Hindi inaasahan ng baguhang filmmaker na si Raya Martin ang magandang pagtanggap ng mga Pilipinong manonood sa bago niyang pelikulang Independencia nang ganapin ang Philippine premiere nito kahapon, Hunyo 12, sa Shangrila-EDSA Cinema Complex.
Ang premiere night ay kaugnay ng ginaganap na 14th French Film Festival, kung saan may tribute sa mga pelikulang Pilipino, sa pagdiriwang ng ika-111 Araw ng Kasarinlan (Philippine Independence Day).
Kasamang ipinakilala si Direk Raya Martin at ang prodyuser na si Arleen Cuevas, at ang dalawa sa mga nagsiganap: si Alessandra de Rossi at ang child actor na si Mika Aguilos Burton. Sa dami ng mga dumating na gustong mapanood ang Independencia ay nagpasya ang prodyuser at pamunuan ng cinema complex (through filmfest organizer Mark Macalintal of the French Embassy) na magkaroon ng dalawang screening, sa alas-otso at 9:30 ng gabi.
"Masaya ako dahil maraming pumunta at gustong manood ng pelikula ko," sabi ni Raya, ang batambatang direktor (only in his mid-20s) na binigyan ng grant ng French government para gawin ang pelikula.
"I think this year is a specially great time to celebrate Philippine cinema," sabi ni Macalintal, na nangunguna sa pagbati sa mga Pilipinong filmmaker, tulad nina Raya Martin, Adolfo B. Alix Jr., at Brillante Mendoza na nagwaging Best Director sa 62nd Cannes International Film Festival sa taong ito para sa pelikulang Kinatay (The Execution of P).
On his part, bukod sa Independencia (entry sa Un Certain Regard section ng Cannes Filmfest '09) ay mayroong Manila (Special Exhibition section) na magkatuwang na dinirek nina Raya Martin at Adolf Alix Jr.
TETCHIE ROLE FIRST OFFERED TO VILMA. Marami umanong Vilmanians (Vilma Santos fans) na nagpunta sa premiere night. Gusto nilang mapanood ang pelikula, partikular ang mga eksenang ginawa ni Tetchie Agbayani, na ang papel (bilang ina ni Sid Lucero) ay unang inialok kay Vilma Santos.
"Yes, the role was first offered to her, but [she declined]... nagkaproblema kami sa schedule," pagtatapat ni Direk Raya. "At that time, she was starting to work... yung sa Star Cinema [In My Life]; priority commitment niya, which we understand, kasi matagal na nilang plano yun.
"Nung last naming mag-usap, she [Vilma] really wanted to [do the film]; she really liked the script," sabi pa ni Raya.
Sa sinabing ito ng direktor ay maiisip din, kung nabasa nga ba ni Gov. Vi, at nagustuhan pati ang partikular na eksenang "may ka-sex ang bidang tauhan," na ipapakita (in "graphic detail") bilang tipong "flashbulb memory" ng isang babaeng nawalan ng kabiyak at nalulumbay sa gitna ng pag-iisa, sa gabing malamig?
"Sa original script, meron yun... na ako lang ang nakakaalam," at nangiti si Raya, bago nagpaalam para sa susunod na screening.
FREEDOM AND SURVIVAL. Kinunan nang kabuuan ang Independencia in black-and-white, at balitang gumamit ang direktor at mga kasamahan sa produksiyon ng isang malaking bodega na nagsilbing setting ng kuwento; ginawa itong mistulang gubat na puno ng mga halaman; may bukal sa gitna, mga hayop at abandonadong kubo na naging tirahan ng mga pangunahing tauhan (Tetchie Agbayani, Sid Lucero, Alessandra de Rossi at Mika Aguilos Burton, pati mga ekstrang Amerikano).
Ang panahon ng kuwento ay naganap sa pagsisimula ng ika-20 siglo, nang sakupin ng mga Amerikano ang Pilipinas matapos ang pananakop ng mga Kastila.
Lumikas mula sa kabayanan ang mag-inang Tetchie at Sid, at natutong mamuhay sa gitna ng masukal na gubat. Kung paanong namuhay rin sa ganitong kalagayan ang sumunod na henerasyon (sina Sid at Alessandra, kasama ang kaisa-isang anak na lalaki) ay siyang buod ng kuwento.
May mga pagkakataong ang buhay ng mag-anak, sa gitna ng kagubatan, ay nalipos ng kahirapan, pagdarahop at taggutom, at may banta ng paniniil mula sa mga dayuhan, pero ipinakitang higit na mahalaga ang kalayaan sa anumang pagkakataon at sitwasyon.
Ikinatuwa ni Raya ang interes ng mga manonood sa bago niyang pelikula.






Pero nandoon na respeto at suporta namin kay ate Vi at maging sa pelikula.
Congrats Direk Raya Martin!!!!