"For the first time, sumasama talaga ako sa pag-promote ng Kimmy Dora. Gusto ko talagang mapanood ng marami ang movie na ito dahil magaling si Uge dito. Hindi lang kasi isa kundi dalawang Eugene Domingo ang kaaaliwan nila sa movie," says director Joyce Bernal.

Photo: Noel Orsal

Hindi nahihiyang humingi ng tulong ang lady director na si Joyce Bernal para sa pelikula niya na pinagbibidahan ng komedyanang si Eugene Domingo, ang Kimmy Dora: Kambal Sa Kiyeme, na sa September 2 na ang showing.

Higit pa sa financial investment ni Direk Joyce sa naturang project, which is produced by Spring Films ni Piolo Pascual, mas habol daw niya na masuportahan ng marami ang unang pagbibida na ito ni Eugene.

"Lahat ng paraan para ma-promote namin ang movie na ito ay gagawin ko para kay Uge," sabi ni Direk Joyce sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Kaya nga for the first time, sumasama talaga ako sa pag-promote ng Kimmy Dora. Gusto ko talagang mapanood ng marami ang movie na ito dahil magaling si Uge dito. Hindi lang kasi isa kundi dalawang Eugene Domingo ang kaaaliwan nila sa movie."

Bilib kasi si Direk Joyce sa pagiging mahusay na artista ni Eugene, kaya sumugal sila para sa first starring role nito. Ilang beses na nga kasing nagkatrabaho sina Direk Joyce at Eugene kaya alam ng direktor ang kalibre nito. Ilan sa mga pelikula at TV show na pinagsamahan nila ay ang mga sumusunod: Pagdating ng Panahon, Paano Kita Iibigin, at Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.

Natutuwa nga si Direk Joyce dahil alam niya ang mga pinagdaanan ni Eugene bago nito marating ang kinalalagyan niya ngayon.

Ani Direk Joyce, "Ang maganda kasi kay Uge, nagsimula talaga siya sa pinakamaliit na role sa pelikula. Kahit na legitimate stage actress na siya noon pa sa University of the Philippines, tumanggap pa rin siya ng mga small roles, at minsan parang extra lang siya.

"Sabi ko nga, ilan lang ang mga tulad ni Uge na gano'n ang naging simula. Humble beginnings nga kung tawagin, di ba? Doon mo makikita ang development niya bilang isang tao. Nandoon ang tiyaga sa pagkatao niya.

"Kita n'yo naman ang naging resulta ng pagtitiyaga niya. Bukod sa award-winning actress na siya, sunud-sunod pa ang mga magagandang projects niya sa TV, pelikula, at may commercials pa siya. Mapa-comedy or drama, kaya niya, e. Kaya ibang klase siyang artista. She deserves a movie of her own."

ONE AND ONLY CHOICE. Ayon kay Direk Joyce, hindi raw niya itutuloy ang paggawa ng Kimmy Dora kung hindi rin lang si Eugene ang kanyang bida. 

"Noong i-conceptualize namin ang istorya, si Uge talaga ang nasa isip ko. Nasabi ko nga na kung hindi rin lang si Uge, huwag na nating gawin. Kasi para sa kanya talaga ito. Kaya noong sabihin namin sa kanya, hindi na nagdalawang-isip pa si Uge. Gagawin daw niya kahit busy siya. Talagang siningit niya sa busy schedules niya ang shooting nito, kaya bilib ako sa determinasyon at sipag ng babaeng 'yan."        

Handa pa rin naman daw na tumanggap si Eugene ng supporting roles kahit na maging big hit ang Kimmy Dora. In fact, ayon kay Direk Joyce, may tinanggap na raw itong pelikula kung saan support siya sa isang artista.

"Ang true artist naman, hindi namimili," sabi ng direktora. "Big or small role, pare-pareho lang. Nasa paraan ng pag-perform mo 'yan. Tulad nga ni Uge, dedicated siya sa pagiging professional na artista."

Dagdag pa ni Direk Joyce, si Eugene mismo ang pumili kay Dingdong Dantes para maging leading man niya. Noong ginagawa pa raw nila ang GMA-7 primetime series na Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, request na talaga ni Eugene na si Dingdong ang maging leading man niya.

"Sabi ni Uge, may nararamdaman daw siyang chemistry with Dong. Kaya pinagbigyan ko siya at okey naman kay Dong. In fairness, bumagay naman sila sa pelikula. Todo-bigay si Uge sa mga eksena niya with Dong. As in, wala siyang hiya kapag si Dingdong ang kaeksena niya!" natatawang pagtatapos ni Direk Joyce Bernal.



Courtesy of Spring Films