Given her stature as the Megastar, may punto si Sharon Cuneta sa sinabi niya sa story conference ng pelikulang pagsasamahan nila ni Ai-Ai delas Alas. Sa loob nga naman ng 30 years niya sa showbiz ay may karapatan na siyang mamili ng gagawin niyang pelikula at ang mga taong gusto niyang makatrabaho.
Aminado si Sharon na excited na siya sa comedy film nilang ito ni Ai-Ai, na sisimulan na niyang gawin on March 7 at magiging Mother's day presentation ng Star Cinema.
"Ako talaga, dream come true para sa akin," sambit ni Sharon sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Love na love ko si Ai. Hindi man kami close, pero ever since naman, ang lambot ng heart ko sa kanya at nararamdaman naman niya yun. Tapos ang director pa namin ay si Direk Wenn [Deramas], so I'm really, really excited!
"Si Tita Malou [Santos], nagpunta siya sa dressing room sa isang taping ng Sharon. Sabi niya, next movie ko raw si Ai at si Direk Wenn ang makakasama ko, talon ako nang talon! Sabi ko agad, 'Tita, thank you, excited akong makasama sila.'
"I think pag excited ang mga artista at director na gawin ang isang project, makikita mo yun sa screen, hindi puwedeng hindi. Kasama mo halos lahat favorites mo—sila Candy Pangilinan, Chokoleit, John [Lapus]... I'm very happy that I'll do this project," lahad ng Megastar.
A HAPPY SET. Hindi pa man nagsisimula ang nasabing pelikula ay ramdam na agad na masaya ang atmosphere at mukhang mag-e-enjoy talaga ang lahat sa set nito.
"Like I always say, I love to go to the set of a movie not just because it's a movie and I have to get over with, but it has to be worth going to. At this point kasi of my career, where I can choose na, I worked so hard naman for 30 years, so when I go to the set, I want it to be a pleasant experience. Kahit na drama ang sinu-shoot ko, gusto ko lahat, happy.
"I treasure those, e, parang magiging part ng buhay ko yun ng isang buwan. Parang ang sad namang ang bigat ng paa na pumunta ng set because may nag-a-attitude. Ayoko ng ganun."
Nagbigay rin ng kaunting detalye ang Megastar tungkol sa story at character nila ni Ai-Ai sa pelikula.
"Best friend kami, fitness instructor si Ai, caterer ako. Mayroon akong food business para mabigyan ng justification ang katawan ko na hindi pa bumabalik sa normal! Si Ai naman kasi, sexy kaya bagay talaga sa kanya. Asawa ko si John Estrada at may boyfriend naman si Ai."
MOVIE WITH RICHARD. Nabalita noon na gagawa rin ng pelikula si Sharon kasama si Richard Gomez sa Star Cinema. Sinabi ng Megastar sa PEP na tuloy ito at nadagdag lang ang pelikula nila ng Comedy Concert Queen.
"Alam mo ang super-appreciated ko, I'm very appreciative to Star Cinema because considerate and generous sila towards me. Itong katawan ko, hindi na siya kayang pumayat as quick as before. Takot nga ako na mag-crash diet uli, diyan nasira ang metabolism ko. Thankful ako kay Tita Malou because in the meantime na ganito pa ako, they gave me this project," saad ni Sharon.
ANOTHER MEGA BABY. Pinalinaw rin ng PEP kay Sharon ang sinabi ng kanyang panganay na anak na si KC Concepcion na gusto na raw magka-baby uli ng Megastar.
"It's true but not very soon," sabi ni Sharon. "Nagulat ako, akala naman nila bukas magbe-baby. Kailangan ko munang magpapayat. I just said I'd like to. It's already 2009, parang it's not impossible naman of someone who's in her 40s, hindi ko naman first. After my several movies muna. Kailangan kung magdadagdag ka ng anak, dagdagan mo rin ang savings mo, di ba?" pagtatapos ng 43-year-old actress.
