"Walang ibang taong puwedeng sumira ng matagal na naming pagsasama ni Manny. Hindi pa kilala si Manny sa buong mundo, kami na ang magkasama. Sabay naming pinagdaanan ang hirap at sakit ng buhay noong maging mag-asawa kami. Hindi nila alam ang mga pinagdaanan naming hirap kaya wala silang karapatan na sirain ang pamilya namin," says Jinkee Pacquiao.

Photo: Ruel J. Mendoza & Belo Medical Group

"Kaya sa sama ng loob ko, naparami ang pinamili ko!" sabay tawa ng misis ni Pacman. "Hindi ko namalayan kasi galit nga ako kaya kuha lang ako nang kuha. Hindi lang naman sa Chanel 'yon kundi sa ibang stores din. Kaya pagbalik namin sa hotel, nagulat ako sa dami ng binili ko. Parang pinag-initan ko ang mamili kasi nagalit nga ako. Naku, ayoko nang magalit kasi napapagastos ako!"

Pero ngayong dumating na si Krista mula sa U.S. at nagsu-shooting na ulit sila ni Manny ng Wapakman, ano ang pakiramdam ni Jinkee? Threatened ba ulit siya sa presence ni Krista?

"Ay, walang gano'n. Nabalitaan ko ngang dumating na siya, kaya welcome back!" tawa niya. "Hindi ako dapat makaramdam ng takot kasi ako ang misis ni Manny. Sila dapat ang matakot sa akin, di ba? Pero hindi naman ako ang tipo na magbabantay sa set. Hindi ako gano'n ever since. Kahit na na-link si Manny before kay Ara Mina, never nila akong nakitang nagbabad or nagbantay sa set.

"Ipinapakita ko kay Manny na may tiwala ako sa kanya at alam kong alam niya kung ano ang makakabuti at makakasama sa samahan namin. Ang sinabi ko lang naman kay Manny, saktan na niya ako, pero huwag ang mga anak namin. Importante sa akin ang mga nararamdaman ng mga bata. Ayokong magalit sila sa kanya o sa ibang tao dahil pinalaki namin silang mababait at may respeto sa matatanda."

Maliit lang ang mundo ng showbiz at hindi maiiwasan na bigla silang magkasalubong ni Krista sa isang event o sa isang simpleng araw lang. Ano ang gagawin niya kung mangyari 'yon?

"Wala lang siguro. Pero kung talagang nagbanggaan kami, babatiin ko naman siya. Hi at hello. Babatiin ko pa siya ng Merry Christmas!" tawa ulit ni Jinkee.

Pero paano kung si Krista ang unang bumati sa kanya?

"Hindi ko alam... okey lang 'yon. Kung siya ang unang babati sa akin, hindi ko siya babastusin. Hindi ako pinalaki ng magulang ko na bastos. Kung siya ang lalapit at kapag naramdaman ko na sincere ang pagbati niya, bakit ko naman siya tatanggihan?

"Pero pakiramdam ko, hindi pa mangyayari 'yan," patuloy niya. "Though hindi ko sinasara ang sarili ko sa ganyang sitwasyon. Kung mangyari man 'yan, bahala na ang Diyos."

THANKFUL TO GINA & MOMMY DIONISIA. Gusto ring ipaabot ni Jinkee ang kanyang pasasalamat sa aktres na si Gina Alajar dahil sa suporta na ibinigay nito sa kanya. Kahit hindi pa raw sila magkakilala ay naramdaman niya ang sinseridad nito.

"Nagulat nga ako sa ginawa niyang pagtatanggol sa akin at naramdaman ko ang pagmamahal niya. Gusto ko siyang makilala at maging kaibigan. Lahat ng mabait sa akin at sa pamilya ko ay gusto kong maging kaibigan. Kaya sana, someday, ay magkita kami at magkuwentuhan," saad ni Jinkee.

Isa pang gustong pasalamatan ni Jinkee ay ang kanyang mother-in-law na si Mommy Dionisia Pacquiao. Hindi raw siya nito pinabayaan at magaganda lahat ng payo nito sa kanya tungkol sa pagsasama nila ni Manny.

"Si Mommy naman, siya ang kakampi ko sa lahat ng mga nagiging problema namin ni Manny. Ako ang kinakampihan niyan parati. Natuwa nga ako nang sabihin niya sa akin na huwag akong patatalo dahil ako ang nag-iisang reyna sa buhay ni Manny. Naiyak nga ako sa sinabing 'yon ni Mommy kaya sobra-sobra ang pasasalamat ko sa pagmamahal na ibinibigay niya sa pamilya namin ni Manny.

"Kaya bilang regalo ko kay Mommy, binalatuhan ko siya. Di ba, nagpapagawa si Mommy ng bahay niya sa General Santos? May pinapagawa siya na ang worth ay eight hundred thousand. Sabi ko, dagdagan ko na 'yan para maging one million para wala na siyang maging problema. Kaya binigyan ko siya ng P200,000 para mas okey ang ipinapagawa niya. Natuwa naman si Mommy sa pagtulong na binigay ko sa kanya," lahad ni Jinkee.

CHRISTMAS PLANS. Usually ay sa General Santos City nagpa-Pasko sina Jinkee at ang kanyang pamilya. Pero dahil sa marami silang bahay, ang mga bata raw ang papipiliin nila kung saan nila gustong mag-spend ng Christmas.