Natutuwa ang young actress na si Roxanne Guinoo dahil kahit tinanggal siya sa gag show na Banana Split ay may kapalit naman ito. Kasama siya sa Precious Hearts Romances Presents "Bud Brothers." Kapareha niya rito ang baguhang singer na si Guji Lorenzana.
"Another show na bago na naman yung partner ko, kaya masaya," sabi ni Roxanne nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Precious Hearts Romances noong April 22 sa ELJ Building ng ABS-CBN.
Isa rin sa cast ng "Bud Brothers" ang ex-boyfriend ni Roxanne na si Jake Cuenca, although si Cristine Reyes ang kapareha niya rito. May twist ba na magiging bahagi rin ng buhay niya rito si Jake?
"Ay, hindi ko po alam," sagot ni Roxanne. "Pero ang alam ko, bawat love teams dito, may kanya-kanyang istorya. Pero may pasingit-singit na kunwari magkikita-kita yung mga characters, ganoon."
Pero may idea ba siya na makakatrabaho niya o makakaeksena si Jake?
"Ay, hindi ko pa po alam. Pero kung sakali man po, okey lang yun sa akin. Nagkatrabaho na naman ulit kami ni Jake sa Maalaala Mo Kaya. Wala naman pong problema sa akin kung muli ko siyang makatrabaho o makaeksena.
"Basta sa ngayon, okey naman kami ni Jake. And kung anuman yung friendship namin ngayon, yung past namin, tapos na yun. And hindi na namin inuungkat. Kahit naman nung nagkaproblema kami dati, hindi naman kami... Yung problema namin, kaming dalawa pareho lang ang nagdala nun. So, may mga nakialam man, may mga nagpipilit ungkatin yung problema, kaming dalawa ang nanahimik talaga. And choice namin yun. Ganoon namin nirerespeto ang isa't isa," saad ni Roxanne.
Kung okey ang samahan nila ngayon ni Jake, posible ba na magkaroon ng part 2 ang naging relasyon nila?
"Sa lovelife ko ngayon, wala na akong mahihiling pa. Tingin ko naman ibinigay ito sa akin ng Diyos. Masaya na ako sa minamahal ko at mamahalin ko nang sobra. Kaya sa tingin ko, okey na yung hindi na kami magkabalikan ni Jake at maging friends na lang kami," saad ni Roxanne.
ROXANNE'S NEW BOYFRIEND. Non-showbiz guy ang ipinalit ni Roxanne kay Jake, pero ayaw niyang banggitin ang pangalan nito.
"Kasi hindi naman siya taga-showbiz kaya respeto na lang natin sa kanya. Tahimik po yung pamilya niya, saka respetado yung pamilya kaya nakakahiya naman kung ipa-publicize pa," paliwanag niya.
Hindi ba nag-react ang boyfriend niya na makakatrabaho niya si Jake?
"Malaki ang respeto ng boyfriend ko sa akin," sabi ni Roxanne. "Ang tiwala niya sa akin malaki rin kaya kahit hindi niya ako kasama, alam niyang wala siyang dapat ipagalala. And ganundin naman ako sa kanya, malaki rin ang respeto at tiwala ko sa kanya."
Kung halimbawang magkita si Jake at ang bagong boyfriend ni Roxanne ay ipapakilala naman daw niya ang dalawa sa isa't isa.
"Siguro naman hindi magiging masama kung i-introduce ko yung boyfriend ko kay Jake, at magiging proud pa ako na i-introduce siya. And hindi naman bastos si Jake para bastusin niya yung boyfriend ko. At ganundin yung boyfriend ko sa kanya," aniya.
ADVICE FOR MELISSA RICKS. Sa ngayon, ang sinasabing apple of the eye ni Jake ay si Melissa Ricks, na nagkataong kaibigan ni Roxanne. Pinadadalhan nga ni Jake ng food at flowers si Melissa sa condo unit nito sa Greenhills.
Aware naman si Roxanne dito kaya pinapayuhan niya si Melissa.
"Si Melissa, baby namin 'yan, ng grupo namin. Siyempre, bilang ate or ano, sabi ko sa kanya, 'Basta ingatan mo yung damdamin mo, huwag kang gagaya kay Ate Rox.' Kahit naman noon, e, kahit hindi pa siya nali-link kay Jake, ganundin naman ang sinasabi ko sa kanya.
"Baby pa 'yang si Melissa and I'm sure ayaw pa ng mommy niya na makipag-boyfriend siya. Pero kung anuman ang magiging desisyon niya, desisyon niya yun, e. Kumbaga, ma-in love man siya kay Jake, wala na akong magagawa."
