[x]

 

United Nations Children's Fund (UNICEF) Philippine Ambassador Gary Valenciano gave not only toys to the children of the families affected by Typhoon Ondoy in Brgy. Silangan, Quezon City, but also words of hope. "Kung masipag ka, kahit na anong pagsubok ang dumating sa inyo, kayang-kaya n'yong gawin," Mr. Pure Energy Gary V said to the children. UNICEF and Gary also donated relief goods to the families of the children.

Photo: Rommel R. Llanes

Patuloy ang pagdami ng mga artistang tumutulong sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Pero ang isang katulad ni Gary Valenciano, halos 11 years nang ginagawa ang pagtatabi ng oras upang makatulong sa mga nasalanta, lalo na sa mga bata.

At muli, pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Ondoy, nagtabi na naman ng oras si Gary para gampanan ang inakong responsibilidad na ibinigay sa kanya ng United Nations Children's Fund (UNICEF) labing-isang taon na ang nakararaan—ang pagiging UNICEF Philippine Ambassador.

Kaninang hapon sa Bagong Silangan Elementary School sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City—kunsaan pansamantalang naninirahan ang mahigit apat na raang pamilyang apektado ng bagyong Ondoy—pinangunahan ni Gary ang pamimigay ng relief goods, mga laruan at pagbibigay ng pag-asa sa mga batang galing sa mga pamilyang naninirahan sa paaralang iyon.

Nagkuwento pa si Gary sa harap ng mga bata kung paanong nagkaroon siya ng sakit ng diabetes sa edad na 14, kung paanong sinabihan siya ng doktor niya noon na hanggang 44 years old lang ang itatagal ng buhay niya, at kung paanong napanagumpayan niya ang sakit na dapat sana'y kumitil na sa buhay niya.

"Alam nyo ba kung ilang taon na ako ngayon?" tanong ni Gary sa mga batang nakikinig sa kanya. "45 years old na ako."

Pinatunayan ni Gary na mali ang naging hatol sa kanya ng doktor niya noon dahil hanggang ngayon nga ay buhay siya sa tulong na rin ng kanyang sipag sa paggalaw at sa modernong gamot laban sa diabetes. Kaya nga raw "Mr. Pure Energy" ang tawag sa kanya ay dahil sa walang-tigil at sipag niyang gumalaw.

"Dahil kung masipag ka, kahit na anong pagsubok ang dumating sa inyo, kayang-kaya nyong gawin," paglalahad niya pa sa mga bata.

Ipinakita pa ni Gary ang nakakabit na aparato sa kanyang katawan na siyang nagmo-monitor sugar level niya at nagbibigay ng gamot sa kanyang katawan. Natulala ang mga bata nung ipinakita ni Gary ang aparato niyang iyon.

Sa interview sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) bago ang pakikipag-usap niya sa mga bata, sinabi ni Gary na matagal na siyang sumusuporta sa UNICEF sa pamamagitan ng pagbibigay ng fund raisers para rito.

"Until 1998...1997, they asked me to be a part of, officially, UNICEF as a national ambassador," kuwento ni Gary sa PEP.

Sa kabila ng pagkakaroon ng sakit na diabetes, pagiging showbiz personality at pagkakaroon ng mga shows, may oras pa rin daw siya para sa UNICEF, lalo na sa mga nangangailangan na mga bata.

"You cannot put to words doing things like this... It's something that I enjoy doing, it's something  that I've seen the effect of..."

Ayon kay Vanessa Tobin, Country Representative ng UNICEF, pinili raw nila noon pa man si Gary bilang kanilang Philippine ambassador dahil sa positibong energy na ibinibigay nito sa mga Pilipino.

"He is so popular, he is so pure of energy, positive energy. And that's what people, especially in these depressing times, want to hear. And when Gary talks, people listen. He just emits that positive energy everyone needed, especially in these trying times," sabi pa ng British-national na head ng UNICEF sa Pilipinas tungkol kay Gary.