Hindi kami aware na hindi pala basta mai-interview ang talents ng Star Magic nang walang permiso. Ito ang sinabi ni Jon Avila sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makasalubong namin siya sa live telecast ng Shall We Dance?, kung saan co-host siya ni Lucy Torres-Gomez, sa TV5 sa Novaliches.
Pero si Jon na rin naman ang nagtanong sa amin kung anu-ano ba ang pag-uusapan namin. So, ibig sabihin, wala namang hassle kaya itinutok na namin kay Jon ang aming tape recorder at bumira na kami ng mga tanong.
MEGAN'S CRUSH. Agad naming inalam kung ano ang reaksiyon niya sa pambubuking ni Lauren Young, na ang kapatid niyang si Megan Young ay mayroon palang itinatagong matinding crush kay Jon. Si Megan ay StarStruck 2 alumna at ngayon ay napapanood sa I Love Betty La Fea ng ABS-CBN.
"Nagulat ako kasi napanood ko ang Ruffa and Ai, yung episode kung saan sinabi ni Lauren na crush daw ako ni Megan," sabi ni Jon. "Kagigising ko lang at yun agad ang napanood ko. Nagbe-breakfast pa ako at that time, and it was so flattering. Napakaganda ni Megan, 'tapos may crush pala siya sa akin."
Magkasama noon sina Jon at Megan sa Bahay ni Kuya para sa ikalawang Celebrity Edition ng Pinoy Big Brother, kaya wala namang ganoong feeling si Jon.
"Nagkakilala kami nang sobra dun, pero I was completely clueless," tila nagba-blush pa ang binata nang sabihin yun. "We were housemates. May mutual admiration kami ni Megan, pero hindi ko naman akalain may crush-crush na pala yun. Mabait si Megan. Bonding-bonding lang kami noon, usap-usap.
"Years from now, baka nga hindi ko na masyadong makausap 'yan. I feel that she's going to be a big star," sabi ni Jon.
Sa tingin ba niya, iisnabin na lang siya ni Megan kapag naging big star ito?
"Hindi naman," ani Jon. "I don't think that way. Ang sa akin lang, kapag naging big star si Megan, sobrang magiging busy na 'yan. I don't think na magkakaroon pa siya ng panahon kahit isipin man lang ako, na may crush siya sa akin."
Megan is just like a sister to Jon, at yun ang gustong idiin ng binata. Pero hindi ba way na yun na pupuwedeng may gusto talaga si Megan kay Jon kaya mas madali para sa binata ang ligawan ito?
"No, I don't take advantage," pahayag niya. "Although, she's very pretty. Half-American, very nice girl. Why not? Puwede naman yung possibility na yun. Pero sa ngayon, mas okey kami na friends lang. At saka masyado siyang bata kaysa akin."
Para nga hindi mailang si Megan sa kanya, medyo biniro-biro pa niya ito nang magkita sila sa ASAP last Sunday.
"Ngumingiti lang siya!" natatawa si Jon. "Sinabi ko kasing napanood ko yung sa Ruffa and Ai."
RUFA MAE QUINTO. Obviously, walang nangyari sa Rufa Mae Quinto issue na nagli-link sa kanila. Hindi na ito pinag-uusapan dahil natapos na ang showing ng pelikula nila na Status: Single.
"Hindi naman sa ganoon," paglilinaw ni Jon. "Pareho pa rin naman. "Hindi ko alam kung nakabalik na siya from the States, but we keep in touch. Wala naman talagang na-develop sa amin ni P-chi. Na-develop sa amin ang friendship at hindi deep relationship. Gusto ko lang na magtagal na ganito kami ni P-chi, 'cause she's really a nice friend."