naging dahilan upang mabuo ang misteryo ng pagkakatuklas ni Dra. Belo sa pagiging unfaithful niya at sa discovery ng mga video sa kanyang computer laptop:

"Hindi naman po yun dahil sa isang problema lang. Ang dami na rin problema. May showbiz. May family. Problema namin ni Vicki. Problema namin ng mga kaibigan ko. Ang nangyari po kasi, may pumasok ng condo ko at kinuha na yung mga gamit. Kinuha yung hard drives ko, kinuha yung mga journals ko."

Before or after the incident?

"During...basta, pinagkaisahan na nila ako. Yung mga barkada ko, supposedly. Parang conspiracy. May ginawa akong mali sa kanya, ngayon, bumawi siya sa akin."

Paano raw nakuha ang susi?

"Binigay po ni Vicki... Kaaway ko po dahil kasalanan ko..."

Anong kasalanan yun?

"Hindi ko po puwedeng sabihin, secret po..."

Ayon sa mga impormasyon na nakalap ng PEP, niligawan at nakarelasyon diumano ni Hayden si Princess kahit alam niya na girlfriend ito ng kanyang best friend na doktor. Nalaman daw ng naturang doktor ang ginawa ni Hayden at nagkumpisal din daw si Princess kaya ipinagtapat nila kay Dra. Belo ang mga kasalanan ni Hayden.

Ang kaibigan daw ni Hayden ang nagsabi kay Dra. Belo na ebidensiya ang mga video sa laptop ni Hayden.

Sa kuwento ni Hayden sa Startalk, ipinagtapat niya na ibinigay ni Dra. Belo sa kanyang mga kabarkada ang susi ng condo, kinuha ang mga hard drive at journals niya. Ang mga video at journals ang nagsilbing ebidensiya kaya tinapos ni Dra. Belo ang kanilang relasyon at naging ugat ng suicide attempt ni Hayden.

"My Princess" ang tawag ni Hayden kay Dra. Belo. Dahil sa mga bagong impormasyon na natanggap ng PEP, lumabas na isang Princess din ang ugat ng kanilang paghihiwalay at naging susi upang malantad ang mga sikreto ni Hayden.