Nang lumipat si Eula Valdes sa pagkalinga ng Kapuso network early last year, isa sa mga inaabangan ng publiko ay ang muli nilang tagisan ni Jean Garcia sa pag-arte.
Sa ABS-CBN teleserye na Pangako sa 'Yo noon unang nagharap ang dalawa—si Eula bilang si Amor Powers at si Jean bilang Madame Claudia Buenavista—at naging popular ang kanilang tandem bilang bida-kontrabida.
More than five years later, magkakasamang muli ang dalawa sa All About Eve.
Nang makapanayam ang alumna ng 80's teen flick na Bagets ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng naturang TV series noong February 3, ang bungad niya ay happy daw siya bilang Kapuso.
"Wala kasing stress dito," dagdag pa niya. "Hindi naman ako na-stress sa Dos noon, pero...Ayoko na lang kasing mag-elaborate. Hindi yung pulitika. Basta, ang masasabi ko lang, mas organized sa Siete."
Nang tanungin si Eula tungkol sa pagsasama nilang muli ni Jean, ang sabi niya, "Noon pa namin naririnig ni Jean na may pagsasamahan kami. Siyempre, na-e-excite kami. Heto nga, ito na yun..."
Saad pa ng aktres, "Hindi naman kami nangungulit. Naghihintay lang kami ni Jean, pero 'pag kaming dalawa napapag-usapan namin yun. Pero, nararamdaman namin ni Jean, ito yung right project na dapat naming pagsamahan."
Bakit natagalan bago sila magkaroon ng project together?
"Pinainit muna kami ng kanya-kanyang teleserye bago kami pinagsama," ang paliwanag ng 4o-year-old star. "Nakatulong yun para masabik ang mga tao."
LOVELIFE. Samantala, sinabi ni Eula na ang kanyang married life ay stable pa rin sa kabila ng milya-milyang distansiya sa pagitan niya at ng kanyang asawa na si Richard Litonjua, isang electrical expert na naka-base sa Australia.
Nakaplano na susunod sana siya sa tirahan ng asawa, pero nabigyan siya ng project, ang Lalola. Kumbaga, hindi na siya tinantanan ng GMA-7 at hindi naman makatanggi si Eula sa trabaho.
Ang kuwento pa niya habang nakangiti, "Hindi rin siya nakauwi kasi. Pero noong October of last year, naririto siya. Baka July, either ako ang pumunta ng Australia o siya ang pumunta rito sa Pilipinas."
Nabanggit din ang pagkaka-link ng pangalan niya dati kay Lauren Novero, na leading man niya sa stage musical na Zsa Zsa Zaturnnah.
Napalitan ng pagka-irita ang mga ngiti, "Naku naman, ang tagal na niyan! Bakit ba itinatanong pa 'yan sa akin? Nag-bonding lang kami noon. Alam mo na, sa cast, sa teatro. Lumalabas kaming lahat. Yeah, nagpupunta kami ng beach, kaya siguro nagkaroon ng ganyang chika. Ganoon lang yun...."
THEATER ON THE SIDE. Maliban sa kanyang upcoming TV series, abala rin si Eula sa kanyang project sa teatro, ang re-staging ng Zsa Zsa Zaturnnah sa Cultural Center of the Philippines Little Theater.
Banggit ni Eula, "Okey naman, nag-start kami noong February. Additional shows ito hanggang March. Hindi ako napapagod sa Zsa Zsa dahil masaya siya. Eh, yung mga nanonood nga, mga sampung beses na yata nilang napapanood."
Pang-anim na staging na ito ng naturang musical, at malapit na rin daw itanghal ang part two.
"I'm preparing for that. Sa comicbook kasi, lumabas na yung part two, kaya yun naman ang gusto kong gawin," pagtatapos ni Eula.