"Alam n'yo, dalawampung taon na ako dito. Pero sa tingin ko ay panahon na din para magbigay at mag-alok ako ng konting panahon para sa aking personal na buhay. Kasi kapag wala na akong ngipin at saka hindi na ako makalakad ay hindi naman kayo ang kasama ko kung hindi siya [Mar]. So, kailangan may puhunan sa relasyon na 'yan," says veteran broadcaster Korina Sanchez about her decision to help Senator Mar Roxas in his presidentail bid.

Photo: Noel Orsal

Pormal nang nagpaalam kaninang umaga, May 8, si Korina Sanchez sa kanyang dzMM radio morning program na Tambalang Failon at Sanchez, upang mag-leave ng isang taon sa kanyang mga news program sa ABS-CBN at DZMM.

Bukod sa kanyang radio program, magli-leave din si Korina sa kanyang panggabing news program sa ABS-CBN na Bandila. Kaya huling gabi niya na rin mamaya sa late-night news program.

Gayunpaman, ayon sa report, patuloy pa ring magho-host si Korina sa kanyang weekly ABS-CBN magazine show na Rated K, na napapanood tuwing Linggo ng gabi, dahil lifestyle show naman daw ito.

Ang pamamaalam ni Korina ay bunga na rin ng gagawin niyang pagsuporta sa kandidatura ng kanyang fiancé na si Senator Mar Roxas, na tatakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas sa 2010 elections. All- out ang support ni Korina kay Sen. Mar matapos nilang kumpiramahing dalawa ang kanilang engangement sa ABS-CBN noontime show na Wowowee last April 18.

Sa nakuhang impormasyon ng PEP, dahil sa pagli-leave na ito ni Korina, mawawala na sa ere ang programang Tambalang Failon at Sanchez sa dzMM, na napapakinggan tuwing 8:30 a.m. hanggang 10:30 a.m. araw-araw. Bukod kasi sa pagli-leave ni Korina, hanggang ngayon ay naka-leave pa rin ang co-anchor niya sa programa na si Ted Failon, matapos ang misteryosong pagkamatay ng kanyang asawang si Trina Etong.

Ang mangyayari tuloy sa programming ng dzMM simula sa Lunes, May 11, ay mae-extend ng isang oras ang Dos Por Dos nina Gerry Baja at Anthony Taberna. From 7:30 a.m. to 8:30 a.m. ay magiging 7:30 a.m. to 9:30 a.m. na ito. Ang mababakanteng isang oras ay papasukan naman ng bagong programa nina Pinky Webb at Ricky Carandang.

Mawawala naman ang panghapong edisyon ng Dos Por Dos, 5:30 p.m. to 6:30 p.m., at papalitan ito ng bagong programa ni Cheryl Cosim. Mapapanood din ang mga bagong programang ito sa DZMM Teleradyo sa Skycable Channel 26.

FAREWELL MESSAGE. Sa kanyang farewell message sa DZMM, sinabi ni Korina na mami-miss niya ang kanyang mga programa, pati na rin ang kanyang mga tagapakinig sa radyo at tagapanood sa telebisyon.

"Sa dinami-dami ng natutunan ko sa aking buhay, may nagsasara ng pinto pero mas madami ang bumubukas. I'm not sad that I'm leaving. Well, it's a leave dahil alam ko naman na nasa ibang level na tayo, na kahit hindi tayo magkikita araw-araw ay hindi tayo mapaghihiwalay ng espasyo, distansiya o panahon," pahayag ni Korina.

Hindi raw akalain ni Korina darating ang araw na magpapaalam siya sa kanyang nakagawiang pagtatrabaho, pagbabalita, at pagkokomentaryo sa radyo at telebisyon. Pansamantala lang naman daw ito. Ang mahalaga raw ay nakapagbigay siya ng serbisyo sa publiko sa loob ng 20 taon niya sa industriya.

"Nasanay na ako na sa bawat pagtatapos o pagkakaantala ay dapat na may kasunod na nangyari, ayon sa nakasulat sa ating tadhana. Kaya kung 'yong serbisyo publiko, naibigay ko po sa lahat ng ating mga tagapakinig sa dzMM at tagapanood sa Teleradyo ay nakabigay ng pagkakaiba at kabutihan sa kanilang buhay, sa kanilang kaalamam sa kasiyahan. 'Yon na po ang kapalit ng 20 taong paggising namin nang maaga sa radyo.

"Ito po talaga ang aking pamilya, at dito po, sa palagay ko, sa radyo ako nagkaroon ng behikulo para magbigay ng totoong serbisyo. Totoong pagbabago sa mga tao, at ito ang aking naging behikulo para masabi ko ang mga hindi masabi ng iba," wika pa ni Korina.

FUTURE MRS. ROXAS. Ayon kay Korina, matapos ang 20 taon ng serbisyo-publiko, gusto naman niyang bigyan ng panahon ang kanyang personal na buhay; pati na rin ang relasyon nila ni Sen. Mar.

"Alam n'yo, dalawampung taon na ako dito. Pero sa tingin ko ay panahon na din para magbigay at mag-alok ako ng konting panahon para sa aking personal na buhay. Kasi kapag wala na akong ngipin at saka hindi na ako makalakad ay hindi naman kayo ang kasama ko kung hindi siya [Mar]. So, kailangan may puhunan sa relasyon na 'yan," sabi ni Korina.