"Actually, I'm on vacation from school. So, dalawang buwan akong nandito. Summer sa States, di ba? So, I'm off from school and, at the same time, mayroon mga projects. So, I came back to spend two whole months here," says G Tongi.

Photo: Noel Orsal

Balik-Pilipinas at balik-showbiz ang aktres na si G Tongi matapos ang halos dalawang taon ding hindi pag-uwi sa Pilipinas. Huling bumisita sa bansa si G last August 2007 pa.

Matatandaang mid-'90s nang unang makilala sa showbiz si G Tongi. Mula sa pagiging in-demand na commercial model at VJ, mas lalo pang naging active sa kanyang career si G nang mapasama siya sa ABS-CBN Star Circle Batch 1.

Matapos sumikat bilang si Gina sa hit youth-oriented show na Gimik, naging madali na rin para kay G ang pasukin ang pelikula.

Early 2000 nang sandaling iwan ni G ang showbiz para mag-aral sa abroad kung saan nakilala niya si Timothy Walters na pinakasalan niya sa Boracay noong February 19, 2005. Kasunod nito ay nanirahan na sa U.S. si G para bigyang priority ang kanyang role bilang asawa kay Timothy at ina sa dalawa nilang anak na sina Sakura Anne Marie (going on four years) at Kenobi Benjamin (going on two).

Last July 5, ang proud mommy na si G ay nagbalik-Pilipinas para sa dalawang buwang bakasyon bago siya magsimulang pumasok ulit sa University of California Los Angeles (UCLA), kung saan kumukuha siya ng kursong Communication Arts and Film.

BACK HOME. Sa live guesting ni G sa The Buzz last Sunday, July 12, masaya siyang winelcome ng kanyang kaibigan at co-host ng show na si Ruffa Gutierrez.

Matapos ng mga batian, kaagad tinanong ni Ruffa si G kung ano ang dahilan ng kanyang muling pagbabalik sa Pilipinas matapos ang may dalawang taon ding pagkawala.

"Actually, I'm on vacation from school. So, dalawang buwan akong nandito. Summer sa States, di ba? So, I'm off from school and at the same time mayroon mga projects. So, I came back to spend two whole months here," masayang sambit ni G.

Anu-anong projects ang aabangan ng mga tao kay G?

"Guestings. Then I'm doing Maalaala Mo Kaya and I have a couple of things in the works na still in negotiation, you know. Sana matuloy na siya. For sure you'll get to see me," sagot ni G.

ON BEING A MOM. Dumako rin ang interview tungkol sa dalawang anak ni G na sina Sakura at Kenobi. Ayon kay Ruffa, first time ito ni G na bumiyahe with her two kids, na walang kasamang yaya. Mabilis naman itong kinontra ni G sa pagsasabing wala talaga siyang yaya.

"Hindi, Ruffa, wala talaga akong yaya. Ako lang talaga," ani G.

Ikinagulat ito ni Ruffa kaya't naitanong tuloy niya kung paano nagagawa ni G na pagsabayin ang kanyang duties as a mother and wife sa iba pa niyang activities at work?

"Ginagawa ko lang. You know, I wake up in the morning,  naka-schedule na lahat 'yan. Paggising ko, papakainin ko na yung mga anak ko. Tapos off na kami sa gym. After the gym, maggo-grocery na kami. Kasama ko sila all throughout my day. They're my road dogs," biro ni G.

LEADING MEN FOR NEXT PROJECTS. Napag-usapan din nila ang tungkol sa welcome party para kay G na inihanda ng kaibigan niyang si Tim Yap last July 11, kung saan muling nakasama ng aktres ang mga malalapit niyang kaibigan dito sa Pilipinas.