(From left) Kapuso star Richard Gomez, boxing champ Manny Pacquiao, and Sen. Bong Revilla will all run in the 2010 elections. As a result, they will have to momentarily take a leave of absence from their respective shows to focus on their campaign.

Photo: Melo Balingit (Richard) & Noel Orsal (Manny & Bong)

Sa November 30 na ang deadline ng filing of candidacy ng mga nagnanais tumakbo para sa 2010 elections.

Sa ganitong pagkakataon, apektado ang mga programang tinatampukan ng mga artistang nagbabalak kumandidato. May ruling kasi ang Commission on Elections (Comelec) na nagbabawal sa mga artistang kakandidato na lumabas sa regular TV shows sa panahon ng kampanya. Dahil dito, kinailangang gumawa ng paraan ng network para hindi maapektuhan nang husto ang kanilang programa.

Kanina, November 10, ay nagpatawag ng luncheon meeting ang executives ng Entertainment TV ng GMA-7, sa pangunguna ng senior vice president Ms. Wilma Galvante, para sa mga piling entertainment editors and writers. Dito ay ipinaliwanag ang mga hakbang na gagawin ng network sa mga artista nilang kakandidato sa 2010 elections na may mga programa sa kanila. Kasabay na rin nito ang paglalatag ng mga programa nila sa pagtatapos ng 2009 at para sa unang bahagi ng 2010.

KAPUSO STARS IN 2010 ELECTIONS. Ayon kay Ms. Galvante, limang Kapuso stars na may existing shows ang nagbabalak tumakbo sa 2010 elections—Manny Pacquiao bilang congressman sa Saranggani Province, Richard Gomez bilang congressman sa Ormoc City, Bong Revilla na tatakbong muli bilang senador, at sina Ara Mina at Alfred Vargas na parehong tatakbong konsehal sa Quezon City.

Dahil maganda naman daw ang performance ng sitcom ni Manny with Marian Rivera, Show Me Da Manny, tuloy pa rin ito sa pag-ere. Habang wala si Manny ay iba't ibang big stars daw muna ang magge-guest sa programa linggo-linggo.

Hindi rin mawawala sa ere ang isa pang weekly show ni Manny, Pinoy Records, na hinu-host nila ng basketball heartthrob na si Chris Tiu. Habang wala si Manny, si Chris muna ang solong maghu-host nito.

Nakatakda ring umalis ang grupo ng Show Me Da Manny at Pinoy Records patungong Los Angeles at Las Vegas para gumawa ng episodes doon. Nasa U.S. ngayon si Manny para sa kanyang laban kontra sa Puerto Rican na si Miguel Cotto sa November 15.

Hindi na rin muna matutuloy ang binabalak na show na pagsasamahan sana ni Manny at ng kanyang ina na si Mommy Dionisia Pacquiao. Isa itong morning variety program na may titulong Todo Bigay. Pero itutuloy pa rin daw nila ang project pagkatapos ng eleksiyon.

Si Goma naman ay pansamantalang papalitan ni Dingdong Dantes sa daily game show niyang Family Feud. Dapat sana ay isa rin sa mga host ng StarStruck V si Dingdong, pero dahil siya na nga ang maghu-host ng Family Feud ay ipinalit sa kanya si Dennis Trillo.

Mawala man sandali si Bong sa weekly show niyang Kap's Amazing Stories, isa pa ring Revilla ang papalit sa kanya rito—ang bunsong anak nila ng misis niyang si Lani Mercado na si Ram Revilla. Makakasama ni Ram dito ang dalawa pang child stars. Dahil bata na ang mga host nito ay magiging Kap's Amazing Stories Kids Edition  muna ang title ng programa.

Sa kaso sina Ara at Alfred, magpapaalam na ang characters nila sa Tinik Sa Dibdib at Darna, respectively.

Ayon kay Ms. Galvante, maaari pa ring bumalik sa kanila ang mga artistang ito pagkatapos ng eleksiyon.

"Nakaplano rin yun kung saan sila puwedeng i-cast, lalo na yung sa mga drama. But we just have to follow the policy kesa hindi ka gumalaw," sabi ng lady executive.

CHRISTMASERYE. Bukod sa mga pagbabago sa ilang programa ng GMA-7 kaugnay ng pagtakbo ng ilan sa kanilang mga artista, ibinalita rin ni Ms. Galvante sa press ang mga bubuksan nilang programa sa huling dalawang buwan ng 2009 at sa first quarter ng 2010.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakaroon ng ChristmaSerye ang GMA-7. May working title na Sana Ngayong Pasko, ito ang papalit sa maiiwang timeslot ng high-rating drama series nina Dingdong Dantes at Rhian Ramos na Stairway To Heaven, na magwawakas na sa December 11.