"Si Ai-Ai kasi, ang tagal na ng friendship namin. Usaping pera, 'yan, ganung kalalim na yung friendship namin ni Ai-Ai... Si Mega, yung pagiging Megastar niya, tapos ipinapakita niya sa iyo yung value mo bilang tao, bilang direktor, sobra-sobra na yun," says director Wenn Deramas (right) about Ai-Ai delas Alas (left) and Sharon Cuneta (middle).

Photo: Noel Orsal

"Directive 'yan talaga ng Star Cinema. Kailangan walang magrereklamo sa exposure. Kaya nga, originally, ang alam natin kay Sharon bilang dramatista. Yung comedy niya, may nagko-comedy for her, kunwari may Andrew E na gumagawa ng comedy for her. Ako, initially, ang ano ko, bigyan siya ng kabatuhan, who is Chokoleit nga at si Joy Viado. But it turned out na tumatayo si Mega, binigay ko sa kanya, inalis ko yung dalawa. Kasi tumatayo siya bilang komedyante, e. May timing si Mega. Kaya niyang bumato, nakakatawa siya."

FRIENDS WITH SHARON. Since first comedy film nila ito ni Sharon, ano yung best quality na nakita niya kay Sharon habang ginagawa ang movie na ito?

"Na sobrang game siya. Minsan nga pag pinapanood ng taga-Star Cinema yung rushes, tinatanong nila, 'Direk, paano mo napapayag si Sharon?' Kasi katulad na lang nung eksena sa bus na madi-discover niya kung sino ang kabit ng asawa niya, pagkatapos ng eksena, sinabi sa akin ng AD [assistant director] ko, 'Direk, delikado pala yung ginawa ni Mega na yun, no?' Sabi ko, 'Oo nga,' tapos natawa lang ako.

"'Yan ang laging tanong nila kung paano ko raw napapayag si Sharon. Sabi ko, sinasabi ko lang, tapos ginagawa naman niya. Ganyan ka-professional si Sharon. Ang hindi kasi alam ng mga tao, magkaibigan kami talaga ni Sharon bago pa namin ginawa ito."

Paano ba sila naging magkaibigan ni Sharon?

"Nag-guest kasi ako one time sa Sharon [show ni Sharon sa ABS-CBN]. Nagbigayan kami ng numero. Simula noon, hindi na nag-stop."

Ano ang naging reaksiyon ni Sharon nang malaman niya na may kinalaman ang role niya sa BFF tungkol sa pagiging mataba?

"Diniskas namin sa kanya. Kasi siyempre, Megastar ito. At sobra akong natuwa nang sabihin niya na, 'Direk, totoo naman e.' Pero ang sabi niya, 'Pero magpapapayat ako.' Kaya yun naman ang nagiging problema ko sa continuity nito. Kasi tingnan n'yo ha, yung first shooting day namin na magtutulak siya ng kotse, ang laki niya. Nung kinunan ko recently yung tulak na, ang liit niya. So, talagang ang nangyayari sa amin ngayon, nasa-sandwich yung size niya."

AI AI AND SHARON AS HIS BFF. Paano niya ide-describe si Ai-Ai bilang BFF niya sa totoong buhay?

"Ay, grabe! Sabi ko nga sa iyo e, kahit anong oras... Kunwari, tawagan mo, nandidiyan. Kunwari may dinaramdam akong something, magugulat ka na may ibibigay siya sa iyo, kunwari paborito ko pulvoron ng Goldilocks, tapos may kasama pa 'yong iba. Ibig sabihin, hindi ako nagsasabi sa kanya. Inaalam niya through my friends."

How about Sharon?

"Ang nakakagulat kay Sharon, eto naman...ewan ko, sobra talaga ito. Nagkakakuwentuhan over dinner, kain, kain. Sabi niya, 'Direk, ano ang paborito mong pagkain?' Tapos naalala ko, merong tinapay sa Cagayan de Oro, na sa Cagayan de Oro mo lang mabibili, yung pastel. Tinapay siya na sobrang sarap na may yema sa loob. Sabi ko kay Mega, to die for. Tapos sumunod na shooting namin, five boxes ng pastel! Nagpapunta siya sa Cagayan, balikan, airport to airport. Bumili lang yung tao para dalhin sa akin.

"Tapos sasabihin niya pa sa akin, 'Direk, anong mga pelikula mo ang wala ka?' Kasi alam niya nagko-collect ako ng mga DVD, na original, ha, hindi pirated. Tapos nung sinabi ko, in-order niya. Ano yun, The Promise at The Heiress. Tapos bago pa 'yan, first day ng shooting, lahat ng artista may binili siyang unan, plus electric fan, yung initan ng tubig na sinasaksak mo lang. Ultimo extension cord, kumpleto ang bawat cast. Kasi gusto niya comfortable kaming lahat."

Bilang mga kaibigan, ano ang best na nagawa nina Sharon at Ai-Ai para sa kanya?

"Si Ai-Ai kasi, ang tagal na ng friendship namin. Usaping pera, 'yan, ganung kalalim na yung friendship namin ni Ai-Ai. Si Mega, susubukan ko pa lang, charos!" biro ni Direk Wenn.