Magiging very visble na ulit sa telebisyon ang Diamond Star na si Maricel Soriano. Magsisimula na kasi siyang mag-promote ng bago niyang horror film, T2, mula sa Star Cinema at sa direksiyon ni Chito Roño. Ipalalabas ito on April 11, Sabado de Gloria. Kasunod nito, ipalalabas naman ang horror-serye niya na Florinda sa ABS-CBN. (Click HERE to read more about T2 or Tenement 2.)
Last February 25 ay nag-celebrate ng kanyang 44th birthday si Maricel. According to her manager na si Wyngard Tracy, sa Hong Kong nag-celebrate ng kanyang birthday ang Diamond Star.
"Hindi, ano lang, may konting privacy. Parang pagkagaling ka sa isang trabaho na napaka-intense, gusto mo munang mapa-isa. Please," emote ni Maricel nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
T2. Nanibago ba siya sa working atmosphere na pinagdadaanan niya habang sinu-shoot niya ang T2?
"Ay, oo!" sagot ni Maricel. "But I'm very happy. Maganda kasi ang pelikula namin. Kukunin ko na rin ang pagkakataon na ito na imbitahin kayong lahat na manood po ng aming pelikula na handog sa inyo ng Star Cinema, si Chito Roño ang aming director. Sana po magustuhan ninyo. Isang pelikula ulit na maaari kong ipagmalaki."
Mananalo kaya siya ng award sa pagganap niya sa T2?
"Sana, maganda rin 'yan. Oh, well, nasa sa kanila [award-giving bodies] 'yan. Sila ang magdedesisyon, hindi tayo. Pero kung tatanungin ako, uy, siyempre, bakit hindi? Kumbaga, kung magkakaroon, kung ibibigay, tatanggapin ko. Bakit hindi?"
Ano ang pakiramdam niya na nakatrabaho niya ulit si Direk Chito?
"Naku, super excited kaming dalawa habang ginagawa ang pelikulang ito. Kasi long-time-no-see kami at na-miss namin ang isa't isa," sabi ni Maricel, na huling nakatrabaho si Direk Chito noong 1995 sa pelikulang Dahas.
Kumusta sila sa set ng T2 ni Direk Chito?
"Oy, ang saya namin, ha! Nakakaloka!"
Kahit nakakapagod?
"Alam mo yung pagod, ano na lang yun, e, pangatlo na lang 'ata 'yon. Kasi yung fulfillment ang importante, kasi nandun yung masaya kami sa set. Excited kami. Alam mo, umaga na, okey lang. Kasi umuuwi kami buo."
TIRED OF TV SERIES? Nami-miss ba niya ang paggawa ng teleserye? Ang huli niya ay ang Vietnam Rose noon pang 2005.
"Hindi masyado," sagot ni Maricel. "Napupuyat ako, e. At saka kailangan may quota na hinahabol na ganito. E, hindi na ako tao! Dapat magkaroon ng sistema 'yan. Ayusin ninyo 'yan! Hindi maganda! Napapagod lahat! Hindi namin nade-deliver... Well, I'm speaking on behalf ng lahat ng artista. Hindi naide-deliver yung dapat i-deliver dahil sagad na sa pagod. So, ang pakiramdam ko, hindi na tama 'yan. Hindi na makatarungan."
Hindi ba't may ginawa siyang teleserye ngayon, ang Florinda?
"Meron." Pero aniya, "Nadala ako! Hindi, gusto ko yung ginawa ko. Gusto ko yung mga katrabaho ko. Yung sistema ang pinag-uusapan. Parang... Hindi parang, e, sure ako. Hindi tama ang sistema.
"Nakakaintindi ako dahil nag-produce din ako for a long time. For ten years, nag-produce ako. Naiintindihan ko yung budget, pero huwag na lang tayo gumawa ng ganito kung ganito at hindi natin maibibigay, di ba?
"Kasi ang pakiramdam ko, hindi natin madya-justify yung pakiramdam o yung pagiging artista ng isang artista kung paano mo maide-deliver yung dapat mong i-deliver. E, nandito na ang eyebags ko [sabay turo niya sa bandang ibaba ng kanyang kaliwang pisngi]. That's the truth."
Ibig bang sabihin ayaw na niyang gumawa ng teleserye?
"Hindi, hindi naman," paglilinaw ng aktres. "Kung minsan, may pagkakataon, hindi kailangang beautiful ka, kasi yun ang hinihingi ng role. So, ibibigay natin yun. Pero wala ka na ring mahugot at maibigay dahil sa pagod at sa puyat. Hindi na 'yan makatarungan. Ayusin natin 'yan, ha!
"Kung ayaw ko na? Ay, defende!" pabakla niyang sagot. "You know, it's de-fen-de! I think they're going to fix that. I think."