Masyadong abala si Aiko Melendez para makialam pa sa usapin ng split ng dati niyang mister na si Jomari Yllana at ni Pops Fernandez.
"Naku, paumanhin at ayokong mag-comment sa isang bagay! That's something very personal na," sabi ni Aiko sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
"Mahirap kasi ang sitwasyon ko. Kung tutuusin, wala na akong pakialam. Kaya lang, mahalaga sa akin ang dalawang 'yan. Ayokong magbigay ng message lang kay Jom, kahit na may anak kami, e, hanggang doon na lang yung sitwasyon namin. Magkaibigan na lang talaga kami. Nirerespeto ko na lang kung anuman ang nangyari sa kanila, at sila lang naman ang pupuwedeng magsalita about that," saad ni Aiko.
Inaamin ni Aiko na maingat din siya sa pagsasalita, lalo na't kasangkot si Pops.
"Wala kasing naging problema sa amin ni Pipay," ani Aiko. "Ever since, nagkakaintindihan kami. Kaya sa sitwasyon nila, pabayaan na lang nating sila ang mag-usap, sila ang magpaliwanag dahil private affair nila 'yan."
Basta ang masasabi na lang ni Aiko, maayos ang sitwasyon niya at walang dahilan para umeksena siya sa nagiging problema ng iba.
"Let's just wish na maayos nina Pipay at Jom 'yan, which I believe walang magiging problema kung hindi na lang tayo makikialam.
"Kung ako ang tatanungin," patuloy niya, I have my own private affair to protect. So far, okay naman kami ni Patrick [Meneses, vice mayor ng Bulacan na boyfriend ni Aiko]. So far, okay kami, nagkakasundo, at ang mahalaga, masaya kami."
AIKO FOR VICE MAYOR? Magkatuwang sina Aiko at Patrick sa kani-kanilang political ambitions sa 2010 elections. Sinabi ni Aiko sa PEP na pursigido na siyang tumakbo bilang vice mayor ng Quezon City sa nalalapit na eleksyon.
"These past few years, talagang maraming trabaho. 'Yan naman ang gusto kong mangyari, na umakyat na sa ibang level dahil tapos na rin ako sa term ko as councilor," sabi ni Aiko.
At kung kailan papanhik si Aiko sa kanyang political ambition, doon naman niya gustong magpaka-active sa showbiz.
"Since I have a new manager in Boy Abunda, nakakakuha ako ng trabaho na kailangan kong harapin. Bahala na si Kuya Boy sa akin pagdating diyan. Kung mayroong trabaho, sige lang.
"He's working on a possible teleserye na sasamahan ko. Pero ang alam ko, may planong project na pagsasamahan namin sa pelikula, kami nina Ruffa [Gutierrez] at Carmina [Villarroel]. It's about time na magsama-sama na kami, parang reunion. Nakaka-miss. Nasa ibang level na kami ng buhay-buhay namin," nangingiting sabi ni Aiko tungkol sa kanyang co-stars noon sa 13, 14, 15.
She owes it a lot to her showbiz career, kaya naman nagkapangalan din siya sa pulitika.
"Sana magtuloy-tuloy na maganda ang lahat," sambit ni Aiko. "Lalo na sa lovelife ko, masaya na kami ni Patrick, although laging may sasabihin ang iba. Ang mahalaga, ginagawa ko ang lahat para maisaayos ko ang lahat, at hindi na maulit pa yung mga pagkakamali.
Although okay naman sila ni Jom—lalo na't lagi rin silang nagkakausap tungkol sa anak nilang si Andrei—ayaw na ring mag-comment pa ni Aiko tungkol sa ama ng anak niyang si Marthena na si Martin Jickain.
"Ang importante sa akin, personally, maayos ang buhay ko ngayon. Hindi ko sinasabing walang problema, pero hindi katulad ng dati na magulo talaga. Ngayon ay nakokontrol ko, and it goes na rin with maturity. Hindi na ako bumabata," pagwawakas ni Aiko.