Naimbitahan ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa contract signing ni Jennica Garcia bilang bagong endorser ng Bioessence. Kasama na niya ang inang si Jean Garcia na endorser ng skin clinic. Pumirma si Jennica sa harap ng owner ng skin clinic na si Dra. Emma Guerrero na masaya rin sa pagkakadagdag sa young actresss na endorser.
"I feel so blessed at talagang masaya ako na magkakaroon na ako ng billboard. Hindi pa ako artista, 'pag napapadaan ako sa mga billboard ng mga sikat, lagi kong sinasabi sa sarili ko na someday magkaka-billboard din ako, at natupad na nga. Salamat sa Bioessence," panimula ni Jennica.
THE BREAKUP. Kapansin-pansin ang masayang aura ni Jennica, laging nakatawa, masigla, at blooming. Parang hindi siya dumaan sa heartbreak at parang hindi nasaktan sa breakup nila ni Mart Escudero.
"Nasaktan at nagalit naman ako nang maghiwalay kami," paglilinaw ng dalaga. "Ang plastic ko naman kung sasabihin kong hindi ako nasaktan, first boyfriend ko siya. Umiyak ako, pero ilang araw lang yun. Minahal ko naman yung tao para hindi ako masaktan. Kaya lang, hahayaan ko ba ang sarili kong ma-stress? Dapat laging positive ka sa pagtingin sa buhay.
"Masaya ako na kahit break na kami, magkaibigan pa rin kami ni Mart. Matagal kaming magkaibigan bago naging kami. Marami rin kaming good memories together kesa bad memories na hindi puwedeng kalimutan na lang. At least, natapos ang relasyon namin na friends pa rin kami," saad ni Jennica.
Nabanggit ni Jennica na ayaw niyang matulad sila ni Mart sa ibang showbiz couple na after the breakup ay hindi na nag-uusap, nag-iiwasan, at patuloy sa pag-aaway. Sinunod din niya ang payo ng inang si Jean Garcia na tapusin nila nang maayos ang kanilang relasyon. Hindi man madalas mag-text si Mart sa kanya, hindi pa rin nila makakalimutan ang isa't isa.
Itinanggi rin ni Jennica na ang pagpunta nila sa Boracay ng mga co-stars niya sa Gagambino na sina Isabel Oli, Glaiza de Castro, at Nadine Samonte ay para matulungan siyang maka-recover.
Bago pa raw sila magpunta sa Boracay ay naka-move on na siya at masaya na siya. Wala raw dahilan maglungkut-lungkutan sa dami ng nagmamahal sa kanya.
Tungkol sa balitang may bago siyang manliligaw na isa ring Kapuso star, sinabi ni Jennica na hindi pa siya ready for a new relationship. Hindi rin daw siya naghahanap and she'll go with the flow na lang.
"Hindi ako atat at hindi ako nagmamadaling magka-boyfriend uli. Wala nga akong crush ngayon. Mag-e-enjoy muna akong single at makasama ang pamilya ko," sabi niya.
TWO FAMILIES. Ipinagmamalaki ni Jennica na dalawa ang pamilya niya dahil laging kasama sa kanyang bilang ang pamilya ng amang si Jigo Garcia, na dati ring artista. Enjoy raw siya 'pag dumadalaw sa bahay ng ama dahil prinsesa ang treatment sa kanya. Spoiled daw siya at lahat ng gustong kainin ay binibili o niluluto ng kanyang stepmom. Very close rin siya sa mga kapatid sa ama.
Ini-encourage rin ni Jennica ang ina na muling mag-asawa, pero sa tamang lalaki.
"Gusto ko ikasal at magkaroon ng asawa ang mom ko at hindi ko siya pipigilan. Okey sa akin kung mag-aasawa siya, basta isipin lang at tanggapin ng mapapangasawa niya ang kapatid kong si Kotaro. Hindi na bale ako dahil may ama ako, ang kapatid ko wala. Kaya gusto kong mag-asawa ang mom ko para sa kapatid ko, hindi para sa akin," saad ni Jennica.
Kailangan daw ng father figure ni Kotaro kaya dinadala niya ito sa bahay ng ama. Tatay-tatayan na raw ng seven-year-old brother ni Jennica si Jigo. "Papa" na rin daw ang tawag ng bagets sa ama na ikinatutuwa nilang lahat.
Kung muling mag-aasawa si Jean Garcia, anong qualities ng lalaki ang gusto niya para sa ina?
"Dapat niyang isipin ang kapatid ko, mahalin niya ang kapatid ko. Doon ko makikita ang sincerity niya sa mama ko. Dapat bigyan din niya ng importansiya ang kapatid ko na naghahanap ng ama."
COFFEE PRINCE? Wala pang maibalitang new project sa GMA-7 si Jennica pagkatapos ng Gagambino. Okey lang daw sa young actress sa kanya dahil may time siya with her two families at i-pamper ang sarili sa Bioessence.
Samantala, ayaw ni Jennica at ng manager niya na si Manny Valera na kumpirmahin ang nabalitaan ng PEP na sa kanya ibibigay ang Pinoy adaptation ng Koreanovela na Coffee Prince at si Dennis Trillo ang makakapareha niya.
Kung totoong sina Jennica at Dennis na nga ang final choice sa role nina Andie at Arthur, tiyak na marami ang magre-react, lalo na ang fans ni Chynna Ortaleza na may petition sa GMA-7 na sa aktres ibigay ang role ni Andie.