"Napag-uusapan namin 'yon noon pa. Pero feeling ko naman, hindi pa 'yon serious. Usap-usap lang. Wala pa namang proposal na kung anu-ano. Okey lang kasi hindi pa naman ako handa. Marami pa akong gustong gawin sa buhay. Alam ni Joshua 'yon," replies Jopay Paguia when asked about her wedding plans with boyfriend Joshua Zamora.

Photo: File photo

Galing na mismo sa SexBomb member na si Jopay Paguia na na-grant na ang matagal nang hinihintay ng kanyang boyfriend na si Joshua Zamora—ang annulment ng kasal nito sa kanyang estranged wife. Kaya anytime ay puwede nang magpakasal sina Jopay at Joshua.

Pero ayon kay Jopay, wala pa silang pinag-uusapan na kasal ni Joshua, na miyembro ng dance group na Maneouvres. Marami pa raw kasi silang dapat ayusin bago nila pasukin ang mas seryosong  relasyon.

"Ngayon kasi, okey kami ni Joshua. Masaya kaming dalawa. Wala kaming problema," sabi ni Jopay sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Dagdag niya, "Gusto namin na kung sakaling maging serious kami sa pagsasama namin, hindi mawawala ang ganitong set-up namin. Ayoko kasing may mabago, e. Marami akong kilalang mga magsyota pa lang, okey sila. Pero noong mag-asawa sila, doon nagkaroon ng problema. Kaya careful kami. Ayaw naming may mabago sa magandang takbo ng relasyon namin."

Niyaya na ba siyang magpakasal ni Joshua?

"Napag-uusapan namin 'yon noon pa," sagot niya. "Pero feeling ko naman, hindi pa 'yon serious. Usap-usap lang. Wala pa namang proposal na kung anu-ano. Okey lang kasi hindi pa naman ako handa. Marami pa akong gustong gawin sa buhay. Alam ni Joshua 'yon."

Sinabi rin ni Jopay na marami pa siyang obligasyon sa kanyang pamilya. Uunahin muna niya ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya bago ang para sa kanya. Nagpapasalamat siya at nauunawaan naman 'yon ng kanyang boyfriend.

"Breadwinner ako sa pamilya namin, di ba? Marami pa akong gustong gawin for my family bago ako mag-asawa. Gusto kong makabili ng magandang bahay para sa kanila at gusto kong maging maayos ang buhay nila. Gusto ko na kapag dumating na ang panahon na gusto ko nang mag-asawa, nasa ayos ang lahat. Yung tipong wala na akong masyadong iintindihin na mabigat.

"Kaya nga pinagdarasal ko na magawa ko 'yon lahat. Paunti-unti naman ay natutupad na ang mga pangarap ko sa pamilya ko," ngiti niya.

Kung may isang bagay na seryoso si Jopay, iyon ay ang pagtatrabaho. Nagpapasalamat nga siya at tuluy-tuloy pa rin ang kanyang trabaho bilang SexBomb Girl. Kasama ulit siya sa 23rd season ng Daisy Siete na "Chacha Muchacha" sa GMA Dramarama sa Hapon.