"Si Ai-Ai kasi, ang tagal na ng friendship namin. Usaping pera, 'yan, ganung kalalim na yung friendship namin ni Ai-Ai... Si Mega, yung pagiging Megastar niya, tapos ipinapakita niya sa iyo yung value mo bilang tao, bilang direktor, sobra-sobra na yun," says director Wenn Deramas (right) about Ai-Ai delas Alas (left) and Sharon Cuneta (middle).

Photo: Noel Orsal

Wala raw sinasabi ang Star Cinema na may special appearance si Gabby Concepcion sa Mother's Day movie nitong BFF (Best Friends Forever), na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta at Ai-Ai delas Alas. Showing na ang BFF sa May 13.

Ito ang nilinaw sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ng director ng BFF na si Direk Wenn Deramas sa presscon na ginanap sa Dolphy Theater ng ABS-CBN kahapon, April 27.

"Hindi ko nga alam kung saan galing 'yan e. Hindi ko talaga alam 'yan. Ang tanong ko lang, saan ko siya ilalagay sa pelikula?" pahayag ni Direk Wenn.

Pero kung bigla ngang sabihin ng Star Cinema na may special appearance si Gabby, okay lang ba sa kanya?

"Of course," sagot ng direktor. "Sino ba naman ang tatanggi sa Gabby Concepcion? Iisipin ko lang kung saan ko siya ilalagay. Kasi natapos ko na yung ending. Ang hindi ko na lang nakukunan ngayon yung mga sundot-sundot na mga eksena."

So, imposible na bang pumasok pa sa pelikula si Gabby?

"Hindi naman siyempre imposible kung appearance lang naman. Aaralin ko lang kung saan siya puwede."

BFF, THE MOVIE. Samantala, very excited naman si Direk Wenn sa BFF dahil bukod nga sa dalawang bigating bida na sina Sharon at Ai-Ai, bagong elemento raw ng comedy ang ipakikita nila sa movie na ito.

"Nung kinonceptualize kasi ito, sabi ko, 'Anong klaseng comedy ang gusto n'yo?' Sabi, realistic daw dahil si Sharon ito. Tapos sumunod, sabing ganyan dapat si Ai-Ai, Tanging Ina, comedy pa rin. 'Okay, Tanging Ina is cartoons, anong klaseng cartoons level tayo ngayon?' So, hinihimay namin. 'O, ngayon, walang bawian ha,' sabi ko.

"Ngayon nung habang nagsu-shoot na, sabi nila, 'Wenn kailangan pa rin namin ng cartoon-kartunan na ano mo.' So, nag-i-inject ako. Pero hindi naman siya isang buong pelikulang ganun. Seryoso ito, e. Kung titingnan mo yung istorya nito, seryoso ito. Tungkol ito sa isang babae na malaki, na napapabayaan ng asawa na may kabit. Ang kabit, si Ai-Ai. Si Ai-Ai kasi yung the funny, the sexy, magaling sa sex. So, nagsimula si Mega na mag-workout. Yung kanyang instructor is si Ai-Ai, not knowing na yun ang kabit ng asawa niya. Naging mag-best friend na sila nung malaman ni Sharon yun.

"Grabe yung laitan nilang dalawa rito. Yung ipinapakita sa trailer, wala pa yun, grabe talaga, pero matutuwa kayo. Kaya nga nung ibinigay sa kanilang dalawa yung script, ayaw ni Ai-Ai. Sabi ni Ai-Ai, 'Direk OA (overacting) na ito.' Sabi ko, alam ni Mega 'yan. Tapos sabi ko, sige harapan tayo, parang ayaw niyang maniwala na okay kay Mega, e. Sabi ni Mega, 'Mas maiinsulto naman ako pag tinawag mo akong payat.' Basta yun ang maganda sa kanya, napakinabangan niya yung... Sabi nga niya, 'Naging pera pa yung taba ko, kasi may pelikula,'" mahabang kuwento ni Direk Wenn sa PEP.

Ilang shooting days na lang para matapos ang movie?

"Five days na lang. Pero konti-konti na lang. Yung butal-butal na lang."

Ano ang ginawa niya para maging fair ang exposure nina Sharon at Ai-Ai?

"Directive 'yan talaga ng Star Cinema. Kailangan walang magrereklamo sa exposure. Kaya nga, originally, ang alam natin kay Sharon bilang dramatista. Yung comedy niya, may nagko-comedy for her, kunwari may Andrew E na gumagawa ng comedy for her. Ako, initially, ang ano ko, bigyan siya ng kabatuhan, who is Chokoleit nga at si Joy Viado. But it turned out na tumatayo si Mega, binigay ko sa kanya, inalis ko yung dalawa. Kasi tumatayo siya bilang komedyante, e. May timing si Mega. Kaya niyang bumato, nakakatawa siya."