PEP EXCLUSIVE: Lorayne Pardo responds to Richard Gutierrez and Annabelle Rama statements

Trisha Alvarez
Monday, July 27, 2009 @ 01:19PM  |  184279 views

Lorayne Pardo (inset, top) to Gutierrez family: "Sa pangako, hindi naman sila naging sincere kasi, wala namang nangyari. Wala silang...sa lahat ng sinabi nila, walang natupad. Walang nangyari, walang nag-materialize, hanggang sabi lang."

 

Her husband, Nomar (main photo), was killed in a car accident last May 22 which involved Richard Gutierrez (inset, middle).

Photo By: Yas Salanga (Lorayne); Noel Orsal (Richard and Annabelle)













Nagsampa na ng reklamo laban kay Richard Gutierrez ang biyuda ni Nomar Pardo para sa "Reckless Imprudence Resulting to Homicide," isang criminal offense na maaaring patawan ng kaparusahang anim na taong pagkabilanggo.

Si Nomar, 41, ay personal assistant ng kilalang aktor na si Richard, 25. Nasawi si Nomar noong Mayo 22, nang ang sports car na minamaneho ni Richard ay lumihis sa highway, bumangga sa isang poste ng kuryente at sa dalawang puno ng niyog, bago tuluyang mahulog sa isang open field sa Silang, Cavite. Tumilapon mula sa kotse si Nomar. Patay na ito nang umabot sa ospital. 

Idinemanda si Richard ng biyuda ni Nomar, si Lorayne Pardo, 29, noong Hulyo 23, sa Imus, Cavite.

Inabot ng dalawang buwan si Lorayne bago nito tuluyang idinemanda ang Kapuso primetime star. Sa isang eksklusibong panayam sa PEP (Philippine Entertainment Portal), noong Hulyo 23 pa rin, sa opisina ng Abbas Law Firm na abugado ni Lorayne, sinabi ng huli na napag-isipan niyang mabuti ang kanyang desisyon.

Ayon sa biyuda, "Kasi ayokong magsampa ng kaso na tuliro ang utak mo. Namatayan ka, tapos ngayon magdedemanda ka. Bakit ako magdedemanda, di ba? Mahirap kasing kumausap ng isang taong tuliro yung ulo, e. Tuliro yung pag-iisip. Kung si Richard, nasa state of shock nung nangyari yun, kami din. Lalo na kami!"

Nawala raw ang tanging breadwinner sa kanilang pamilya. At kahit gustuhin daw nitong siya ang magtrabaho, hindi pa niya maiiwanan ang mga anak—sina Don Enrique, 5, at Ezekiel, 3.

Ang mas masakit pa raw ay tuluyan nang nawalan ng ama ang mga bata. Sa interbyu ng PEP, kapansin-pansin na hindi madaling umiyak si Lorayne. Malumanay ito at matipid sa emosyon at salita. Ngunit kapag ang napag-uusapan ay ang mga bata at ang paghahanap daw ng mga ito sa kanilang "Papa," tuloy-tuloy na ang luha ng ina.

"Siya, madali siyang makapag-move on," patukoy ni Lorayne kay Richard, na pick-up sa sinabi raw sa kanya ng ina ni Richard. Huwag na raw  kausapin ni Lorayne si Richard, sabi ng ina nito, dahil "nakapag-move on" na ang anak.

"Kasi, puwede niyang palitan si Nomar, e," pagpapatuloy ni Lorayne. "Maraming PA na mag-a-apply sa kanya. Kami ba puwede naming palitan? Puwede naming ibalik yung buhay ng asawa ko? Hindi na, di ba? Wala na, e."

ANNABELLE CRIES "BLACKMAIL." "Blackmail" ang katagang binitawan ni Annabelle Rama nang malaman nito ang desisyon ni Lorayne Pardo na idemanda ang anak at talent nitong si Richard Gutierrez. (Click here to read the article.

Ang pakahulugan ng "blackmail" ay panganguwarta, panghuhuthot, o panghihingi ng higit sa nararapat.

Sinabi ni Annabelle sa press, noong ika-22 ng Hulyo, sa party ng yumaong talent manager na si Douglas Quijano: "Alam ko naman na ano lang sa amin, e, parang blackmail. Ang masasabi ko, mahusay ang pag-uusap nila [Richard and Nomar's family]. Actually, wala na kaming karapatan dahil aksidente, di ba? Ang anak ko nag-promise kay Nomar na kung ano ang mangyayari sa kanya in the future, maaalala niya mga anak niya."

Sa PEP, ito ang balik-tanong ni Atty. Ombra T. Jainal, abugado ni Lorayne: "Blackmail? Anong blackmail dito? Unang-una, itong mga biktima, hindi nagsasalita. It's the reverse. It's the opposite. Sila na ang may kasalanan, sila pa ang nagsasalita. Hindi nagsasalita si Lorayne."

Dagdag ni Atty. Jainal: "How can there be blackmail? E, wala nga, hindi na nga siya [Annabelle] kinakausap nito [Lorayne], e. Not even once did Lorayne call her. Nakakapag-usap lang sila kung sila [the Gutierrezes] ang tumatawag. How can there be blackmail?"

"DRIVING RECKLESSLY." Sa paliwanag ng abugado ni Lorayne, sinabi nitong ngayon lang nag-file ng kaso laban kay Richard dahil ngayon lang luminaw ang aksidenteng naganap. Bago raw nito, dahil hindi nakakausap ni Lorayne si Richard, hindi nito alam ang mga pangyayari ng gabing mamatay ang asawa.

1  2  3  4  5  6  Next »

Related Articles

780 Comments Show / Hide Comments
Get showbiz news anytime, anywhere on your mobile! Just type PEP ON and send to 4627.
Available to all Sun, Globe and Smart Subscribers.




NEWS Rewind is PEP's newest addition to its roster of applications. It allows users to search celebrities and view all articles related to that celebrity in chronological order. Research on a particular celeb has never been this easy and practical.
Search Artist by Full Name