"I love Coco! Ang bait-bait na bata nun. Sobra! 'Tsaka ayun, pinapangarap ko na maging tanyag siya, na maging bankable star siya. Para naman akong nanay, ano ba 'yan?" says Gina Pareño about Coco Martin.

Photo: Noel Orsal

Sa darating na PMPC Star Awards For TV, na gaganapin sa Pagcor Grand Theater sa November 29, ay nominado ang veteran actress na si Gina Pareño for Best Drama Actress dahil sa pagganap niya bilang Lola Gets sa defunct drama series na Tayong Dalawa. Masayang-masaya raw si Ms. Gina sa nominasyong nakuha niya.

"Naku, thank you naman at napansin ulit tayo ng PMPC. Talagang looking forward ako na makasama ulit sila. A-attend ako sigurado. Pero simple-simplehan na lang tayo ng damit. Huwag nang mag-effort-effort ng bonggang damit kasi masyadong magastos. Ang mahalaga, nandoon yung presence mo," sabi ni Gina nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, November 11, sa compound ng ABS-CBN.

Ano ang maituturing niya na pinaka-memorable na eksena niya sa Tayong Dalawa?

"Nung si Coco [Martin, gumanap na apo ni Ms. Gina sa serye] kunwari ay namatay siya sa ambulansiya. Nag-lock jaw ako. Kasi sabi ni Direk [Trina Dayrit], 'O, kayo ha, sa dami ninyo sa eksenang 'yan, Tita, ikaw, iba naman ang akting mo rito. Hindi ka puwedeng papalahaw ng iyak.'

"Ang hirap palang i-akting yung hindi ka iiyak, na hindi ka papalahaw. Yun bang tago na pigil. Mas mahirap yun. Nag-lock jaw ako. Ang tagal bago kami nag-take ulit. Pero siyempre, yun ang ipinapagawa sa 'yong akting. So ayun, ganoon pala yun, nagla-lock jaw ka pala pagpigil," lahad ng beteranang aktres.

Kahit wala na sa ere ang Tayong Dalawa ay may communication pa rin si Ms. Gina sa mga nakasama at nakatrabaho niya rito.

"Hanggang ngayon, lahat kami nagkakausap-usap pa rin. We love each other, sobra-sobra! Lalo si Coco... I love Coco! Ang bait-bait na bata nun. Sobra! 'Tsaka ayun, pinapangarap ko na maging tanyag siya, na maging bankable star siya. Para naman akong nanay, ano ba 'yan?" natatawang sabi niya.

So, parang anak-anakan na talaga ang turing niya kay Coco?

"Opo, sobra!" sagot niya. "Si Coco, ang naging dating niya sa akin, parang iniluwal ko, ganoon."

May susunod nang teleserye na gagawin si Ms. Gina sa ABS-CBN after Tayong Dalawa, pero bawal pa raw itong sabihin.

"Basta sigurado na yun. Sabi sa akin kasi ni Sir Deo [Endrinal], 'Tita, may next kang teleserye.'"

Sobrang nagpapasalamat si Ms. Gina kay Deo dahil lagi siyang isinasama nito sa kanyang mga proyekto.

"Sa totoo lang, gustong-gusto ko under Sir Deo. Napakabait niya at inuunawa niya kami. Hindi kami yung mga slave na bayaran na ano, hindi. Gusto ko si Sir Deo," ulit niya.

WORKING GIRLS REMAKE. Hindi lang sa telebisyon busy si Ms. Gina, maging sa pelikula ay lagare rin siya. Dalawang pelikula ang sabay niyang ginagawa ngayon, Working Girls 2010 at Umboy and Berns, na pinagbibidahan nina Aga Mulach at Regine Velasquez.

Ang Working Girls ay pelikula ng Viva Films noong '80s, kung saan kasama rin sa cast si Gina; along with Hilda Koronel, Rio Locsin, Carmi Martin, Maria Isabel Lopez, and Baby Delgado.