"Yung mga statement na iyon, actually, hindi naman ako ang gumawa nun. Ang gumawa nun, yung mga abogado rin ng ABS-CBN. Sila rin nagturo sa 'kin, sila ang may idea nun na gawin ang sasabihin ko," says Manny Pacquiao about his statement that he has partnered with ABS-CBN again.

Photo: Noel Orsal

Dalawang araw pagkatapos maresolba ang sigalot sa pagitan ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at ng pamunuan ng Solar Entertainment at GMA-7 ay nagpatawag ng isang press conference ang Kapuso network kaninang tanghali, March 23, sa Executive Lounge ng GMA Network Center.

Present sa naturang presscon ang top executives ng GMA-7 at Solar Entertainment na sina Atty. Felipe Gozon, Chairman-CEO-President; Mr. Jimm Duavit, SVP & COO; Mr. William Tieng, Chairman of Solar Entertainment; at Mr. Peter Chanleong, COO of Solar Entertainment.

Pero ang naging highlight ng naturang presscon ay ang pagkakataon na makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media mula sa entertainment at sports si Manny via phone patch sa Los Angeles, California. Nasa L.A. ngayon si Manny kaugnay ng kanyang training para sa nalalapit niyang laban kay Ricky Hatton sa May 3 (May 2, U.S. time).

Matatandaang noong Wednesday, March 18, ay in-announce ni Manny sa primetime newscast ng ABS-CBN na TV Patrol World ang kanyang sariling desisyon na "makipag-partner" muli sa Kapamilya network. Sinabi rin ng Pambansang Kamao na sa ABS-CBN na mapapanood ang kanyang laban kay Hatton at ang mga susunod niyang laban. (Click here to read related story.)

Personal na nagtungo sa L.A. sina Mr. Wilson Tieng at Mr. Chanleong ng Solar, at sina Ms. Wilma Galvante at Ms. Redgie Magno ng GMA-7 last week upang kausapin si Manny. At noon ngang Sabado, March 21, ay nagdesisyon si Manny na manatili sa Solar Entertainment pagkatapos maayos ang anumang gusot sa pagitan nila.

Kanina, sa phone-patch interview sa kanya ng mga taga-press ay muling humingi ng paumanhin si Manny sa kanyang naging aksiyon.

"Unang-una, humihingi ako ng paumanhin sa sinumang naabala, lalung-lalo na sa Solar Sports, sa media... Sa lahat ng mga fans ko, naguluhan sila. Siguro hindi lang magkaintindihan at mali rin na desisyong padalus-dalos. Ngayon, gusto kong mag-focus sa training ko para din naman 'to sa mga kapwa nating Pilipino, sa ngalan ng ating bansa," pahayag ni Manny.

Dahil sinabi ni Manny noon sa kanyang statement sa TV Patrol World na sarili niyang desisyon ang paglapit sa ABS-CBN, tinanong siya kung totoo nga bang desisyon niya ito o "binola" lang siya.

"Yung sinasabi mo na desisyon ko na paglipat, ako ang ano nun. Pero yung paglabas... Ang usapan kasi namin, ang usapan namin ng kabila [ABS-CBN] ay, sabi ko, 'Huwag muna tayo maggawa ng footage or video. Hahanapan ko muna ng... Tingnan ko muna... Suriin ko muna kontrata ng Solar kung may breach of contract, at saka tayo maglabas ng ganyang mga videos.'

"And then, ang sabi nila sa akin na, 'Itatago lang namin, hindi namin ipapalabas, gawin mo na lang ito para pag sabihin namin sa iyo pag ipalabas namin,' kaya ginawa namin. At saka ipapalabas yung mga video na 'yan na kinuhanan namin kung may breach of contract talaga na mapatunayan. Pero wala namang nakitang breach of contract at wala namang kasalanan, wala namang nilabag ang Solar, so dapat hindi maipalabas yung mga video na iyon, na hindi karapat-dapat.

"At yung mga statement na iyon, actually, hindi naman ako ang gumawa nun. Ang gumawa nun, yung mga abogado rin ng ABS-CBN. Sila rin nagturo sa 'kin, sila ang may idea nun na gawin ang sasabihin ko," pagsisiwalat ni Manny.

Nag-react nang husto ang mga press na nasa loob ng Executive Lounge ng GMA Network Center sa sinabing ito ni Manny, kaya hindi na narinig nang maayos ang mga kasunod niyang sinabi. Dahil dito ay ni-request ng host ng presscon na si Chino Trinidad na ulitin ni Manny ang kanyang huling statement para malinaw sa lahat.

Ani Manny, "Kung marinig...narinig mo ang sinabi ko na ang sabi ko sa kanila, ako nag-suggest na, 'Huwag muna tayong [gumawa] ng ganyang statement o video o footage pag wala pa tayong napatunayang breach of contract dun sa pinirmahan ko sa Solar.' Ang sabi nila, 'Gumawa tayo, itatago lang namin, hindi muna natin ipapalabas.'

"Sana tigilan na nila yung pagpapalabas dun sa footage na yun dahil wala naman tayong napatunayan na breach of contract na nakita dun sa kontrata. Ayaw naman nating makasakit o makasira ng isang tao o ng isang organisasyon. Wala namang bahid o kasalanan na nakita natin. Ang pinagbasehan lang dun, yun, e, breach of contract. Pero wala naman naganap at siguro mali yung naging desisyon ko nun na padalos-dalos ako. Pero ako naman ay talagang inaamin na nagkamali dun sa ginawa ko. Pero sana ay itigil na natin 'yang pagpapalabas sa video na yun," pakiusap ni Manny.

Naitanong din kay Manny ang tungkol sa pahayag ng kanyang misis na si Jinkee Pacquiao na masaya sila sa pagbabalik sa ABS-CBN at matagal na raw talaga nilang gustong lumipat doon. Pero nakiusap si Manny na huwag nang idamay sa isyu ang asawa niya.