"Nang una niyang sinabi sa akin na gusto niyang mag-artista, inayawan ko agad. Sasabihin daw niya sa Dada niya—yun ang tawag niya kay Dad [Joey de Leon]. Okey lang kay Daddy na mag-artista si Sam, pero tapusin daw muna ang pag-aaral niya. Grade six pa lang siya, matagal pa bago siya matapos mag-aral!" says Keempee de Leon about his daughter Samantha.

Photo: Courtesy of GMA-7

Ipinakita ni Keempee de Leon sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang picture ng 12-year-old daughter niyang si Samantha na nasa kanyang laptop. Maraming litrato ang bagets na matangkad, morena, maganda, at artistahin.

"Gusto ngang mag-artista, pero ayoko," sabi ni Keempee. "Nang una niyang sinabi sa akin na gusto niyang mag-artista, inayawan ko agad. Sasabihin daw niya sa Dada niya—yun ang tawag niya kay Dad [Joey de Leon]. Okey lang kay Daddy na mag-artista si Sam, pero tapusin daw muna ang pag-aaral niya. Grade six pa lang siya, matagal pa bago siya matapos mag-aral!"      

Hindi pa lang namin natitiyempuhan, pero sabi ni Keempee, isinasama niya minsan ang anak sa Eat Bulaga! at every week, nagkikita silang mag-ama. May gimik silang dalawa at kung saan-saan daw sila pumupunta.

Para mapangalagaan ang privacy ng anak, hindi na sinabi ni Keempee kung saan ito nag-aaral at kung saan nakatira.

PHOTO EXHIBIT. Ang hindi namin naitanong kay Keempee ay kung isasama niya ang pictures ng anak sa binabalak niyang photo exhibit ng kanyang mga kuhang litrato na umabot na sa more than one thousand. Kakausapin din niya ang ibang Kapuso stars na nahihilig sa photography para pagsamahin ang mga kuha nilang litrato para mas maganda at masaya ang photo exhibit.

"Puwede naming gawin dito sa GMA Studio ang photo exhibit at ang kikitain ay ibibigay namin sa GMA Kapuso Foundation. Plano ko pa lang ito, pero isulat n'yo na rin. Ipi-pitch ko sa management kung okey sa kanila. Hindi ko pa nakakausap ang mga artistang kumukuha rin ng litrato at sigurado namang papayag sila dahil for a good cause.

"Nakita ko ang ilan sa pictures na kuha nina Michael V at Richard Gomez. Magaganda ang kuha nila kaya lalo akong na-i-inspire na ituloy ang hobby ko. Nakita ko sina Mark Herras at Ranier Castillo na kumukuha na rin ng litrato. Si Joanne Quintas, kumukuha rin ng litrato at nakita kong dina-download niya sa computer," kuwento ni Keempee.

Ikinuwento ni Keempee na dati pa siyang nahilig kumuha ng litrato at hindi lang niya ipinagpatuloy nang masira ang camera niya. Noong buhay pa raw si Francis Magalona, humihingi siya ng advice dito tungkol sa photography at ngayong nahihilig uli siya, mukhang tuluy-tuloy na ito.

Black and white ang medium ni Keempee. May human interest, may litrato ng batang lalake na nakatuwaan niyang kunan dahil kamukha niya noong baby pa siya. May kuha rin siya kay Pauleen Luna, na niligawan niya noon, habang nagsu-swimming ito at marami pang iba na tiyak kalulugdang makita 'pag natuloy ang pinaplano niyang photo exhibit.

STRAIGHT GUY. Balik sa straight-guy role si Keempee sa All About Eve. Siya si Paul dito, babaerong executive producer. Nanghihinayang si Keempee na wala siyang love interest dito para kumpleto na ang pagiging straight niya.

"Bihira ang EP na lalake sa GMA, kaya nagtanong ako kung anong klaseng EP ako rito, kung strict ba at masungit. Happy-go-lucky daw, relax lang ang character na siya kong ginagawa. Barkada ko rito sina Alfred Vargas (as Warren) at Sunshine Dizon (Erika), pero may suntukan kami ni Alfred, abangan n'yo.

"Luku-luka lang ang staff, nami-miss daw nila ng character kong si Harold sa Bahay Mo Ba 'To at Gary sa Lalola. Nagre-request silang gawin ko at ginagawa ko naman. Masaya kami sa taping kahit drama ang ginagawa namin at napakaraming confrontation," kuwento ni Keempee.