"Personally, hindi ko makuha yung the need to go sexy in an indie film. Kasi marami namang projects na nabibigay so far na it doesn't require me to go sexy," says Luis Alandy.

Photo: Courtesy of GMA-7

Hindi naman kataka-taka kung makatanggap ng indecent proposal mula sa gays ang aktor na si Luis Alandy dahil sa kanyang matipunong pangangatawan at morenong kutis.

Kuwento nga ni Luis, may nag-offer daw sa kanya ng tumataginting na P200,000 kapalit ang kanyang katawan sa loob lamang ng isang gabi.

"Nagma-manage siya ng talent. Meron daw siyang friend na gusto lang akong makilala, tapos magbabayad. Sabi ko, 'What do you mean?' Sabi niya sa hotel daw. Minura ko siya, una sa text, tapos nakita ko siya sa Glorietta.

"Sabi ko sa kanya, 'Hindi ako ganung klaseng tao. Hindi ko alam kung ano ang pagkakakilala mo sa akin.' Sabi niya, 'Luis, gusto ko lang magpaliwanag.' Sabi ko, 'Huwag kang lalapit sa akin, babanatan kita!' Two hundred thousand for that lang? Siguro na-mistook niya ako sa mga iba niyang nakakausap," lahad ni Luis sa pakikipag-usap niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Ito ba ang dahilan kay huminto si Luis sa pagpapaseksi? Para huwag na siyang pagnasaan ng mga bading kapag nakikita ang kanyang hubad na katawan?

"Actually, wala akong ginawang pagpapa-sexy. Sa play lang, dun lang. Pero any serious movies na naghubad ako, never," paglilinaw niya.

Ang tinutukoy ni Luis na plays ay ang Penis Talks at Penis Talks 2.

Aniya, "Kasi ano yun, it was challenging sa play to perform like that na naka-brief and may kissing scene pa sa mga lalaki. Kasi I've never done that in my whole lifetime na perform naked, half-naked, and yung magkaroon ng kissing scene sa kapwa ko lalaki.

"So, naging challenge sa akin yun. And I think malaki ang naitulong sa akin ng play para mawala yung mga inhibitions ko. And sa direction of Joel Lamangan, natulungan niya ako in terms of acting. Sobrang naging mentor ko si Direk Joel."

May offer na rin daw siya to go sexy in an indie film, pero hindi niya tinanggap.

"Before, meron, hindi ko na maalala kung bakit ko tinanggihan. Personally, hindi ko makuha yung the need to go sexy in an indie film. Kasi marami namang projects na nabibigay so far na it doesn't require me to go sexy," paliwanag ni Luis.

Kung may Penis Talks 3?

"Ewan ko if we're gonna do another," sabi niya. "'Tsaka if ever naman siguro na gagawin nila yun, siguro mga bago na yung kukunin nila para iba naman sa mata ng tao. Kasi dalawang beses na naming ginawa yun na almost the same cast. And I think yung mga nakasama ko dun, meron na din silang career na iba-iba."

Busy ngayon si Luis sa Sine Novela ng GMA-7, Ngayon at Kailanman, na pinagbibidahan nina Heart Evangelista at JC de Vera.

"Thankful nga ako with GMA-7 na for two years na nakakontrata ako with them, hindi ako nawawalan ng projects. They have given me Impostora, then La Vendetta, then Dyesebel, then Luna Mystika. Tapos ito namang Ngayon at Kailanman. Ang feeling ko, sobrang inaalagaan nila ako," masayang pagtatapos ni Luis.