"Ang feeling ko kasi, porke Rosanna Roces, bibigyan nila ng X. Para bang ayaw ka nilang tanggapin bilang isang artista. Kahit anong galing ng ipinapakita mo, ang nakikita lang nila yung sexy na ginawa mo. Nakakainsulto!" says Rosanna Roces in reaction to the double X-rating given to her film Aurora.

Photo: Noel Orsal

One of the toughest women in Philippine showbiz is Rosanna Roces. Bawat buka ng bibig niya, sa bawat salita, ang kakabit ay intriga.

Matapos ang halos isang taong pananahimik, muli na namang nagiging aktibo si Osang. Sa katunayan, tatlong pelikula ang kinatatampukan niya.

Sa kanyang live guesting sa The Buzz kahapon, January 18, hindi inurungan ni Osang ang matitinding pagtatanong ng host na si Boy Abunda para sa The Buzz "Tough Ten."

Pinag-promote muna ni Boy si Osang ng kanyang pelikulang Aurora, na nabigyan ng X-rating ng MTRCB; gayundin ang Manila, kung saan kasama ni Osang si Piolo Pascual bilang aktor at producer; at Karera, produced by Jay Manalo.

Tough Ten Question No. 10: Nabigyan ng X-rating ang Aurora, ano ang reaksiyon mo rito?

"Insulto!" madiing sabi ni Osang.

Bakit ka nainsulto?

"Kasi parang ako nainsulto at iniinsulto mo yung mga manonood ko sa pagbibigay n'yo ng X-rating. Kasi ang ina-appeal namin is R-18. Para bigyan mo ito ng X, na hindi mo naman napapanood ang kabuuan ng pelikula ay isang malaking kahangalan. Kung titingnan mo per se yung napakaliit na scene na ‘yon, na kung ikukumpara mo sa mga dati kong ginawa ay napakawalang kuwenta. Kasi may karugtong yun kung bakit ito ang nangyayari, kailangan yung scene na ‘yon.

"Ang inirereklamo nila yung mashing ng breast. E, meron ba namang ni-rape na nagkaroon ng konting tenderness, di ba wala naman? Kaya nga namin tinatakpan ng kamay para ma-cover yung areola, e... I don't know.

"Ang feeling ko kasi, porke Rosanna Roces, bibigyan nila ng X. Para bang ayaw ka nilang tanggapin bilang isang artista. Kahit anong galing ng ipinapakita mo, ang nakikita lang nila yung sexy na ginawa mo. Nakakainsulto!" matinding pahayag ni Osang.

Tough Ten Question No. 9: Noong nabanggit sa iyo ni Grace (anak ni Osang) na she was pregnant for the second time, ano ang iyong naging reaksiyon bilang isang ina?

"Kahit naman noong una, hindi ako yung nanay na magagalit, magwawala...iisipin kung paano tatanggalin yung bata, hindi! Parating ang reaksiyon ko, magpapalengke ng marami. Gusto ko may piging, dahil ang bata, regalo ng Diyos ‘yan."

Tough Ten Question No. 8: Isang beses dito sa The Buzz, nabanggit mo sa amin na gusto mo sanang makipagbalikan sa dati mong asawa na si Tito Molina. Bakit hindi ito nangyari?

"Hindi, ang pagkakasabi ko noon, kung magso-sorry lang siya sa akin that time, papatawarin ko. Pero kung makikipagbalikan, hindi na. Hinding-hinding-hindi na. Kasi kumpleto na yung buhay ko ngayon, e. At saka siyempre, di ba, marami nang nangyari? Although talagang minahal ko yung tao dahil eleven years, di ba? Pero para balikan pa, hindi na. Imposible na yun."

Tough Ten Question No. 7: This is a question answerable by a yes or no. May bago ka bang boyfriend?