"We are not MTRCB. We are not ABS-CBN. We are not KBP. But we are the Aquino family. And for our family, we take Willie's apology for what it is—an apology. And we accept the apology," says Kris Aquino about Wilie Revillame (inset).

Photo: Noel Orsal

Limang araw pagkatapos mailibing ang mga labi ni dating Pangulong Corazon Aquino ay muling nagbalik sa trabaho ang bunsong anak niya na si Kris Aquino sa SNN (Showbiz News Ngayon) kagabi, Agosto 10.  Ang SNN ang late night showbiz-oriented show ng ABS-CBN na hinu-host ni Kris kasama si Boy Abunda.

Bukod sa pagpapahayag ni Kris ng kanyang saloobin at pagsisiwalat ng kanyang mga susunod na hakbang ngayong wala na ang kanyang pinakamamahal na ina, nagsalita rin ang TV host-actress tungkol sa kapwa niya Kapamilya na si Willie Revillame.

Muli na naman kasing nasa gitna ng kontrobersiya si Willie. Ito ay nag-ugat sa pagpapatanggal niya ng live feed ng procession ng paglilipat ng mga labi ni Pangulong Aquino mula sa La Salle Greenhills patungo sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila, noong Agosto 3.  Marami ang hindi nagkagusto sa paraan ng pagsasabi ni Willie na tanggalin ang live feed ng cortege habang umeere ang hinu-host niyang noontime show na Wowowee. (Click here to read related story.)

Maging ang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board na si Ms. Consoliza Laguardia ay hindi nagustuhan ang ginawa ni Willie. Ayon sa MTRCB Chair, nilabag ni Willie ang broadcast code of ethics ng Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at ang Sec. 3 ng Presidential Decree 1986—"being objectionable and contrary to good customs and tradition."

Ilang grupo rin ng mga mamamahayag—National Press Club at Alyansa ng Filipinong Mamahayag (Afima)—ang kumondena sa naging pahayag ni Willie. Samantalang may mga online petition na rin sa Internet upang i-ban ang TV host sa telebisyon. (Click here to read related story.)

Subalit para sa pamilya Aquino, ayon kay Kris, pinapatawad nila si Willie sa ginawa niya.

Narito ang buong pahayag ni Kris sa SNN kagabi tungkol kay Willie:


THE AQUINO FAMILY SPEAKS UP. "First of all, Friday [August 7] ko lang nalaman lahat," simula ni Kris. "Hindi natin alam kung ano ang mga nagaganap, kasi nandun ka sa sitwasyon na 'yon [pagyao ni President Aquino]. Friday, it so happened na mag-aayos kami ng mga gamit ng Mom sa Times [Street, tahanan ng mga Aquino]. So si Ate Ballsy [panganay sa magkakapatid] at Pinky [pangalawa sa pinakamatanda] went to the house.

"So I said... Thursday night [August 6] kasi nakausap ko si Willie. Pero vague, I mean, hindi klaro. So, Friday namin pinanood sabay-sabay sa YouTube [yung statement ni Willie sa Wowowee]... We didn't really get to talk about it much kasi nagpunta na kami ng Times at nag-ayos na kami ng mga things ni Mom.

"But on our way—so this is Friday—Willie asked, 'Puwede ko bang makausap yung mga kapatid mo?' So, kinausap niya si Pinky. Si Pinky yung una niyang nakausap. And then, sinabi ni Willie sa kanya na nagsu-sorry siya talaga. What Pinky said was, 'Alam mo, napanood namin at nakikita naman namin na hindi yung intensiyon ang masama. Yung pamamaraan ng pagsabi no'n ang puwedeng maka-offend sa ilan. Pero Willie, naiintindihan ka namin.'

"Sorry siya nang sorry kay Pinky, and Pinky said, 'As far as I am concerned Willie, it's finished, let's move on. Okay, we accept your apology.'

"Sunday [August 9], nagla-lunch kami, nag-text si Willie and he said, 'Puwede bang makausap ko kayong lahat?' So, feeling ko naman, in our family, si Ate ang dapat makausap niya talaga. So, I gave Ate the phone. Again, Willie explained and said he was sorry.

"TINATANGGAP NAMIN ANG APOLOGY MO." "This is the part I would like to share with everybody," patuloy ni Kris, "I got certain text messages before coming here na kung ide-defend ko daw si Willie, parang binastos ko na ang Mom. Gusto ko lang pong sabihin sa inyo na Willie can very well defend himself. Pero ito po ang namagitan between him and our family.

"Nung nagsu-sorry si Willie kay Ate, I didn't even know this, Boy... Sinabi ni Ate sa kanya, 'Alam mo Willie, nung time na nagkaroon ng problema yung puso mo, we were here—in Ate's house dun sa lanai—kakakain namin ng dinner, naka-on yung TV sa TV Patrol. Niyayaya na namin si Mom na pumasok sa kuwarto kasi time na para mag-rosaryo.' Kasi every night, sabay-sabay silang nagpe-pray. And then Mom said, 'Wait, I want to know kung kumusta si Willie.' And then, Ate told Willie, 'Alam mo, Mom really loved you. She really appreciated the fact na ang bait mo sa mga anak ni Kris.' And sinabi ni Ate sa kanya, 'Willie, as far is our family is concerned, nag-sorry ka na, tinatanggap namin ang apology mo.'

"We are not MTRCB. We are not ABS-CBN. We are not KBP. But we are the Aquino family. And for our family, we take Willie's apology for what it is—an apology. And we accept the apology.

"Wala po sa kamay namin ang mangyayari in the future. Pero I can speak on behalf of myself, my sisters, and my brother, we accept his apology."