Geoff Taylor is one of the finalists in GMA-7's Are You The Next Big Star?. He was part of the first season of ABS-CBN's Pinoy Dream Academy.

Photo: Noel Orsal

Nagulat kami nang umiyak ang Circle of 16 member ng Are You the Next Big Star? na si Geoff Taylor habang kausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa kanyang American father na nagngangalang Jeffrey Taylor.

"Gusto pong mag-stay nung dad ko dito noon. Pero ang nangyari, parang hindi siya pinayagan ng boss nila. Sa Subic po nagkakilala ang father at mother ko, hanggang sa nagsusulatan sila ng ilang taon. And then, nagkaasawa na siya sa Amerika. Kaya meron po akong half-brother at half-sister doon, pero hindi ko pa sila nakikita. Ang mommy ko, hindi nag-asawa ng iba. Sa mother ko, wala akong kapatid, ako lang, mag-isa po ako," kuwento ni Geoff sa presentation ng Circle of 16 ng Are You The Next Big Star? last Saturday, June 13, Skydome ng SM North Edsa.

Binata na si Geoff noong nagkita sila sa unang pagkakataon ng kanyang ama two years ago, nang hanapin ng programang Nagmamahal, Kapamilya ng ABS-CBN ang American father niya at pauwiin dito sa Pilipinas. That time ay nagsisimula na si Geoff na subukan ang kanyang kapalaran sa showbiz sa pamamagitan ng pagsali sa Mossimo Bikini Summit at sa Season 1 ng Pinoy Dream Academy.

Nabigyan ng daan na mahanap at magkaharap sila ng kanyang ama na never pa niyang nakita.

"Mga four days lang kami nagsama, medyo bitin nga po," banggit niya.

Umiyak ang mag-ama sa una nilang pagkikita.

"Hindi ko po ine-expect. Kasi yun nga din ang sabi ng mga kaibigan ko, 'Grabe yung dad mo, umiyak siya...' E, kasi Navy siya, kaya di ba dapat matigas?"

Nang sabihin namin kay Geoff na kamukha niya ang tatay niya, dun na nagsimula ang pagluha nito. At nang tanungin namin ang aspiring singer kung American citizen na siya ay lalong nagtuluy-tuloy ang pag-iyak nito at halos hindi makapagsalita.

"Nilalakad po namin ang papers ko," aniya. "Yung manager ko, may friend siyang producer. Tapos sabi niya, 'Di ba yung alaga mo gusto niyang maging American citizen, gusto niyang maging blue passport? 'Ayan, magpo-produce ako ng concert ng Cueshe sa Guam this coming May 28.' Sabi niya, 'Kung gusto mo, i-front act natin siya. Pero wala siyang TF, pero may visa siya.' Sila po ang nag-aayos. Hindi po siya blue passport, parang tourist visa lang po siya, hindi naman po talaga gig yun.

"Ang reason ko kung bakit pupunta sana ako dun kahit walang TF," patuloy ni Geoff, "para maayos ko nga po. Para malakad na namin yung sa amin ng dad ko, para makapag-DNA na ako. Pero hindi po nangyari dahil nasa mainland po siya, tapos nasa Guam ako, malayo po. Yun yung ikinakalungkot ko, kasi hindi kami nagkita."

Hindi naman daw nagkaroon ng pagkakataon si Geoff na puntahan ang ama niya sa U.S. mainland.

"Wala po akong budget kasi. Yun talaga sana yung pakay ko, and then, walang nangyari," paliwanag niya.

Dahil malayo nga, hindi rin siya napuntahan ng tatay niya. Pero may pangako ito kay Geoff.

"Sabi po niya, 'Kung gusto mo, tutal yung visa mo naman is matagal pa...' Parang mag-iisang taon yung visa ko, e. 'Basta within this year, magkita tayo,' sabi niya sa akin. So okay lang din po para mailakad na din yung gusto kong mangyari."