""Hindi naman masasabi ng taong inagaw ko. Kasi, unang-una, kahit gusto ng isang babae ang isang lalaki, kung ayaw talaga niya, hindi talaga. Kung talagang mahalaga sa kanya kung ano ang meron siya, siyempre mag-i-stick siya run, di ba?" argues Lian Paz about impression that she stole Paolo Contis from Isabel Oli.

Photo: Noel Orsal

Nagkataong nasa taping din ng Bubble Gang ang EB Babes member na si Lian Paz nang sadyain ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Paolo Contis noong Lunes, January 12. Hindi guest si Lian that time, pero nandoon siya sa GMA Network Studios dahil dinalaw nito si Paolo.

 

Narinig lahat ni Lian ang mga naging pahayag ni Paolo nang makausap ng PEP about the status of their relationship at ang magagandang salita na binitawan nito para sa bagong lady love. (CLICK HERE to read related article.)

 

Sa lahat ng ito, ano pa ba ang mararamdaman ni Lian kundi ang ma-flatter at magpasalamat sa ipinapakitang pagmamahal sa kanya ni Paolo.

 

"Iba pala ang pakiramdam kapag alam mo na ang ibinigay sa ‘yo ni God. Feeling mo, siya na nga ang para sa ‘yo, iba talaga sa lahat. Mararamdaman mo talaga na sa wakas, ganun," saad ni Lian.

 

Very much okay rin daw si Paolo sa buong pamilya niya.

 

"Oo... Okay, nagulat nga ako kasi noong tumuntong siya ng first time sa house namin, yung daddy ko kasi, masungit talaga ‘yan sa lahat ng lalaking tumutuntong sa bahay namin. Kahit sa boyfriend ko na talaga, matagal bago mo mapagbigyan ng amor ang daddy ko.

 

"E, siya [Paolo], nagtaka talaga ako, ang bait sa kanya ng dad ko. Parang, ‘Ha? Wait lang, iba na ‘to!' Tapos yung mommy ko, sobrang bait din sa kanya. Lalo na kapag naghihintay siya sa akin sa sala dahil ang tagal kong magbihis, silang dalawa ang nagkukuwentuhan."

 

THE THIRD PARTY? Alam ni Lian na kakambal ng kung anumang meron sila ni Paolo ngayon ay ang impression naman ng iba na tipong inagaw niya si Paolo kay Isabel Oli o siya ang naging third party sa breakup ng dalawa.

 

Ano ang masasabi niya rito?

 

"Hindi ko po alam...hindi naman po talaga, e," nakangiti niyang sabi. "Hindi naman masasabi ng taong inagaw ko. Kasi, unang-una, kahit gusto ng isang babae ang isang lalaki, kung ayaw talaga niya, hindi talaga. Kung talagang mahalaga sa kanya kung ano ang meron siya, siyempre mag-i-stick siya run, di ba?

 

"Kaya siguro ganoon ang nagiging impression sa akin, kasi palagi akong nali-link. Dati rin nung kay Mark [Herras, Lian's ex-boyfriend]. Pero ang totoo, ang tagal na nilang [Paolo and Isabel] hiwalay. Kasi alam ng public na matagal na sila, e. Tapos, malalaman na merong bago. So, talagang iisipin ng mga tao, ‘Ay, inagaw nga!' Pero hindi naman. Talagang ganoon. Kapag dumating, dumating."

 

Sa tingin ni Lian, si Paolo na kaya ang lalake para sa kanya? Kung yayain siyang pakasal, pakakasalan na niya ang aktor?

 

"Alam niya ang sagot dun! Basta, alam na niya yun," natatatawa niyang sabi.

 

BEST QUALITIES OF PAOLO. Ang humor raw ni Paolo ang isa sa dahilan kung bakita na-attract si Lian kay Paolo.

 

"Bukod sa palagi niya akong pinapatawa, sobrang grabe siyang maging protective sa akin sa lahat ng bagay," sabi ni Lian. "Actually, parang kapag kasama ko siya, wala akong masamang iisipin kasi nandiyan lang siya sa tabi ko.

 

"Marami kaming napag-uusapan. Wala kaming dull moments together. At sa family ko, gustong-gusto ko kung paano niya i-treat ang family ko, ang parents ko. Marespeto, sobra!"

 

Dagdag niya, "Minsan, gustung-gusto ko siya kapag hindi ko maintindihan ang ugali niya. Yung pagka-moody niya. Deep inside, hindi mo alam pero sweet ang attack. Hindi mo rin ine-expect sa kanya like napaka-down-to-earth niyang tao. Iniisip ng iba mayabang siya, pero hindi."