"Walang third party. Yun lang, yung tungkol sa trabaho nga. Hindi naman nakakasira talaga sa work namin pero nag-decide na kami na unahin muna yung work namin. Focus muna kami sa career namin. Gusto niya kasi umangat yung career niya," says Jay-R Siaboc about his breakup with Irish Fullerton.

Photo: Noel Orsal

inumpirma ni Jay-R Siaboc sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na totoong break na sila ng kanyang girlfriend for a year na si Irish Fullerton. Si Irish ay kabilang sa Top 6 scholars ng Season 1 ng Pinoy Dream Academy, kung saan pumangalawa si Jay-R sa nanalong Grand Star Dreamer na si Yeng Constantino.

Isa si Jay-R sa cast members ng bagong panghapong teleserye ng ABS-CBN, ang Kambal sa Uma, na mapapanood na simula sa April 20. Pero bago pa man ang grand presscon ng Kambal sa Uma, na ginanap kahapon, April 14, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN, inamin na sa PEP ni Jay-R na break na nga sila ni Irish.

"Nag-decide kami na mag-focus muna sa trabaho. Mutual decision siya," pahayag ni Jay-R sa PEP.

Bagama't ayaw magbigay ng exact date ni Jay-R kung kailan sila nag-break ni Irish, sinabi niya na recently lang daw. Three months din daw umuwi si Irish sa U.S., kung saan siya talaga nakatira. At pagbalik niya nitong nakaraang March ay nag-usap daw silang dalawa.

Tinanong ng PEP kung third party ba ang dahilan ng break up nila?

"Hindi, walang third party. Yun lang, yung tungkol sa trabaho nga. Hindi naman nakakasira talaga sa work namin pero nag-decide na kami na unahin muna yung work namin. Focus muna kami sa career namin. Gusto niya kasi umangat yung career niya."

Hindi ba sila na-fall out of love?

"Hindi naman," sagot niya. "Nung time kasi na nagtatrabaho ako, hinahayaan niya lang akong mag-work. Kahit na bihira kaming magkita dahil araw-araw nga yung taping ko noon sa Kapitan Boom, naiintindihan naman niya ako. Siyempre nung time na pahinga na ako at wala na akong trabaho, siyempre magkasama kami palagi."

Aminado si Jay-R na nalulungkot siya sa nangyari sa relationship nila ni Irish, pero kailangan daw talaga na ayusin nila pareho ang kanilang mga priorities, lalo na yung tungkol sa kanilang career.

Posible bang magkabalikan pa sila ni Irish?

"Hindi ko masasabi sa ngayon."

Handa na ba siyang umibig muli?

"Sa ngayon, hindi muna. Hindi rin naman kasi ganun kadali kalimutan yung naging relationship namin ni Irish. Hindi naman kaagad-agad mawawala yun."

Mahal pa ba niya si Irish?

"She will always be special to me."