Marami na ang nag-aabang sa nalalapit na pag-ere ng Kambal sa Uma sa ABS-CBN. Gagampanan dito nina Melissa Ricks at Shaina Magdayao ang karakter ng kambal na sina Ella (Melissa) at Vira (Shaina), na binigyang-buhay sa pelikula ni Rio Locsin. Gaganap naman ngayon si Rio bilang ina nila. Sa April 20 na ang simula ng pag-eere nito.
Sa presscon ng Kambal sa Uma na ginanap kagabi, April 14, ay tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Melissa kung ano ang pakiramdam niya ngayon na malapit nang ipalabas ang kanilang programa.
"I'm very very excited and happy na napili ako, na I would play the role of Ella. And at the same time, super ninenerbiyos ako. Ito ang pinaka-challenging role ko so far in my showbiz career, and my first time ko rin na magkaroon ng show sa hapon," sabi ni Melissa.
Kumusta naman ang samahan nila ni Shaina sa show? Hindi ba sila nagpatalbugan sa akting?
"Nagpatalbugan kami, but in a good way, di ba?" sagot ni Melissa. "Nagtutulungan naman kami sa set and we enjoy each other's company. And since Rounin naman, we were friends. And sa ASAP, magkasama din kami. Close naman kami ni Shaina."
MATT EVENS. Si Matt Evans pa rin ang kapareha ni Melissa sa nasabing serye. Hindi naman daw nagsasawa ang dalaga kahit pa madalas niyang kapareha ang una.
"Magsasawa ka ba kay Matt? Parang hindi ka naman puwedeng magsawa kay Matt, di ba? He's very entertaining at the same time, pag nabo-bored ako, lagi siyang nandiyan para aliwin ako. He's really a jolly person. So, pag nawala siya, mami-miss ko naman talaga siya. And comfortable na ako sa kanya. I'm happy na kami pa rin ang magka-partner at sana magtagal pa ang love team naming dalawa at patuloy pa rin kaming suportahan ng mga fans namin."
May chance ba na maging sila rin sa totoong buhay ni Matt?
"Kami ni Matt, we're just friends naman talaga," sabi ni Melissa. And kung mag-i-evolve man yun into something else, hindi naman natin masasabi talaga, kasi hindi naman siya nanliligaw sa akin or anything like that.
"Sa ngayon, ini-enjoy ko lang yung company niya, and sana mag-evolve into something good!" tawa niya.
Totoo ba na si Matt lang daw ang gusto niyang maka-kissing scene sa pelikula man o telebisyon?
"Actually, ang sinabi ko, papayag lang ako kung si Matt ang ka-kissing scene ko. Kasi kung iba-iba, mahihiya ako. Kay Matt, hindi na ako mahihiya kasi many times na namin ginawa on screen. As of now, kay Matt lang talaga ako papayag na makipag-kissing scene."
JAKE CUENCA. Paano kung pagtambalin sila sa isang show ng sinasabing manliligaw niya ngayon na si Jake Cuenca at may kissing scene sila? Hindi ba siya papayag?
"Kung ipa-partner man ako kay Jake at may kissing scene kami, pag-uusapan muna siguro 'yan... Itatanong muna natin kay Matt!" tawa ni Melissa.
Bakit kailangang ipagpaalam pa niya kay Matt kung hindi naman niya ito boyfriend?
"E, siyempre, siya ang ka-love team ko. Baka naman bigla na lang akong iwan ni Matt sa tabi, kawawa naman ako!" birong paliwanag niya.
Ano ba ang meron si Matt na sa tingin niya ay wala kay Jake?
"Yung mga small things na ginagawa ni Matt para sa akin, sobrang naa-appreciate ko."
Nagpaparamdam na ba sa kanya si Jake?
"Ayokong pangunahan o sabihin na nanliligaw na siya sa akin or anything. Basta sa ngayon, I enjoy his company."
Dinadalaw ba siya ni Jake sa set nila ng Kambal sa Uma?
"Sa set, hindi siya dumadalaw," sagot niya.
Pero lagi raw nakababad sa dressing room niya sa ASAP si Jake?
"Hindi naman siya nakababad. Kasi yung mga dressing rooms sa ASAP, magkakatabi 'yan. So siyempre, minsan napapadaan siya doon para bumati sa amin, bebeso siya, ganun.
"Kim [Chiu] and Gerald [Anderson] are also in my dressing room. So, siyempre, dahil sa Tayong Dalawa, naging close na sila kaya ayun, napapadalas magpunta sa dressing room namin si Jake," paliwanag ni Melissa.
Gaano na ba niya kakilala si Jake ngayon?
"Kasi nga, hindi naman kami madalas nagkakasama. During ASAP lang kami nagkikita at nakakapag-usap, at minsan text-text lang, ganun. Hindi ko pa siya ganung kakilala talaga. Pero I can say that he's really a nice guy naman talaga."
Ano ba ang mga tini-text sa kanya ni Jake?
"Nangungumusta lang siya sa akin sa taping. Sinasabi niya, 'Do your best sa work mo,' ganoon lang."
Hindi naman daw madalas nagti-text si Jake kay Melissa.
"Siguro kasi he's busy din with his show. Tapos, may pelikula pa siya. Kaya pag may time lang siya, iti-text niya ako," sabi ni Melissa.
