Dadagdag sa powerhouse cast ng ABS-CBN primetime soap na Tayong Dalawa ang aktres na si Jodi Sta. Maria. Kaya naman marami ang nag-aabang kung magkakaroon sila ng eksena ng dati niyang boyfriend na si Baron Geisler, na isa sa original cast members ng naturang soap.
"Actually, sa pagkakaalam ko, wala naman kaming pagsasamahang eksena. Alam ko na kasama siya sa cast, pero hindi pa kami nagkikita sa set," sabi ni Jodi nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Pero okay lang ba sa kanya kung magkaroon sila ng eksena ni Baron?
"Okay lang," sagot niya. "Baron is a good actor, magaling siyang artista. And nae-excite ako kung magkakatrabaho kami together. Kasi the last time na nagkatrabaho kami together was Tabing Ilog pa. E, ngayon, sobrang nag-evolve na siya sa pagiging magaling na aktor. Kumbaga, iba kami noon, iba na kami ngayon."
Alam din daw ni Jodi ang pagiging kontrobersiyal ngayon ni Baron. Pero nagawa pa itong ipagtanggol ni Jodi.
"Siguro ang napapansin lang ng mga tao is yung ginagawa niya na naibabalita. Pero hindi talaga nakikita ng mga tao kung ano talaga siya. Mabait naman siya, e," sabi ni Jodi tungkol sa dating kasintahan.
Malaking isyu nga ang pagiging alcoholic ni Baron, lalo na kapag nagiging emotional siya tulad sa pag-ibig. Noong time ba na magkarelasyon sila, yung pag-inom din ba ang naging outlet ni Baron kapag nag-aaway sila noon?
"Hindi ko alam. Kasi kapag nag-aaway naman kami noon, hindi naman kami nagkikita," sabi ni Jodi.
Ano ang masasabi niya sa mga isyung kinakaharap ni Baron ngayon?
"Ako, naniniwala naman ako na lahat ng mga tao dumadaan sa kanya-kanyang phase, e. Alam ko, eventually, he'll get out of it. At saka naniniwala nga ako na hindi nga nakikita ng mga tao kung ano nga ba talaga siya. And hindi rin talaga ako makapag-comment kasi nga, ang nakikita ko lang yung nasa news. So, gusto ko rin siyang tanungin kung ano ba talaga ang nangyari. Naniniwala naman ako na there are two sides of the story. To be fair, di ba?" saad niya.
LOYAL TO ABS-CBN. Inamin ni Jodi sa PEP na wala siyang network contract sa ABS-CBN, pero she's under the management of Star Magic. Naging loyal siya sa ABS-CBN for many years.
"Dito kasi ako at home kasi Kapamilya. I don't think meron din namang reason para iwanan ko yung station," aniya.
Pero totoo bang meron daw offer from other stations?
"Hindi naman offer. Meron lang inquiry."
Pero kung sakaling hindi siya binigyan ng work ng ABS-CBN, posible bang lumipat siya?
"Hindi talaga, e," sabi niya. "Nung time na yun na wala akong ginagawa, hindi ko naman naisip yun. Pero 'eto pa rin ako, nag-stay pa rin ako. At saka inquiry lang siya, hindi naman umabot sa negotiation, walang ganun."
FAMILY LIFE. Dahil ilang buwan din siyang hindi nagtrabaho sa showbiz, tinanong ng PEP si Jodi kung ano ang ginawa niya during that time.
"I spent time with my son. Siyempre nung nagsunud-sunod ang taping ko, I was hardly home. So, ito yung time to make up sa mga times na hindi ko sila nakasama," sabi niya.
Hindi ba nila pinagtatalunan ng asawa niya si Pampi Lacson ang pag-aartista niya?
"Hindi, never naman naging isyu yung trabaho ko. At saka alam naman ni Pampi yun, bago pa kami nagpakasal, na love ko talaga ang acting. Mag-boyfriend-girlfriend pa lang kami artista na ako, di ba?"
Three years old na raw ang anak niyang si Thirdy at papasok na raw ito sa Nursery this June.
