Parang tinapos agad ng ABS-CBN ang panahon ni Shaina Magdayao para sa love teams. Kung mapapansin, iba-iba na ang naipapareha sa kanya. Kahit nga ang matinding chika ay boyfriend niya si John Prats, hindi rin ito basta nagiging sentro ng usapan ngayon dahil labas ito sa trabaho ng young actress.
"Kasi, iba-iba ang naipapareha sa akin," sabi pa ni Shaina. "Like here in Kambal sa Uma, I'm being paired with Jason Abalos. Yun naman yata ang gusto ng management.
"Mas okey naman sa akin, na iba-iba ang nakakatrabaho ko. Hindi rin kailangang may love angle talaga in real life. Advantage din yun for me dahil hindi ako nawawalan ng trabaho," dugtong pa ng young actress.
Kaya hindi namumroblema ang network at baka nga magalit ang fans kung sa iba siya maipapareha.
"Mabuti at ganoon ang nangyayari. Kaya kahit sino ang naiisip nila na bagay rin sa akin, why not? Trabaho lang naman 'yan," nangingiting sabi pa niya.
DOING AFTERNOON SOAP. Tampok si Shaina, sharing top billing with Melissa Ricks, in Kambal sa Uma. Afternoon soap ito at hindi iniisip ni Shaina na relegated siya bilang artista kung sa afternoon slot siya napapanood.
"Hindi na rin ganoon ang viewing habits ng mga tao," katuwiran ni Shaina. "Sa akin naman, bakit pa ako mag-iinarte? Bakit mas gugustuhin ko pa ang primetime kung nariyan na ang trabaho, nagkataon lang na sa hapon ipalalabas.
"Everyday rin namang mapapanood yun, parang ito ang ipapalit pag natapos na ang Pieta. First ever afternoon soap ito na sinu-supervise ni Sir Deo [Endrinal]. Laging primetime kasi ang ibinibigay na projects sa kanya.
"Kaya dapat na special ito. Wala na sa akin kung yung iba, nasa primetime. Ang dapat na isipin ko na lang, magpasalamat ako at may trabahong ibinibigay sa akin.
"Maganda naman ang role ko rito sa Kambal sa Uma, at marami kaming kasama rito at lahat kami, may trabaho. Naku, kahit morning show pa 'yan! Ang sa akin lang, sa hirap ng buhay ngayon, hindi na tayo dapat ganyan mag-isip.
"Okey sa akin kahit saan. Basta trabaho, go!" sabi pa ni Shaina.
HONORED TO STAR WITH RIO. Kasama uli ni Shaina si Rio Locsin na siyang bida noon sa original Kambal sa Uma. Nagkasama na sila noon sa Marinella kung saan mga batang paslit pa sila nina Serena Dalrymple at Camille Prats.
"Nagkukuwento nga si Tita Rio, naliligo pa kami noon sa ulan," natatawang sabi ni Shaina.
"Nang kinukuwento sa amin yung project, at malaman kong kasama si Tita Rio, ay! Pumayag na ako! Go na 'yan at gusto ko siyang makatrabaho. It's really an honor!"
Love nga raw niya ang Tita Rio niya dahil noong inaapi-api siya sa teleserye, ito pa ang unang napapaiyak.
ON BEING COMPARED WITH MELISSA. Tiyak na iintrigahin sina Shaina at Melissa rito, as they play fraternal twins.
"Naisip ko na rin 'yan," tawa nang tawa si Shaina. "Parte na 'yan ng trabaho natin, di ba? Hindi maiaalis diyan yung comparison.
"Hindi lahat ng tao riyan, e, mapi-please mo. Kung sa personal, maa-assure ko na magkakasundo kami ni Melissa dahil talagang magkaibigan kami.
"Magkasama na kami sa Rounin pa lang. Magaan siyang katrabaho at walang ere. Never kaming nagkaproblema, kaya palagay ko, magiging maayos pa ang samahan namin," nangingiting sabi pa ni Shaina.