"Ang paniniwala ko kasi riyan, sapat na yung naging bading ako, and I just have to live with my homosexuality. Hindi ko na kailangang isapelikula pa yun, o gawin sa pelikula ang mga paniniwala ko. Marami pa kasi akong ibang ideas na pupuwedeng gawin, na sa palagay ko, interesting na mapanood ng mga tao," says director Joey Reyes about queer indie films.

Photo: Noel Orsal

Very transparent among showbiz figures na nai-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang direktor na si Jose Javier Reyes. Isa siya sa pinaka-candid at straightforward. Lagi siyang may quotable quotes na naibibigay for every sensible topic, o kahit nga mababaw. Gaya na lamang sa paglipana ng queer indie films sa ngayon, makikisakay ba si Direk Joey rito?

"Pabayaan na lang natin sa iba yun!" natatawang sabi ni Direk Joey. "Ang paniniwala ko kasi riyan, sapat na yung naging bading ako, and I just have to live with my homosexuality. Hindi ko na kailangang isapelikula pa yun, o gawin sa pelikula ang mga paniniwala ko. Marami pa kasi akong ibang ideas na pupuwedeng gawin, na sa palagay ko, interesting na mapanood ng mga tao."

Pinag-iipunan ni Direk Joey ang paggawa ng indie film na talagang gusto niya. Hindi naniniwala si Direk Joey na okey na yung may maliit na budget para sa indie.

"Kasi, naniniwala ako sa promosyon," paliwanag ng award-winning director. "Kailangang paghusayan ang technical aspects, at dapat na bumawi pa rin sa quality, kahit indie. Actually, may mga nilapitan na akong artistang willing mag-participate at mag-slash down ng presyo nila para sa project ko, and all the more na nai-inspire ako dahil sa ganoong passion ng mga kaibigan kong naniniwala sa goals ko as a filmmaker."

Wala namang prejudice si Direk sa choices ng ibang filmmaker na gumagawa ng queer indies.

"Choice nila yun, e. Sabi ko nga, sapat nang binabae ako at parang kalabisan na rin yung basta gumawa pa ako ng mga kabadingang pelikula," deretsahang sabi ni Direk Joey.

Patuloy niya, "Sabi ko nga, maraming ideas, na alam kong never na gagawin at panghihimasukan ng mainstream. Matagal na yung mga idea na yun na nakaimbak lang, na sa dami ng nakakahalubilo kong mga tao, at kung saan-saan din akong napapadpad, ang dami-rami kong interesting ideas na napupulot, na maganda talagang isapelikula.

"Hindi naman ako yung klaseng nagkukulong lang sa condo unit sa isang building. Gumagala ako at nakakarating ako hanggang sa Recto. Basta ang setting ng gagawin kong indie, sa Recto. 'Yan ang hint."

DEATH OF TELEVISION? Nag-hit ang Status: Single na huling pelikulang naipalabas na idinirek niya. Naniniwala si Direk na gusto ng mga taong matawa, paghahanda sa pupuwede pang maganap na mga bagay-bagay kaugnay ng global economic crisis na nararamdaman na.

"Nakaka-tense ang mga nangyayari sa paligid natin," sabi ni Direk Joey. "Sa TV na lang, dependent tayo rito sa advertising, di ba? Pag ang mga kumpanya, nag-decide na mag-cut down sa advertising, walang dudang tatamaan ang telebisyon.

"Sino ang maglalagay ng commercials? May choices ang mga kumpanya, magbuhos ng pera para sa advertising kung sakaling nalulugi sila para mapalakas ang sales nila, o magtipid sila, at i-hold ang pera. And most likely, baka yun ang gawin nila, ang pigilan ang paggasta.

"Mamamatay lahat 'yan, from cable to commercial TV. Ang worst scenario riyan, babahain tayo ng canned foreign shows. Bibili na lang ang mga network ng murang Korean shows or telenovela, dahil yun ang mura, e. Magre-replay ka pa nga. Pati nga Meteor Garden, nire-replay pa rin hanggang ngayon. Kung ganyan nang ganyan ang mangyayari, mawawalan ng trabaho ang local artists.

"Nag-e-escalate ang production cost sa TV. Magkano ang isang episode ng Maalaala Mo Kaya?, almost two million pesos na! Ibig sabihin, magbabawas na. Darami ang canned shows, titindi ang replays, at iikli ang primetime. Puwedeng mag-sign off na ang station ng alas onse pa lang ng gabi!" obserbasyon ni Direk Joey.