Noong late 2008 o early January 2009 unang pumasok ang inquiry sa handler ni Pokwang sa Star Magic ng ABS-CBN para sa isang show sa Subic sa March 25. Dahil libre naman si Pokwang sa araw na 'yon, okay na tanggapin ang inquiry kaya nagpadala ang Star Magic ng unsigned agreement o contract kay Melai Sarmiento, ang booking agent ng nasabing show.
Unsigned ang contract dahil patakaran ng Star Magic na ang producer ang unang pipirma sa mga contract. Nang matanggap ng booking agent ang contract, mas mababa raw ang napag-usapang talent fee dahil charity show naman daw ang event.
Ipinaalam na babaan ang talent fee ni Pokwang at pumayag naman ang Star Magic. Nasabihan ang booking agent na okay na ang mas mababang talent fee. Sabi ng booking agent, willing sila na magbigay na ng downpayment at hinihingi na rin ang bagong contract na nagsasaad ng mas mababang talent fee.
Ang naging problema, may nagtanong sa Star Magic kung may negotiations para kay Pokwang sa isang show sa Subic. Ayon sa mga posters at tickets, ang title pala ng show ay Poohkwang. ASAP Live ang may rights sa nasabing title at hindi maaaring gamitin ng iba. Dahil wala pa namang napirmahang contract, ang desisyon ay huwag nang gawin ni Pokwang ang show dahil may problema nga sa title.
Matapos ng ilang linggo, may nagsabi kay Pokwang na may show pala siya sa Subic ngayong March 17. Nagtaka ang komedyana kaya tinanong niya sa kanyang handler kung meron nga siyang booking. Nang sabihin sa kanyang wala, minabuti ni Pokwang na i-announce sa Wowowee na wala siyang show sa Subic sa March 17.
Maayos na ang usapan ng Star Magic at ng producer tungkol sa misunderstanding kaya nakapagtataka sila na may mga lumalabas na issue ngayon. Isa pa, hindi naman daw dapat si Pokwang ang ginagawan dito ng issue dahil wala naman siyang alam sa mga usapan tungkol sa show.