Hailed as the Prince of Indie, si Coco Martin ay nakagawa ng unconventional na pamamaraan para magkapangalan. Agad-agad ay sineryoso siya bilang aktor sa pamamagitan ng indie films na may kakaiba at mas seryosong tema. Mula sa Masahista, nagpaka-daring nang may lalim si Coco sa mga indie films na gaya ng Serbis, Ataul 4 Rent, Daybreak, Tambolista, at iba pa.
Ngayon, nabigyan siya ng pansin ng ABS-CBN. Kasama na siya sa isang malaking primetime drama na may powerhouse cast headed by Jake Cuenca, Gerald Anderson, and Kim Chi—Tayong Dalawa.
"I owe it a lot sa indie films na nagawa ko. Kung noon natutuwa na ako sa papuri sa pag-aartista ko, nakakatsambang makarating sa iba't ibang film festivals abroad, ngayon ay mas marami nang opportunties. Mas nae-enjoy ko na bale ang pakinabang ng pinagpaguran ko through mainstream TV," pahayag ni Coco sa grand press conference ng Tayong Dalawa na ginanap sa Teatrino, Greenhills, kagabi, January 7.
Ibig bang sabihin, mababawasan ang atensiyon niya sa indie film projects?
"Ilang buwan na rin akong busy sa ABS-CBN," ani Coco. "Kasama ako noon sa Ligaw na Bulaklak, 'tapos na-absorb ako sa Tayong Dalawa, na talagang tuwang-tuwa ako. Kasi pangarap ko talaga ito, yung mapanood ako sa isang teleserye na pang-primetime, na alam kong matatandaan ako ng mga tao at higit pa akong makikilala.
"Walang dahilan para mabawasan ang atensiyon ko para sa indie. Unang-una, wala pa namang nag-o-offer sa akin ng mainstream films na malaki-laki ang role, o ako ang bida. Pangalawa, kahit ganoon, na mabigyan pa ako ng bigger breaks sa movies, hindi ko kalilimutan ang roots ko. Dito ako higit na nakilala ng mga tao at marami pa rin ang nakapansin sa akin. Naging mas busy lang ako, at naia-adjust pa rin naman ang schedule, lalo na kung may magagandang alok na indie films."
THE NEXT LEVEL. Dahil dito, iniintriga si Coco na habang umaangat ang level niya, nagbabago na raw ang ugali niya.
"Ano raw ang eksaktong sinasabi nilang negative about me?" parang naguluhan pa si Coco sa nasabi namin. "Marami nga akong nababasa o nababalitaan. Na kesyo nagiging critical na raw ako sa pakikipagtrabaho sa ibang indie filmmakers. That's not true.
"Kung ako naman ang direktang kakausapin nila, wala akong alam sa mga nasasabing ganyan, at ayokong magsalita laban sa kung sino. I'm not like that. Gusto ko lang magtrabaho. Marami ang nakakakilala sa akin, na hindi ako ang tipong maninira, lalo na sa ibang taong nakatulong pa sa akin," sabi pa niya.
Nababanggit sa mga intriga na ang kaso raw nila ni Direk Adolf Alix Jr., na ayaw na siyang kunin pa diumano sa mga pelikula nito. Nag-comment daw kasi si Coco ng negative sa Maynila, ang film project na idinidirek ni Adolf at pino-produce ni Piolo Pascual.
Kesyo masama raw ang experience niya sa pagtatrabaho with Direk Adolf, na kesyo hindi siya nabayaran nang tama, at nabanggit nga raw niya na bagong biktima nga raw si Piolo, na siya ring bida sa pelikulang pino-produce nito.
"Gusto kong klaruhin uli na wala akong sinabing hindi maganda sa project na yun," diin ni Coco. "Hindi ko magagawang sabihin na kawawa naman daw si Piolo sa pagpo-produce. Basta yung mga nakararating na balitang ganyan, wala akong kinalaman, at wala akong alam.
"I just want to clarify that I didn't make any comment. For the record lang, okey kami ni Direk Adolf. Nakapag-usap na kami, at hindi na kami kailangang mag-comment pa para palakihin ang mga isyung ganyan.
"Okey lang sa na magtrabaho uli ako with Direk Adolf, kung mayroon bang magandang offer din, di ba? O kung mag-o-offer. Ganoon na lang," medyo tikom ang bibig ni Coco sa pagpapaliwanag.
Nakatrabaho ni Coco si Direk Adolf sa mga pelikulang Tambolista at Daybreak.