Sa panayam ng Startalk kay Jennylyn Mercado sa taping ng Paano Ba Ang Mangarap?, hayagang itinanggi nga ni Jennylyn ang lumabas sa isang tabloid na diumano'y naghihirap na siya at malapit nang maremata ang kanyang bahay.
Ayon nga kay Jennylyn, "Baka sila ang may problema. Ako, wala akong problema," natatawa niyang sagot. "Alamin muna nila bago sila magsalita, kasi, katawa-tawa, di ba? Parang...totoo ba 'yan? Magmumukha silang sinungaling, kawawa naman sila. Imbento, di ba? Kung gusto nila, tanungin muna nila 'ko para hindi sila napapahiya, di ba?"
Ang tabloid ding ito ang siya ring dati nang binantaan ni Jennylyn ng demanda dahil sa walang pahintulot nitong pagpa-publish ng mga larawan ng kanyang anak na si Alex Jazz nung pasikreto sanang pinabinyagan niya ito kamakailan.
Ngayon naman, maugong ang balitang umaatras na raw si Jennylyn na magdemanda. Bagay na hindi muna binigyang-kasagutan ng aktres.
Isa pang isyung ikinakabit kay Jennylyn ngayon ay ang pagsunod daw nito sa pangalan ng baby niya sa pangalan ng VJ na si Andrei Felix.
"Ngi! Ang layo naman nun! Pareho lang sigurong 'A' pero hindi naman, ang layo naman. Wala na ba silang magawa? Pati ba naman pangalan ng anak ko? Ano ba 'yan?"
On the other hand, ikinatuwa naman daw ni Jennylyn ang sinabi ng ex-boyfriend niyang si Mark Herras na kahit hiwalay na sila ni Jen, mananatili pa rin daw ang aktres sa puso niya.
Ayon nga kay Jen, "Siyempre, nakakatuwa, di ba? Nandoon pa rin ako sa loob. Masaya naman kami, lalo na sa set, sa taping."
Sa huli, magkakaroon daw si Jen ng show sa Music Museum on May 14 and 15 para sa nalalapit niyang birthday.
