Nasulat noon na gusto ni Gina Alajar na magkaroon ng remake ang 1981 film na Salome. Gusto rin sana ng multi-awarded actress na siya na ang magdirek nito.
"Nauuso yata ang remakes sa TV ng old movies. Gusto ko nga sana, magdirek ng remake ng Salome, which I starred in when I was only 21. Ang problema sa ngayon, sino ba among 21-year-old stars ang makakaganap sa ganoong role?" banggit muna ni Gina sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa pictorial para sa Kambal sa Uma, pagkatapos ng story conference nito noong Huwebes, March 26.
"May producer na ako noon, si Tony Tuviera [TAPE, Inc.'s big boss]. Aprubado na sa kanya at ang gusto pa naman noon, si Angel Locsin ang gumanap. Okey sa akin si Angel, pero nang mapanood niya ang DVD ng Salome, sinabi agad niya na hindi niya [Angel] kakayanin.
"Yun ang mahirap, which I understand. Nasa GMA-7 pa si Angel noon, at alam natin, iba ang packaging ng mga network sa mga artista nila. Noong panahon namin kasi, iba ang build-up sa amin. Wala namang mga ganyang TV networks noon na may pakialam sa career ng mga artista.
"Kaya hanggang sa ngayon, frustration pa rin sa akin ang remake ng Salome at kung sino ang mas akmang gumanap na bida," napapailing na nasabi na lang ni Gina.
GINA ON GEOFF'S TRANSFER. Speaking of TV networks taking care of stars nowadays, tinanong ng PEP si Gina tungkol naman sa paglipat muli ng anak niyang si Geoff Eigenmann sa GMA-7 mula sa ABS-CBN. Naging kontrobersyal ang paglipat ni Geoff dahil lumalabas na tila hindi naaalagaan ng Kapamilya network ang career ni Geoff.
Sa naabot na rurok ng professionalism sa larangan ng showbiz, mahirap basta ikabit ang pangalan ni Gina Alajar sa intriga. Pero sa pagkakataong ito, bilang ina'y nadadawit tuloy si Gina sa kontrobersyang kinasasangkutan ng anak na si Geoff.
"Ball game na kasi 'yan ni Perry [Lansigan, manager ni Geoff]," panimula ng aktres. "Geoff stayed naman with ABS for a long time after his contract expired. He had a two-year contract then, but after that, he stayed with ABS pa rin.
"May projects naman na ibinibigay sa kanya, pa-isa-isa. Okey lang naman yun, pero yung last project na ibinigay sa kanya, yung talagang na-reinvent siya, yung sa Lobo. May mga bagong nakita sa kanya, and he was excited.
"Akala nga niya, masusundan agad yun. Maganda pa naman ang team-up nila ni Maja [Salvador]. Mayroon na silang ginagawa noon, bigla na lang kailangang i-rewrite ang script. Mayroong ganoong factors na hindi natin masisisi ang network. Mayroon din silang sariling standards," katuwiran ni Gina.
Wala naman daw problema kay Gina kung ma-revise nang todo-todo ang script.
"Hanggang sa ma-satisfy sila, sige lang. May sinusunod nga kasing standard ang network. But,the thing is, Geoff needs to work. After Lobo, it has been seven months up to now na wala siyang trabaho.
"Sabi ng manager niya, maybe wala nga talagang project sa Dos. Naiintindihan namin yun. Napakaraming artista sa ABS."
Dapat daw ay kasama si Geoff sa proyektong The Wedding, pero sa kung anong dahilan, napunta kay Derek Ramsay ang project.
"Ay, hindi ko alam 'yan," sabi pa ni Gina. "I don't think that project was offered to him. Sinasabi naman sa akin kung ano ang developments. I never heard of that. Baka he was just lined up, was considered...pero hindi naman siya inalok. He didn't get the role. Siguro, ganoon yun."
Sa GMA-7, exclusive three-year guaranteed contract ang pinirmahan ni Geoff. Mas secure ang young actor sa tatakbuhin ng career niya sa deal na yun sa susunod na tatlong taon.
"It's an offer which we can't refuse," pagtatapat ni Gina. "Two primetime shows yun a year, at isang afternoon soap. Hindi pa kasama ang movies diyan, kasi, GMA Films naman yun. We're just talking about 'yung sa TV.
"Kaya ang contract niya, sa GMA-7 lang. Puro lead roles yun. Kung hindi man pinakabida, one of the bidas, ganoon," nangingiting dugtong ng aktres.
GINA TRUSTS PERRY. Bagamat si Perry ang nagma-manage sa career ni Geoff, naipapaalam kay Gina ang lahat-lahat ng detalye.
"Nagmi-meeting kami, to see the pros and cons. Sinasabi naman ni Perry kung gusto na niyang gumawa ng decision para sa anak ko. Paulit-ulit na kinokonsulta ni Perry sa amin ang mga bagay-bagay, which I really like. Kaya nga buo ang tiwala ko sa kanya, na bahala na siya kung sa tingin niya, yun ang nararapat.
"Naniniwala ako kay Perry, because he has that gut feel, e. Lahat ng nai-present niya sa amin, in fairness, maganda ang naging resulta. Like the Cosmopolitan pictorial, noong una, I was against that.
"Nasa U.S. ako noon nang tumawag si Perry, sinabi niya sa akin, mayroong ganoong sexy pictorial si Geoff. I had so many questions. Basta ang sabi lang ni Perry, 'Just trust me. Kasama ako sa pictorial. Sinabi ko na sa kanila ang limitations ni Geoff.'
"Sigurado ba sila riyan? Baka mamaya, after that, mabastos na ang bata. Baka sa ibang direksyon mapunta. Hindi raw. Sabi ni Perry, basta pagtiwalaan lang siya. Which I did. At okey naman ang nangyari. Basta kailangang naroroon siya sa pictorial dahil baka hindi maka-hindi ang bata sa ipagagawa sa kanya.
"Kaya okey sa amin ang mga desisyon ni Perry," sabi pa ni Gina.
Si Gina ay kasalukuyang nagtatrabaho sa ABS-CBN para sa teleseryeng Kambal sa Uma.
"Contravida role, for a change. Bihira akong mabigyan kasi ng ganitong role," aniya.
Remake ang Kambal sa Uma ng isang Rio Locsin starrer noon na ngayon ay co-star pa ni Gina. Ang teleseryeng ito ay magtatampok sa younger set of stars na sina Shaina Magdayao, Melissa Ricks, Jason Abalos, Matt Evans, at iba pa.