Ibinalita ng TV host at talent manager na si Boy Abunda sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na isa na siyang film producer. Sa katunayan, nakapagsimula nang mag-shooting ang indie film na kanyang ipinoprodyus.
"It's directed by GB Sampedro. It's one of the ten finalists of Cinemalaya," banggit ni Boy sa PEP. "In the first episode of Dennis [Trillo], kasama niya si Jhong [Hilario] at Glaiza de Castro. Ang galing-galing niya [Dennis], napanood ko ang eksena niya!
"Sa second story naman, si Edgar Allan [Guzman], yung Mr. Pogi ng Eat Bulaga!. Makakasama diyan si Chanda [Romero]. Ngayon nga, tinext ako ng production manager, nakakaiyak daw yung eksena ni Chanda.
"Sa third episode naman, si Arnold Reyes. Makakasama niya si Gardo Versoza at Emilio Garcia, marami pang iba.
"Nagpapasalamat talaga ako sa mga kaibigan ko na pumayag maging extra. Mariel [Rodriguez], nurse; si Jobert [Sucaldito]; si Sitti, med tech; ako, buyer ako. Episodic siya pero nagkita-kita ang mga characters in some points. Si Keanna [Reeves], si Ai-Ai [delas Alas] kung kakayanin, si Vhong Navarro... Sina Kris [Aquino] at Ruffa [Gutierrez] ay wala pa kasi mahirap puntahan yung aming location," lahad ni Boy.
Ito ang unang pagpo-produce ng pelikula ni Boy at kasama niya rito si Boy So ng Boracay. Ang location ay kinunan sa mga matataong lugar gaya ng Quiapo, Oroquieta, Recto. Kuwento raw ito ng mga taong astig sa mga nabanggit na lugar.
"Astig in a way, but it's the surprise of the movie. Pero saka na lang natin malalaman 'yon. Kuwento ito ng Divisoria, Binondo, at yung mga lugar na na-mention ko na," ani Boy.
Wala pang pangalan ang movie company ng dalawang magkatukayo, at kahit ang pelikula ay wala pang napiling titulo.
Paano ba nasimulan ang paggawa ng pelikula ni Boy?
"Matagal na namin itong binabalak. Mayroon akong script na napusuan na noon written by Bobby Garcia. Mayroon nang mga cast, hindi lang matuluy-tuloy dahil hindi kami magtagpu-tagpo."
Kung sakaling hindi kumita ang first venture nila, hindi na ba ito masusundan ng isa pang pelkula?
"Hindi, kahit hindi mag-click, susundan namin ito," sabi ni Boy. "Bakit? Kasi gusto kong matuto dito sa negosyong ito. Malapit sa puso ko yung independent films kasi kayang-kaya, di ba? Ima-market namin ito sa mga eskwelahan. Mayroon na kaming pangalawang material, pero hindi pa final. Pero itutuloy namin hanggang makakayanan namin.
"Kasi si Boy So, yung partner ko, hindi naman pumapasok din dito para magkapera. Ang usapan namin ay wala itong return of investment kaagad. Itong gawin nating paraan para ma-introduce tayong dalawa doon sa nuances sa pag-produce ng independent film. Nakakaaliw, nakakatuwa, and eventually we should be earning.
"Ang pangarap lang namin ay makapunta sa mga international film festivals!" tawa niya. "Actually, matagal na itong plano and this is before the movie of Juday's Ploning pa."
May mga producer na nagbibigay lang pera at walang pakialam sa production. Anong klaseng film producer si Boy?
"I was part of the creative force," sabi niya. "Isinusulat pa lang ang script, nakipagdebate na ako sa istorya. So, I'm not just a producer, I'm a creative producer. Kung ano ang aming maliit na budget na pinagkaisahan ay on time kami. Kanina, tumawag ako para alamin kung ano ang kinakain ng mga staff at artista. Basta very concerned ako sa mga tauhan ko sa set, palagi akong on hand. Ganito, kapag ang aming bayaran ay Lunes, ipinapadala ko na 'yan ng Biyernes pa, kasi ayaw ko ng may utang."
Nang tanungin ng PEP si Boy kung ano ang character niya sa kanyang cameo appearance, ito ang maagap niyang sagot: "Basta, manood ka na lang, pang-award!"