Hindi pa rin nagbabago ang kundisyon ni Nadia Montenegro matapos ang operasyon ng kanyang kaliwang mata. Ilang buwan na rin ang nakararaan nang magkaroon ng retinal detachment ang mata ni Nadia kaya agad ay sumailalim siya sa surgery. Bunga ito ng naging problema ni Nadia sa kanyang immune system when she was younger.
"So far, ayos naman, although 30 percent lang ng vision ko sa kaliwang mata ang gumagana," sabi ni Nadia sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Ilang buwan na rin naman at parang nasasanay na ako sa diperensiya ng vision ko, but it should not be the case. Yun ang dahilan kung bakit hangga't kakayanin, gusto kong maibalik sa dati ang kundisyon ng mata ko."
At least, mas nagpa-function na nang maayos si Nadia sa mga araw na ito. Nagagawa pa rin niya ang mga dapat niyang gawin, lalo na ang pag-aasikaso sa golf tournament para sa foundation na pinamamahalaan ng doktor niyang si Dr. Cosme Naval na naglalayong makatulong sa mga pasyenteng nagkakaproblema sa kanilang mga mata.
TALK WITH GRETCHEN PENDING.Nang lumabas nga ang sitwasyon ni Nadia sa programang SNN (Showbiz News Ngayon), nagkaroon ito ng koneksiyon sa interview naman ng nabanggit na ABS-CBN show kay Gretchen Barretto.
"Hindi ako pupuwedeng makapag-comment tungkol sa amin ni Gretchen dahil pagkatapos ng mga gulong nangyari, hindi na kami nakapag-usap. Nasabi ko naman noon pa na siyempre, gusto ko pa ring magkaayos kami, at maipaliwanag ko sa kanya ang buong sitwasyon.
"Pero hindi pa nga kami nakakapag-usap. Wala naman akong isinasarang pinto para sa kanya. Basta ako, nasabi ko na yung intention ko, at wala na muna akong masasabi," banggit ni Nadia.
Nagpahiwatig na rin daw si Greta ng kagustuhang maayos na ang kung anumang gusot sa pagitan nila.
"Sa pagkakaalam ko, okay naman, e. Hindi pa lang talaga kami nakakapag-usap kaya wala akong maiko-comment," sabi ni Nadia.
Sa kabila ng mga pangyayari sa buhay ni Nadia ngayon, ang gusto lang niya ay ang tahimik na sitwasyon.
"Hindi naman kasi totoong ako ang nag-uumpisa ng mga bagay na ikinalalagay ko sa alanganin," banggit ni Nadia. "Hindi na ako nag-aartista kung tutuusin. Hindi ko na kailangan 'yan.
"Katulad sa sitwasyon ko ngayon, nananahimik yung mga iniintriga sa akin, wala rin silang maririnig. Ganoon lang naman yun. Idinadamay na lang talaga nila ako sa ganyan, pero never ako ang pagsisimulan ng gulo."
Wala namang dapat pang ipaliwanag si Nadia tungkol sa mga napasukan niyang gusot, gaya ng naging sitwasyon nila ni Mrs. Rose Flaminiano, ni Cristy Fermin, ni Greta, at dawit siyempre rito si Gabby Concepcion.
"I just want to keep my friends," sabi niya. "Marunong naman akong magmahal ng mga kaibigan, e. Yun lang ang mahalaga sa akin. Doon sa mga hindi ko sinasadyang makabangga, wala na akong pupuwede pang sabihin dahil hindi na rin naman sila nagsasalita. Tama lang na pare-pareho kaming manahimik."
YNNA UNDER ANNABELLE'S WING. May nagsasabing bad timing ang paglilipat ni Nadia ng management para sa anak niyang si Ynna Asistio na mula kay Douglas Quijano, napunta kay Annabelle Rama. Ito ay dahil sa kabi-kabilang kontrobersiyang kinasasangkutan ni Annabelle.
"I never had a problem with Tita Annabelle," sabi naman ni Nadia. "Kung anuman yung mga kontrobersiyang napapasukan niya, labas naman kami roon. Basta naniniwala kami na may magandang magagawa si Tita Annabelle sa career ng anak ko.
"With Tito Dougs naman, maayos kaming nagpaalam, at saka siya na mismo ang nagsabing gusto raw muna niyang mag-lie low at mag-concentrate na lang muna sa ibang bagay. At si Tito Dougs pa ang nagsabing may magagawa si Tita Annabelle para kay Ynna, lalo na't nasa GMA-7 naman siya."
Masaya si Nadia sa manakanakang trabahong naibibigay kay Ynna, na hindi naman puwedeng mag-full blast dahil kasalukuyang nag-aaral ito sa Centro Escolar University (CEU).
Kahit ang pakikipag-kissing scene ay may pahintulot na rin ni Nadia.
"Trabaho lang naman 'yan. For as long as ipinagpapaalam namin yun sa daddy niya [Boy Asistio], and we trust Ynna, lalo na ngayong nakikita naming hindi naman nito pinababayaan ang pag-aaral," saad ni Nadia.