"Nae-excite nga ako at saka kinakabahan. Ganun yata ang mga mommy kapag nag-school na ang anak for the first time. Kasi siyempre iiwan mo siya sa school. Pero masarap yung feeling na ihahatid mo siya tapos susunduin."
Bukod daw sa marunong nang magbilang at mag-recite ng alphabet, alam na rin daw ni Thirdy ang mga planets at marunong na rin itong mag-drawing.
Hindi ba ini-spoil si Thirdy ng lolo niyang si Sen. Panfilo Lacson?
"I think given na yun na karamihan talaga ng grandparents, may tendency sila na kahit papaano ibigay yung gusto ng mga bata. Si Dad kasi spends time with Thirdy talaga. Pupunta yun sa house to visit him, to check on him."
"Papa" raw ang tawag ni Thirdy kay Sen. Lacson. "Daddy" at "Mommy" naman ang tawag sa kanila ni Pampi.
Nakikitaan niya bang papasok din ng showbiz si Thirdy, lalo na't napapanood na itong kasama niya sa commercial?
"Well, sabi niya gusto niyang maging pulis," banggit ni Jodi. "Pero parang ang higpit ng training sa PMA [Philippine Military Academy]. Medyo natatakot ako baka hindi niya kayanin. Mas gusto kong maging doktor siya. Pero kung anuman ang gusto niya paglaki niya, okay ako dun, wala akong problema. Kung gusto niyang mag-showbiz, okay lang din. Basta ang importante sa akin matapos niya yung school niya."
Ano ang usual bonding moments nila ni Thirdy?
"Mahilig kaming lumabas, pero iniiwas ko siya sa mall or iniiwas ko rin siya kapag naggo-grocery ako, kasi marunong na siyang magturo. Oo, sobra! Yung pabili nito, pabili niyan. Pero may usapan kami na kunwari pupunta kami ng mall or department store, sa toy section, puwede siyang bumili ng toy, pero isa lang. E, kasi ang mga bata, may tendency na gusto niya 'yon, gusto niya 'yan...ang dami! So, sabi ko sa kanya, isa lang. Na-train ko siya na one toy at a time."
Kung hindi niya madalas dalhin si Thirdy sa mall, saan niya ito dinadala?
"Madalas ko siyang dalhin sa zoo, mahilig kasi siya sa animals. Alam na niya yung lion, ultimo yung kalabaw, kambing, dog, cat... Pati mga sounds nila alam na rin niya. Nadala ko na rin siya sa Ocean Park. Tuwang-tuwa siya sa mga isda."
Kumusta naman sila ng asawa niyang si Pampi?
"Okay naman kami," sagot niya.
Anong klaseng daddy ba si Pampi kay Thirdy?
"Ay naku, siya yung masasabi kong spoiler! Kasi ayaw niyang nakikita si Thirdy na kunwari umiiyak. Kapag may small things na gusto si Thirdy, talagang ibibigay niya yun."
Hindi naman sila nagtatalo?
"Minsan, kasi ako yung disciplinarian. Kasi minsan kapag yung napagalitan ko si Thirdy, halimbawa yung, 'Sit down, don't move,' or yung parang, 'Face the wall,' si Pampi naman tatawagin si Thirdy, 'Halika rito.' Gagawin ba naman akong kontrabida! Siyempre iisipin niya yung dad niya yung nagse-save sa kanya, ako yung laging nagagalit. Pero tama lang yun sa amin, kasi at least may balance sa bahay. Hindi naman puwede yung pareho kami nag-spoil. Hindi naman puwedeng pareho kaming disciplinarian."
Ayon kay Jodi, abala rin silang mag-asawa ngayon sa pag-aasikaso ng kanilang manukan business na pinangalanan nilang Thirdy, sunod sa pangalan ng anak nila. Located ang business nila sa Malibay, Pasay. November 2008 lang nila binuksan ito.
Noong wala raw siyang work sa showbiz, si Jodi ang naging punong-abala sa business nila. Pero ngayon na nagte-taping na ulit siya, si Pampi na raw ang nag-aasikaso nito at once in a while ay nagda-drop by siya rito.
Meron din daw silang salon business sa Parañaque. Nag-franchise sila ng Bambi Fuentes salon.