Buong araw ngayon, March 9, "John Carlo de Vera is nervous" ang status ni JC de Vera sa Facebook account niya. Kaninang tanghali, biniro na namin siya na mas nakakanerbiyos ang mga status niya sa Facebook, at natawa siya.
Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si JC kung saan siya ninenerbiyos—sa birthday party niya na magaganap mamaya o sa magiging desisyon sa kanyang career. "Both" ang naging sagot niya.
Pagbalik namin sa Facebook account pagkatapos ma-post dito sa PEP ang balitang pag-aayos ng manager ni JC na si Annabelle Rama at sina GMA President-CEO-Chairman Atty. Felipe Gozon at GMA Films President Annette Gozon-Abrogar sa Manila Polo Club kaninang hapon, nadatnan pa rin namin si JC na naka-online sa Facebook. Kaya't nag-advise kami sa kanya na basahin niya ang kapu-post lamang na balita sa PEP dahil wala pang halos nakakaalam ng usapang naganap sa pagitan ng kanyang manager at ng pamunuan ng Kapuso network.
Ilang sandali pa, nag-message si JC pagkabasa ng item: "Sabi na, e."
Sunod niya: "Now I have reason to celebrate."
Mabilis ding nagpalit ng status si JC: "John Carlo, eh, Kapuso pa rin talaga ako."
Humingi agad kami ng pahintulot sa kanya na maibalita ang pagpapalit niya ng status dahil sa kasiyahan niya sa naging desisyon sa kanyang career. Pumayag ang binatang magbe-birthday bukas, March 10.