Kinumpirma ni Megastar Sharon Cuneta na tatakbo bilang Vice President ng Pilipinas ang kanyang asawang si Sen. Francis "Kiko" Pangilinan sa 2010 elections. Inihayag ito ni Sharon kaninang hapon, April 27, sa presscon ng BFF (Best Friends Forever), ang Star Cinema movie nila ni Ai-Ai delas Alas.
"Yes, as Vice President. It makes me very scared but excited for him at the same time," pahayag ni Sharon nang madalian siyang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press pagkatapos ng presscon. Nagmamadali kasing umalis si Sharon dahil sa paghahandang ginagawa nila para sa wedding aniversary nila ni Sen. Kiko.
WEDDING ANNIVERSARY. Bukas, April 28, ay ise-celebrate nilang mag-asawa ang kanilang ika-13th wedding anniversary. Kaya naman naitanong tuloy ng PEP kung ano ang gagawin nila sa kanilang anniversary.
"Ikukuwento ko na lang after. Actually, hindi ko rin alam, e. Surprise daw sa akin," sabi niya.
May ibinigay na bang gift sa kanya si Kiko?
"Wala pa nga. Surprise daw."
Ano ang na lang ang wish niya for their anniversary?
"Sana not only another 13 years. Sana matagal na matagal, forever na kasama ko na siyang tumanda."
JUDAY AND RYAN WEDDING. Hindi nakaligtas si Sharon sa tanong tungkol sa magaganap na kasal ng mga kaibigan niyang sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.
May participation ba siya sa wedding nina Ryan at Juday?
"Of course, I'm maid of honor."
Kailan ba talaga ang kasal ng dalawa?
"Secret."
Ano na lang ang wish niya for Juday and Ryan?
"I wish, and I will pray for it, that they stay this happy, as happy as they are now, for the rest of their lives, every single day for the rest of their lives."
Nakabili na ba siya ng gift para sa dalawa?
"Tatanungin ko pa sila kung ano ang gusto nila."
ADOPTING ANGEL. Very vocal si Sharon na gusto niyang "ampunin" si Angel Locsin. Ano ba ang ibig sabihin niya rito?
"Yeah! When I say gusto kong ampunin, gustung-gustung-gusto ko talaga. In Angel's case, nami-miss ko lang yung paglalambing ng anak. Kasi my daughter [KC Concepcion] is busy. Natutuwa lang ako sa bait ni Angel na she goes out of her way for me. Wala naman siyang gamit sa akin, di ba? Natutuwa lang ako," sabi ni Sharon.
Si Ai-Ai ba gusto niya ring ampunin?
"Hindi, magpapa-ampon ako kay Ai!"
BFF. Aminado naman si Sharon na talagang nag-enjoy siya with Ai-Ai sa paggawa ng pelikula nilang BFF (Best Friends Forever). Matagal na raw niyang pangarap na makasama si Ai-Ai pati na ang direktor nilang si Wenn Deramas. Natupad nga ito sa tulong ng Star Cinema.
"Sobra akong nag-enjoy sa paggawa ng movie namin ni Ai-Ai. Promise po, ang dami kong ginawa na hindi ko ginagawa sa ibang pelikula ko. Sobra akong enjoy. To work with Ai-Ai is really a dream come true. Napakasayang pelikula po nito. May 13 po ito. May 12 ang premiere night sa SM Megamall."