"Sa akin, ang nasa puso ko talaga ay tumulong sa mga tao. Katulad ngayon, huwag daw [akong] sumali sa mga MILF [Moro Islamic Liberation Front] peace talks. Sabi ko, 'Hindi, tutulong ako.' Sabi, 'Baka may mangyari sa iyo.' Hindi ako natatakot kasi ang puso ko ay hindi nararamdaman ng iba kung gaano ko kamahal ang mga Pilipino," says Manny Pacquiao.

Photo: Noel Orsal

uling nagbabalik ang GMA-7 sa paggawa ng sitcom sa pamamagitan ng Show Me Da Manny, na pinagbibidahan ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at ng bagong Darna, si Marian Rivera.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Manny sa presscon ng Show Me Da Manny kagabi, August 18, sa Jimmy's restaurant, Timog Ave., Quezon City.

Ano ang feeling niya na sa muling pagbalik ng GMA-7 sa paggawa ng sitcom ay siya ang kinuhang bida?

"Okay naman, masaya. Nagpapasalamat ako sa GMA sa pagbibigay sa akin ng show na ito," sambit ng Pambansang Kamao.

Noong unang inalok sa kanya ang sitcom na ito, tinanggap niya ba agad o nagdalawang-isip siya?

"Hindi ako nagdalawang-isip. Tinanggap ko kaagad."

Ayon kay Manny, hindi siya nahirapan sa sitcom role niya dahil bukod sa boxing ang tema ng show, siyang-siya ang role na ginagampanan niya as Manny Santos.

"Ako dito, ano ako e, isa akong may-ari ng gym na nagtuturo ng boxing. Isa akong trainer dito. Sa ugali, pareho lang. Kung ano yung natural ko, inilalabas ko," sabi niya.

Handa na ba silang patumbahin ang kalabang show in terms of ratings?

"Alam mo, ang mahalaga sa amin ay makapagbigay ng saya sa mga manonood. Yung ratings, parang bonus na lang 'yan, e. Basta kami nag-e-enjoy kami sa ginagawa namin at sana mag-enjoy rin ang mga tao sa panonood nito."

MARIAN RIVERA & THE CAST. Makakapareha ni Manny sa Show Me Da Manny ang tinaguriang "Primetime Queen" na si Marian Rivera, na talaga namang humahataw sa ratings ang pinagbibidahan niyang primetime show na Darna. Ano ang masasabi niya kay Marian bilang bago niyang kapareha?

"Okay, okay, maganda at magaling umakting. Alam mo, si Marian, magaling yung memory niya e. Madali niyang makabisado yung mga line niya. Ano siya, natural na komedyante. Kahit hindi siya nagpapatawa ay matatawa ka."

Pinapili ba siya ng GMA kung sino ang makaka-partner niya rito? May say rin ba siya sa pagpili ng cast members?

"Ang GMA ang pumili ng lahat ng cast," sagot niya.

Kumusta namang katrabaho ang kanyang nanay na si Mommy Dionisia, na may special role sa Show Me Da Manny?